PNP pinaigting pagbabantay sa online sites
PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga online platform at transnational online groups na umano’y nagre-recruit at nanghihikayat ng mga menor de edad na masangkot sa mga violent extremism.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., inatasan niya ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang cyber monitoring at cyber patrolling, katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, upang matukoy at masawata ang mga grupong gumagamit ng internet sa pag-uudyok ng karahasan.
Aniya, tungkulin ng PNP na protektahan ang publiko at hindi lamang nakatuon sa mga lansangan at komunidad kundi maging sa cyberspace. Nakahanda ang pulisya na tugunan ang mga banta sa online na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga kabataan.
Ang hakbang ay kasunod ng pagdinig ng Senado kaugnay ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, kung saan lumabas na posibleng naimpluwensiyahan ang dalawang menor de edad na suspek ng tinatawag na “764 Network,” isang transnational online group na iniuugnay sa marahas na ekstremismo.
Makikipag-ugnayan ang PNP sa mga foreign law enforcement agencies upang matukoy ang lawak ng operasyon ng “764 Network,” makilala ang mga nasa likod nito, at alamin kung may mga Pilipinong sangkot at iba pang kabataang posibleng naging target ng grupo.
Pinaigting din ng mga awtoridad ang kampanya laban sa mga mararahas na online game, kabilang ang GoreBox, na sinasabing kinahumalingan ng isa sa mga suspek.