• October 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 4th, 2026

Gilas Pilipinas, nabigo kontra New Zealand sa double overtime thriller

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NABIGO ang Gilas Pilipinas na maipanalo ang kanilang laban kontra New Zealand sa third window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Qualifiers na ginanap sa Spark Arena, Auckland ngayong Biyernes, Hulyo 3, oras sa Pilipinas.

Umabot sa double overtime ang bakbakan matapos magtabla ang score sa 93-93 sa unang overtime. Sa huli, tuluyang nanaig ang New Zealand sa iskor na 106-102.

Hinabol ng New Zealand ang 1-point lead ng Pilipinas sa ikatlong quarter at itinabla ang score sa 83 sa pagtatapos ng ika-apat na quarter. Sa unang overtime, gitgitan pa rin ang laban hanggang sa nauwi ito sa 93-all.

Pagpasok ng second overtime, nakalamang ang New Zealand sa unang dalawang minuto ngunit mabilis itong hinabol ng Gilas at nakaposte ng 97-96.

Dalawang minuto bago matapos, naiangat pa ng Pilipinas ang kalamangan sa apat na puntos, 100-96, sa tulong ng clutch shots ni Justin Brownlee.

Gayunman, mabilis itong nabura ng New Zealand na muling nakapantay sa 100-all isang minuto bago matapos.

Sa huling bahagi ng laro, hindi na nakabawi ang Gilas dahil sa sunod-sunod na foul calls at isang inbound mistake, dahilan upang tuluyang makuha ng New Zealand ang panalo.

Sa kabila ng pagkatalo, ipinakita ng Gilas ang matinding determinasyon at laban hanggang sa dulo, ngunit hindi sapat upang makuha ang panalo sa double overtime thriller.

Alex Eala, pasok na sa 3rd round ng WimbledonGUMAWA ng kasaysayan ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos makapasok sa ikatlong round ng Wimbledon sa kauna-unahang pagkakataon.

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Tinalo ni Eala ang Australian na si Maya Joint sa second round sa iskor na 3-6, 6-2, 6-0. Matapos matalo sa unang set, bumawi si Eala at tuluyang nangibabaw sa sumunod na dalawang set para makuha ang panalo.

Dahil dito si Eala ngayon ang kauna-unahang Pilipino sa Open Era na umabot sa ikatlong round ng Grand Slam tennis tournament.

Ayon kay Eala, kinailangan niyang ibigay ang lahat ng kanyang makakaya matapos ang mahirap na unang set.

Aniya, naging inspirasyon din sa kanya ang nakaraang pagkatalo noong 2025 Eastbourne Open upang mas pagbutihin niya ang kanyang laro.

Sa susunod na laban, haharapin ni Eala ang defending champion at world-class tennis player na si Iga Swiatek sa ikatlong round ng Wimbledon sa Sabado.

Bukod sa singles competition, lalahok din si Eala sa doubles event kasama ang Czech partner na si Nikola Bartunkova.

URGENT MOTION FOR RESOLUTION, INIHAIN NG MGA BIKTIMA NG WAR ON DRUGS

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN ng manifestation at urgent motion for resolutiom sa Korte Suprema ang pamilya ng mga biktima ng drug war para hilingin na desisyunan na ang writ of Amparo na inihain noon pang 2017.

Ipinadedeklara rin sa Korte Suprema na unconstitutional o labag sa Konstitusyon , invalid, illegal at walang bisa ang nangyaring war on drugs partikular ang Command Memorandum Circular (CMC) No.16-2026 ng Philippine National Police dahil ito ay hindi na-withdraw at sa halip ay inamyendahan lamang.

Sinabi ni Atty . Gilbert Andres , ang legal counsel ng pamilya ng mga biktima ng EJK na mahalaga na maideklara na labag sa Konstitusyon ang war on drugs para hindi na ito maulit.

Aniya tanging ang Korte Suprema lamang na makakapagdeklara na labag sa Saligang Batas ang war on drugs .

Ayon pa kay Atty.Andres , inihain ang writ of Amparo ng mga petisyoner dahil gusto nila ng proteksyon sa kanilang seguridad at magkaroon ng karapatan na mabuhay at may kalayaan.

Binigyang-diin ng legal counsel ng pamilya ng EJK victims na matindi ang naging takot nila dahil sa war on drugs.

Samantala , ipinaliwanag ng abogado na bagama’t mapapalakas ang kaso ng dating administrasyon sa International Criminal Court, kapag idineklarang unconstitutional pero aniya hiwalay ito at huwag paghaluin dahil tanging ang Korte Suprema pa rin aniya ang may kapangyarihan na maideklara na unconstitutional ang war on drugs . 

 (Gene Adsuara)

Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, inaabangan kung tutuparin ni Marcoleta nahaharapin ang kaso laban sa kanya

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAABANGAN ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña kung totohanin ni Senador Rodante Marcoleta kung tutuparin nito ang kanyang pangako na haharapin ang kaso laban sa kanya.

Reaksyon ito ng mambabatas kasunod na rin nang paghahain ng kasong plunder ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay Marcoleta.

Sinabi pa ni Cendaña na hinihintay niya rin na tuparin ng senador ang nauna niyang pahayag na hindi magtatago sakaling arestuhin.

“Ngayong nagfile na ang Ombudsman ng plunder charges vs. Sen. Marcoleta, tingnan natin kung tutuparin niya ang pangako niyang haharapin ang mga kaso laban sa kanya at hindi magtatago kung sakaling arestuhin. Baka naman sa dulo gayahin niya lang si VP Sara na ayaw humarap sa kaso o kay Bato na tinatakasan ang arrest warrant,” pahayag ni Cendaña.

Bukod kay Marcoleta, kasamang kinasuhan sina dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at businessmen Aristotle Viray at Joseph Espiritu.

Ang inihaing kaso ng Office of the Ombudsman ay kaugnay na rin sa alegasyon nang pagtanggap ni Marcoleta, na noon ay naka-upong kongresista, ng P75 milyong campaign donations mula kay Defensor at mga nasabing businessmen at kabiguang ideklara anf pondo sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

(VINA de GUZMAN)

Mike Defensor sa plunder case: ‘Ipatupad nang patas ang batas’

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUWESTYON ni dating Congressman Mike Defensor kung ano ang tunay na pamantayan ng batas hinggil sa kasong plunder.

Ito ay matapos tuluyan nang sampahan siya at si Senador Rodante Marcoleta ng kasong plunder sa Sandiganbayan ngayong Biyernes, Hulyo 3.

Sa isang pahayag, iginiit ni Defensor na ang natanggap ni Marcoleta ay mga campaign donation at walang anumang sangkot na pondo ng gobyerno.

Wala rin aniya ninakaw mula sa kaban ng bayan at walang pabor na hiningi, ipinangako, o ibinigay kapalit ng donasyon, kaya nagtataka siya kung paano ito naging plunder o pandarambong.

Iginiit ng dating mambabatas na kung ganito ang isinusulong na “legal theory” ng pamahalaan, dapat itong ipatupad nang patas sa lahat.

Ibinahagi ni Defensor na base sa mga pampublikong dokumento, lumalabas na nagbigay ng donasyon ang mga sumusunod na opisyal sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong halalan kabilang ang P247 milyon mula kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo, tig-P30 milyon mula kina PCSO General Manager Mel Robles at DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr.

Lahat umano sila ay itinalaga kalaunan sa mga matataas na posisyon sa gobyerno. Nilinaw naman ni Defensor na hindi niya sinasabing ilegal ito, kundi sinasabi lamang niya ang katotohanan. ( DARIS JOSE)

Kaugnay ng P75 milyong campaign donations…Marcoleta kinasuhan na ng plunder sa Sandiganbayan

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL nang nagsampa ng kasong plunder ang Office of the Ombudsman laban kay Sen. Rodante Marcoleta sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations nitong Biyernes, July 3.

Kasama ring kinasuhan sina dating kongresista Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray, na sinasabing nagbigay ng naturang donasyon.

Ayon sa Ombudsman, hindi umano isinama ang P75 milyon sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Marcoleta.

Lumalagpas din umano ang halaga sa P50 milyong threshold para sa kasong plunder sa ilalim ng Republic Act 7080.

Mariing itinanggi ni Marcoleta ang mga alegasyon at iginiit na natanggap ang pera bago ang opisyal na campaign period. (DARIS JOSE)

Ads July 4, 2026

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PNP pinaigting pagbabantay sa online sites

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments
PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga online platform at transnational online groups na umano’y nagre-recruit at nanghihikayat ng mga menor de edad na masangkot sa mga violent extremism.


Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., inatasan niya ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang cyber monitoring at cyber patrolling, katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, upang matukoy at masawata ang mga grupong gumagamit ng internet sa pag-uudyok ng karahasan.

Aniya, tungkulin ng PNP na protektahan ang publiko at hindi lamang nakatuon sa mga lansangan at komunidad kundi maging sa cyberspace. Nakahanda ang pulisya na tugunan ang mga banta sa online na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga kabataan.


Ang hakbang ay kasunod ng pagdinig ng Senado kaugnay ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, kung saan lumabas na posibleng naimpluwensiyahan ang dalawang menor de edad na suspek ng tinatawag na “764 Network,” isang transnational online group na iniuugnay sa marahas na ekstremismo.


Makikipag-ugnayan ang PNP sa mga foreign law enforcement agencies upang matukoy ang lawak ng operasyon ng “764 Network,” makilala ang mga nasa likod nito, at alamin kung may mga Pilipinong sangkot at iba pang kabataang posibleng naging target ng grupo.


Pinaigting din ng mga awtoridad ang kampanya laban sa mga mararahas na online game, kabilang ang GoreBox, na sinasabing kinahumalingan ng isa sa mga suspek.

Kaabang-abang ang mga magwawagi sa acting awards…Pitong natatanging pelikula, maglalaban-laban sa ’The 9th Eddys’ (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING magniningning ang Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts ngayong Linggo para sa ika-9 na edisyon ng Entertainment Editors’ Choice. 

Mas kilala ito bilang The Eddys, ang magsisimula ng local film awards season, na muling magbibigay-parangal sa mga pelikula at artistang nagpakita ng husay sa pagbuo ng pelikulang Pilipino sa nakalipas na taon.

Inorganisa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), kikilalanin ng The Eddys ang mga natatanging tagumpay sa paggawa ng pelikulang Pilipino sa 14 na kategoryang maglalaban-laban, na nagbibigay-pugay sa mga gawang nakatulong sa paghubog at pagpapaangat ng lokal na cinematic landscape sa pamamagitan ng makapangyarihang pagkukuwento, matapang na artistikong pananaw, at teknikal na kahusayan.

Pitong natatangi at mahuhusay na pelikulang nagbigay ng makabuluhang pananaw sa karanasan ng mga Pilipino ang magtatagisan para sa Best Picture: “Bar Boys: After School”, “Eraserheads: Combo on the Run”, “I’mPerfect”, “Journeyman”, “Quezon”, “Sunshine”, at “UnMarry”.

Bibigyang-pugay din sa The 9th Eddys ang mga natatanging indibidwal na nag-iwan ng malalim na marka sa larangan ng entertainment at sa lipunan.

Nangunguna sa mga tatanggap ng espesyal na parangal ngayong taon ang “Box Office Hero” na si Vice Ganda para sa comedy-drama ng Star Cinema na “Call Me Mother”; si Maricel Soriano at ang cast ng “Meet, Greet, & Bye”; ang tambalang Kim Chiu at Paulo Avelino para sa romantic comedy na “My Love Will Make You Disappear”; at si Richard Gutierrez para sa pangunguna sa horror entry ng Regal Entertainment na “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins”.

Igagawad din ang tatlong espesyal na pagkilala.

Ang Isah V. Red Award ay kumikilala sa mga indibidwal na ang mga gawain ay nag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga komunidad sa pamamagitan ng makabuluhang paglilingkod. Ang mga tatanggap nito ngayong taon ay ang corporate leader at philanthropist na si Chaye Cabal Revilla at ang aktor na si Donny Pangilinan.

Ang Joe Quirino Award ay mapupunta sa direktor at songwriter na si Joven Tan, na ang career journey mula sa entertainment journalism hanggang sa paggawa ng pelikula, ay nakagawa ng higit sa isang dosenang pelikula.

Ang Manny Pichel Award ay ibibigay sa television reporter na si Lhar Santiago para sa kanyang mga dekada nang kontribusyon sa entertainment journalism.

Magsisilbing hosts sina Concert Queen Pops Fernandez at television host and broadcaster Kim Atienza, ang star-studded ceremony ay ididirek ni Calvin Neria.

Magbubukas ang gabi sa isang espesyal na production number mula kina Fred Moser at Kanata ng Pinoy Big Brother, kasama ang young cast ng advocacy drama na “I’mPerfect”.

Ipapakita ng AKTOR PH chairman at founding president na si Dingdong Dantes ang mga patuloy na inisyatiba na binuo sa pakikipagtulungan sa SPEEd at Unilab.

Isang espesyal na pagtatanghal din ang ihahatid ng up-and-coming young singer-songwriter na si Isha Ponti, habang ang Inspirational Diva na si Jamie Rivera ay maghahatid ng emosyonal na song number para sa posthumous tribute segment, isang matinding bahagi ng programa na inaasahang magdadala ng panandaliang katahimikan sa gabi.

Magsasara ang seremonya sa pagtatanghal ni Andrea Gutierrez at ng singer-songwriter na si David Young.

Inorganisa ng SPEEd, ang The Eddys ay nananatiling isa sa mga pinaka-respetadong award-giving bodies sa bansa na nakatuon sa pagkilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino.

Ang 9th Entertainment Editors’ Choice ay nabuo sa kolaborasyon ng SPEEd, Newport World Resorts, PlayTime Entertainment, at Echo Jham Productions, kasama ang Gold Sponsors Globe Telecom at Unilab Inc.; Silver Sponsors SoundCheck Inc. at Puregold CinePanalo Film Festival; at Major Sponsors Luxent Hotel, Luxxe White, Beautéderm Corporation, Isha Ponti, at PlayaLolita Beach Resort Hotel and Restaurant.

Ang live streaming ng The 9th Eddys ay opisyal na mapapanood sa Facebook page ng Entertainment Editors’ Choice at YouTube channel nito, na may sabay-sabay na broadcast sa mga nangungunang media platforms.

Kaya kilig na kilig at very grateful sila sa effort…Fans club nina WILBERT at BEA, grabe ang suporta at may kanya-kanyang paandar (ni: ROSE GARCIA) 

Posted on: July 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPABILIB kami ng mga fan ng WilBea, ang loveteam nina Wilbert Tolentino at Bea Binene. 

Grabe yung suporta nila sa tandem nilang dalawa. Suwerte rin in a way ang VIVA dahil sa bagong series ng WilBea, ang “Love U Lots” na mapapanood pa rin sa VIVA One, aba, todo ang effort ng mga fans club ng dalawa. 

Sa Robinsons Manila Atrium ginanap ang mediacon at may mga kanya-kanya pang paandar na booths ang mga fans. May sari-sari store na booth kunsaan, naaliw ang mga press na namalengke ng mga libreng gulay. May ice-cream, caricature, taho at iba pa. 

Siyempre, kilig na kilig at very grateful naman sina Wilbert at Bea na ilang ulit din nilang sinabi na sariling gastos talaga ng mga fan nila ang mga ito.

Halos ‘di na namin marinig kapag sumasagot sa mga tanong ang dalawa dahil sa mga tilian ng fans. Sa huli, bukod nga sa “Love U Lots”, may surprise announcement din sina Wilbert at Bea na may business na at mga merchandise nila na mabibili. Isa na rito ang komiks at libro na si Wilbert mismo ang gumawa.

Kasama rin sa series sina Janno Gibbs, Katya Santos, Vito Quizon, Migo Valid at Xia Vigor. Sa July 24 na magsisimula ang streaming. 

***

Nadine, nag-enjoy kaya wish na maka-trabaho uli si Alden

MARAMI ang nagtataka bakit walang masyadong ingay ang “Love Siargao” na series nina Alden Richards at Nadine Lustre.

Mas lalong marami ang nagulat na kasalukuyan na pala itong napapanood sa VIU at nasa episode 3 na.

So far, hindi pa raw alam kung maipapalabas nga ito ss free TV.  As in, wala pa raw.

Hindi pa namin nakakausap si Alden, pero para kay Nadine, nag-enjoy raw siya ka-trabaho si Alden. Bilib din daw siya sa kasipagan ng actor at wish ni Nadine na maka-work daw muli si Alden.

Why not, movie naman.