• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 2nd, 2026

Dahil daw sa unforeseen circumstances…Concert tour ng BINI sa Europe, hindi na muna matutuloy (ni: ROSE GARCIA)  

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKU, hindi na matutuloy or sana nga, pansamantala lang itinigil ang supposedly BINI concert tour sa Europe na “Signals.”

Naglabas ng pahayag na diumano’y may unforseen event daw.  

“Due to unforeseen circumstances beyond our control, the European leg of the BINI Signals World Tour 2026 will be postponed.

“We sincerely apologize for the disappointment and inconvenience this may cause.

“We are working to reschedule the tour and will share updated information as soon as possible.

“Ticket buyers will be refunded accordingly from their point of purchase.”

Siyempre,  nakaka-curious malaman kung ano ang sinasabing unforseen event. Habang ang isang maingay sa socmed naman, nakaisip agad ng rason na kesyo konti lang daw kasi ang bumili ng tickets.

***

Evette, ‘di na ka-join sa upcoming concert tours ng Sexbomb

ANG una kong narinig, kesyo hindi raw okay sina Evette Pabalan at Rochelle Pangilinan. 

Kaya ending, hindi na rin makakasama si Evette sa mga upcoming concert tour ng Sexbomb.

At sa Calgary na lang siya kasama.

Pero sa mismong Facebook post ni Evette, naglabas siya ng statement kung bakit only in Calgary lang siya makakasama ng grupo.

Aniya, “ONLY IN CALGARY. 

​”I’ve been reading all your sweet messages, and my heart is just so full. Salamat sa inyong pagmamahal. I have always wanted to be up on that stage performing for all of you again. I love my Sexbomb sisters so much, and I am cheering them on completely as they travel across Canada!

“Gustong-gusto ko man sanang makasama sa ibang tour, I just want to clear my heart despite the rumors. My not being part of the full tour was never because I didn’t want to be there. Hindi lang po tayo napahintulutang sumama na makapag-perform with them. 

“Some things simply don’t happen the way we hope, and that’s okay. Minsan, hindi lang talaga nag-a-align ang lahat. But I want you to know that my heart has always been to sing for all of you. 

“While I truly wish I could be in every city and in every Sexbomb Tour. But I am beyond grateful that we found a way to make one beautiful night happen. 

“On July 25, I will be performing as a Special Guest, exclusively right here in my hometown of Calgary!

“This special moment is happening dahil sa inyong mga sumusuporta sakin at sa grupo. And most importantly, it’s happening because of the incredible dedication of Northern Lights & Sanrillo Entertainment and Services Inc. and 5 Stars Production. They worked tirelessly, and moved mountains just to make sure I could share this night with you. Dahil sa kanila, hindi nila pinayagan na manuod lang ako but to share what you guys deserve.

​”Let’s make July 25 entirely about love, nostalgia, and the music that brought us all together. Sa ating mga Kapamilya, Kapuso, Kapatid sa Calgary, tara na! I am so excited to see my SBG sisters at kayo na patuloy na sumusuporta sa amin!

​”Let’s make it one to remember! Dito lang yan sa Calgary!!! Spread the love!”

​Si Evette ang pinaka-lead vocalist ng grupo kaya malaking kawalan din kapag wala siya.

Wish pa niya: “God bless us and our family!” IAN, ibinalita na nagkaroon sila ng magandang pag-uusap ni MATET (ni: ROHN ROMULO) masayang 

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARAMING natuwang netizens at tiyak maging ang mga Noranians dahil mukhang maayos ang relasyon ni Ian de Leon 

sa kanyang mga kapatid.Matatandaang nagkasagutan sina Ian, Lotlot at Matet de Leon

 dahil sa mga naiwang ari-arian o pamana nang pumanaw nilang ina na Superstar at National Artist na si Nora Aunor.Sa Facebook page ni Ian, masaya niyang ibinalita na nagkaroon ng magandang pag-uusap sa pagitan nila ng kanyang kapatid na si Matet. Kaya labis ang kanyang pasasalamat.“Thank you so much for the wonderful conversation! God bless us and our family!” Pahayag ni Ian na kung saan naka-tag si Matet.

Samantala, nag-post din ng larawan si Matet noong baby pa siya kasama sina Ian at Lotlot, pati na ang kanilang inang si Ate Guy.

“We miss you Ma,” maikling caption ng dating child star.Matatandaan nga na nag-post si Matet sa sayang social media last week. Nagbigay siya ng  mensahe para kay Ian after ng interview nito sa “Fast Talk with Boy Abunda”.

“Para sa ’yo, ‘Kuya Ian, sana sinabi mo rin sa tao ‘yung mga nagawa mong mali. Na hindi totoong nangkakamkam kami. Na yung zoom meeting (tutal nabanggit mo na) eh para sa play na feeling ko mali at hindi enterprise o foundation?

“Sana hindi mo na e-enjoy ito. Sa tingin mo ba, deserve namin to? Na winawalanghiya kami ng tao kahit alam mo kung sino at anong klaseng tao kami? Mukha kaming kupal kahit alam mong hindi. Di kayo sumasagot sa chat eh. Dito na lang.”Sana nga ay tuloy-tuloy na magandang samahan ng magkakapatid.

May sarili ng Beautederm perfumes at billboard…VG ALEX at SUNSHINE, labis-labis ang pasasalamat kay RHEA sa regalong natanggap (ni: NONIE NICASIO) 

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ng Beautederm CEO and founder Rhea Anicoche Tan ang launching ng sariling perfumes na nakapangalan sa couple na sina Bulacan Vice Governor Alex Castro at ng Sexbomb member na si Sunshine Garcia – ang Alex at Sunshine scents ng Beautederm Parfums. 

Ipinahayag dito ni Ms. Rhea ang kahalagahan ng loyalty at friendship. 

“We express our gratitude to Sunshine Garcia and our Vice Governor Alex Castro, one of our original endorsers, our OGs since 2013. They have grown to be significant figures in Beautederm’s success. So, we have developed fragrances for them.

“Today also marks the debut of Alex and Sunshine’s first ever billboard in NLEX. Iyan ang regalo ko sa kanila for being my loyal babies. 

“Sa totoo lang konsehal pa lang yata siya noon, baby ko na siya. Imagine mo Vice Governor na siya, hindi pa rin niya ako iniiwan. Siya ang nagpapatunay na hindi kasikatan at pera ang nakakasira sa pagkakaibigan.”

Wika pa ni Ms. Rhea, “Here at Beautederm, we value personal relationships and genuine connections and we will maintain that culture. We believe that Sunshine and Alex deserve their own perfumes under our brand. And aside from the fact that they smell good, they remind us that the true scent of success is a friendship built on love and sincerity.”

Super-thankful naman sina VG Alex at Sunshine sa lady boss ng Beautederm. 

“Thank you sa lahat ng pumunta and thank you ate (Rei), thank you sa love at support mo sa amin. Iba ka talaga,” wika ni Sunshine.

Aniya pa, “Ang loyalty mahalaga sa amin iyon, pati iyong friendship, yung love sa produkto at sa may-ari nandoon, e. Kumbaga, hindi mo basta ibe-betray ang taong nagtiwala sa iyo, tumulong sa iyo noong nag-uumpisa ka pa lang. Kaya mahal na mahal namin si Ate Rei, kasi totoo yung pagmamahal niya sa amin.”

Wika naman ni VG Alex, “Kay ate Rei, thank you very much, nakaka-touch iyong message niya. Imagine, 2013 nang una kaming nagkakilala. Actually, it’s an honor na naging part ako ng Beautederm for almost ilang years na. 

“Masaya ako dahil hanggang ngayon ay nandito pa rin ako and eto na nga, may billboard na rin kami and nabigyan kami ng chance na magkaroon ng sariling perfumes.

“Ang masasabi ko, in a world na parang lahat walang loyalty, pero mayroon pa ring pagkakataon na maniwala pa rin tayo na puwede pa rin tayong maging loyal sa isa’t isa. And being a loyal ambassador, mahal kita ate Rhea and nandito may kasama pa akong magmamahal sa iyo, ang asawa ko. Mahal ka namin.”

Dagdag pa ng masipag na public servant, “Ako kasi nasa Beautederm na noong bago pa lang sila kaya na-witness ko ang paglaki ng Beautederm. Dati kaunti pa lang kaming endorsers, ngayon ang dami na namin at ipinagpapasalamat ko kay ate Rei na hanggang ngayon nandito pa rin ako sa Beautederm.”

Nagpasalamat din si VG Alex sa members ng media at mga kapatid sa Beautederm na sina Sanya Lopez, Kitkat, Glydel Mercado, at Kakai Bautista na sumuporta sa kanilang launching.

Ang iba pang scents na kabilang sa Beautederm Parfums ay ang Rei, Rein, at Audrey na lahat ay super sa bango. Available na ito sa lahat ng stores and branches nito, nationwide.

France, pasok na sa Round of 16; Mbappé, muling gumawa ng kasaysayan

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

France, pasok na sa Round of 16; Mbappé, muling gumawa ng kasaysayan

PASOK na sa Round of 16 ang pambansang koponan ng France sa nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026 matapos nilang tambakan ang Sweden, 3-0, sa Round of 32 sa New Jersey Stadium.

Dominado ng Les Bleus ang laban mula pa sa unang kalahati, kung saan binasag ni Kylian Mbappé ang deadlock sa ika-45 minuto sa pamamagitan ng mabilis na sipa mula sa kaliwang bahagi ng penalty area.

Sa ikalawang kalahati, lalo pang nabaon ang Sweden nang maipasok ni Bradley Barcola ang bola sa ika-52 minuto sa tulong ng assist ni Michael Olise.

Sinelyuhan ng France ang panalo sa ika-74 minuto nang muling makapuntos si Mbappé mula sa pasa ni Olise, upang makumpleto ang kanyang brace.

Dahil dito, umakyat na si Mbappé sa ikalawang puwesto sa all-time leading scorers ng FIFA World Cup na may kabuuang 18 goals, isang puntos na lamang ang agwat kay Lionel Messi.

Bukod pa rito, hawak na rin niya ang bagong rekord para sa pinakamaraming knockout-stage goals sa kasaysayan ng torneo na may sampu.

Sunod na makakaharap ng France ang koponan ng Paraguay sa darating na Hulyo 4 para sa Round of 16.

Eala, wagi sa unang laban sa Wimbledon 2026

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na binuksan ni Alex Eala ang kanyang kampanya sa Wimbledon 2026 matapos dominahin ang Mexicanong si Renata Zarazua, 6-1, 6-2, sa unang round nitong Miyerkules ng umaga.

Sa loob lamang ng mahigit isang oras, ipinakita ng 21-anyos na Filipina ang kanyang matatag na porma sa damuhan, na nagbigay sa kanya ng kauna-unahang panalo sa main draw ng Wimbledon.

Ang tagumpay na ito ay makasaysayan dahil si Eala ang unang Filipina na nakapasok at nakapanalo sa Wimbledon main draw, bukod pa sa pagiging unang seeded player mula sa Pilipinas sa prestihiyosong torneo.

Ang suporta ng mga Pilipino sa London ay lalong nagbigay kulay sa kanyang makasaysayang panalo.

NPD, nagtala ng pinakamababang focus crime sa buong NCR

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAITALA ng Northern Police District (NPD) ang pinakamababang bilang ng walong Focus Crimes sa lahat ng police districts sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa unang 45 araw na pamumuno ni P/BGen. Benliner Capili, Acting District Director ng NPD.

Ang makabuluhang tagumpay na ito ay sumasalamin sa pinaigting na pagsugpo sa krimen at mga pagsisikap ng interbensyon ng Distrito, na naka-angkla sa FOCUS Agenda ng Hepe ng Philippine National Police, ang ABLE-ACTIVE-ALLIED Framework ng National Capital Region Police Office (NCRPO), at ang Six Strategic Program Thrust ng Northern Police District.

Sa pamamagitan ng pinalakas na police visibility, intelligence-driven operations, community engagement, at proactive law enforcement initiatives, pinalakas ng NPD ang kaligtasan ng publiko sa buong CAMANAVA area habang pinalalakas ang mas matibay na partnership sa mga stakeholder at komunidad.

Binigyang-diin ng P/BGen. Capili na ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang dedikasyon, disiplina, at propesyonalismo ng bawat tauhan ng NPD, gayundin ang walang patid na suporta ng publiko at mga katuwang na ahensya.

“This milestone inspires us to work even harder in sustaining peace and order. We remain committed to delivering responsive, proactive, and service-oriented policing to ensure safer communities for every resident of CAMANAVA,” ani Gen. Capili.

Ang Northern Police District ay nananatiling matatag sa kanyang pangako sa pagpapanatili ng mga tagumpay nito at higit pang pagpapalakas ng mga hakbangin sa kapayapaan at kaayusan sa paghahangad ng isang mas ligtas, at matatag na komunidad. (Richard Mesa)

Yahoo Mail: Search, Organize, Conquer

PBBM, tuloy ang biyaheng Canada, seselyuhan ang bagong cooperation deals- Malakanyang

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para ikansela ang official visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Canada para patatagin ang bilateral ties at makakuha ng ilang cooperation agreements.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tuloy ang byahenng ito ng Pangulo sa Canada sa kabila ng nagpapatuloy na rally sa EDSA.

“Kasi matagal na rin po itong naka-schedule at kailangan din po niyang magtrabaho. Hindi po kasi siya pwedeng pahintuin lamang ng mga bulung-bulungan na merong lulusob sa Malacañang, na merong gagawa ng destabilization,” ayon kay Castro.

“Hindi po mapapahinto ang Pangulo sa kaniyang pagtatrabaho para sa taumbayan,” dagdag na wika nito.

Ipinahayag ito ni Castro sa gitna ng nagpapatuloy na rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo malapit sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.

Aniya, ang four-day visit ay naglalayon na mas palalimin pa ang relasyon ng Pilipinas at Canada sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan sa mga mahahalagang sektor.

“May ilang mga formal framework of cooperation at iba’t ibang kasunduan ang inaasahang ilalabas sa pagbisita ng Pangulo, lalo na sa mga area ng energy, natural resources, trade and investment, labor and immigration, tourism, culture and arts,” ang tinuran ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na nakatakdang makapulong ng Pangulo ang mga Canadian business leaders para hikayatin ang mga ito na mamuhunan sa mga priority sectors sa Pilipinas, kabilang na sa mining at nuclear energy.

“Nakatakda ring dumalo ang Pangulo sa iba’t ibang business meetings at private sector engagement, particular sa pakikipagpulong ng Pangulo sa economic players ng Canada sa larangan ng mining, IT and business process management, telecommunications, nuclear energy and financial services,” aniya pa rin.

Samantala, nakatakdang makapulong ni Pangulo Marcos ang Filipino community sa Vancouver, British Columbia, bilang pagkilala sa kontribusyon ng overseas Filipinos sa dalawang bansa at kanilang papell para palakasin ang bilateral ties.

Sinabi ni Castro na ang detalye ng Philippine delegation at mga government officials na itinalaga sa oversee day-to-day operations sa panahon ng pagbyahe ng Pangulo ay ia-anunsyo maya-maya lamang. (DARIS JOSE)

Malakanyang, umapela sa INC…Huwag hayaan ang mga ‘destabilizers’ na gamitin ang rally

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAPELA ang Malakanyang sa liderato ng Iglesia ni Cristo (INC) na manatiling bigilante laban sa mga grupong maaaring gamitin ang nagpapatuloy na protest activities para i- destabilize ang gobyerno.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na seryosong tinitingnan ng mga awtoridad ang mga kumakalat na balita sa social media ukol sa di umano’y planong lusubin ang mga government institutions, kabilang na ang Palasyo ng Malakanyang sa Maynila bagaman hindi pa nabeberipika ng mga opisyal ang nasabing impormasyon.

Hindi naman naniniwala si Castro na ang INC ang nasa likod ng anumang destabilization efforts laban sa administrasyong Marcos.

“Hindi namin paniniwalaan na miyembro ng INC ang siyang gagawa nito dahil sabi nga natin, ginagalang natin ang integridad, ang liderato ng INC. Hindi naman siguro ang purpose ng kanilang protesta ay mag-destabilize,” ani Castro.

“Kaya nga po sa ngayon ang pakiusap po natin sa liderato ng INC, maging maingat din po sila at baka sila ay magamit ng ibang mga tao na ang naisin ay patalsikin ang Pangulo dahil alam natin ang INC ay hindi iyan ang hinihimok sa taumbayan,” aniya pa rin.

Batid naman aniya ng Malakanyang na may ilang grupo ang matagal nang nananawagan na alisin na sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. 

Gayunman, sinabi ni Castro na nakahanda ang gobyerno na hadlangan ang anumang pagtatangka na patalsikin sa puwesto ang Pangulo.

“Ito po’y nakarating na at kung ito man ay isang tsismis, isang pananakot, hindi naman po ito isasabale-wala lamang ng mga awtoridad natin,” ani Castro.

Binigyang diin ni Castro na ginagalang ng Malalanyang ang mga layunin ng INC sa pagpo-promote ng transparency at accountability, dahil ipinahahayag lamang ng religious group ang kanilang suporta kay Sen. Rodante Marcoleta.

Winika pa ni Castro na kaisa ng INC si Pangulong Marcos sa pagpapalakas sa ‘transparency at accountability; sa gobyerno.

Tiniyak naman ni Castro sa publiko na patuloy na igagalang ng administrasyon ang karapatan sa peaceful assembly, iyon lamang, dapat na ang mga protesters ay susunod sa batas at umiwas na galitin ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

“Huwag lamang po silang lalabag sa batas. At ang PNP po ang pinapairal ay maximum tolerance. So, huwag po sana nila rin i-provoke ang ating mga miyembro ng kapulisan,” aniya pa rin. (DARIS JOSE)

PBBM, masusing pinag-aaralan ang pagpapalawig ng P50/kilo cap sa imported rice

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MASUSING pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon na palawakin ang P50 per kilo na maximum suggested retail price (MSRP) ng gobyerno pagdating sa imported na bigas, lampas sa nakatakdang expiration bilang bahagi ng pagsisikap na panatilihin na matatag ang presyo ng pagkain sa gitna ng global uncertainties.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inirekomenda ng National Price Coordinating Council na palawigin ang price cap, na nauna nang ipinataw para pigilan ang tumataas na presyo ng bigas at protektahan ang mga mamimili.

“Inaaral pa po ito ng Pangulo para sa kanyang approval dahil tinitignan na malapit na ang anihan sa September kaya kino-consider ito ng Pangulo,” ayon kay Castro.

Nauna rito, inihayag ng Malakanyang na irerekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalawig ng P50 kada kilo na maximum suggested retail price (MSRP) sa bigas na nakatakdang magtapos sa Hunyo 30.

“Sa kasalukuyan po, ang ating gobyerno ay nagbibigay ng mga abono at pataba sa ating mga magsasaka dahil planting season na so mas mababa ang cost production nila, which would mean lower po ang cost ng palay once harvest season,” anito.

Aniya pa, patuloy aniya na namumuhunan ang gobyerno sa post-harvest facilities at cold storage infrastructure para mabawasan ang ‘food losses’ at mapahusay ang supply chain efficiency. ( DARIS JOSE)

CMU graduates binati ni Mayor Jeannie, 599 latin honors tatanggap ng cash grants

Posted on: July 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINAMON ni Mayor Jeannie Sandoval ang 2,255 graduates ng City of Malabon University (CMU) na dalhin ang mga pagpapahalagang natutunan nila sa labas ng silid-aralan at gamitin ang kanilang pinag-aralan upang maiangat hindi lamang ang kanilang sarili kundi maging ang kanilang mga pamilya, komunidad, at Lungsod ng Malabon.

Ito ay sa isinagawang 31st CMU Commencement Exercises, na may temang “From Knowledge to Nation Building: Graduates at the Forefront of Change,” na ginanap noong Martes sa Philippine International Convention Center (PICC) Forum sa Pasay City.

Binati ni Mayor Jeannie ang mga nagsipagtapos sa pag-abot ng isang milestone na naging posible sa pamamagitan ng mga taon ng tiyaga, sakripisyo, at determinasyon. Ipinaalala niya sa kanila na ang pagkakaroon ng diploma ay hindi ang katapusan ng kanilang paglalakbay ngunit ang simula ng isang mas malaking responsibilidad na maging mga ahente ng positibong pagbabago.

“Hindi lamang diploma ang inyong tinatanggap ngayon, kundi ang responsibilidad na gamitin ang inyong kaalaman para sa kabutihan ng inyong pamilya, ng ating komunidad, at ng ating bansa. Dalhin ninyo saan man kayo makarating ang inyong pinagmulan, ang tapang, lakas ng loob, at pagpupursige dahil kayo ay mga tunay na Malabueño,” aniya Mayor Sandoval.

Sa 2,255 nagtapos para sa School Year 2025–2026, 599 na estudyante ang nakakuha ng Latin honors, kabilang ang 13 Summa Cum Laude na makakatanggap ng tig-P5,000, 260 Magna Cum Laude na tatanggap ng tig-P3,000, at 326 Cum Laude na mag-uuwi ng tig-P2,000 mula sa lokal na pamahalaan.

Hinikayat naman nina Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at Atty. Marco Cicero F. Domingo, CHED-NCR Director III na kapwa nagsilbing guest speakers ang mga nagsipagtapos na maging produktibo.

Kinilala rin ni Mayor Jeannie ang suporta ng mga magulang, tagapag-alaga, miyembro ng faculty, at tauhan ng unibersidad na ang paggabay at sakripisyo ay nakatulong sa paghubog ng tagumpay ng mga nagtapos. Muli rin niyang pinagtibay ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon sa Malabon.

Makalipas ang 33 taon, nakatanggap ang CMU ng Institutional Recognition mula sa CHED noong Mayo 2026, sa ilalim ng termino ni Mayor Sandoval.

Dumalo rin sa graduation rites sina City Administrator Dr. Alexander Rosete, First Gentleman Cong. Ricky Sandoval, City Councilours, CMU President Dr. Glen DV. de Leon, college deans, at university faculty at non-teaching personnel, at mga magulang ng mga nagtapos.

“Sa pangunguna ng ating kagalang-galang na Mayor Jeannie Sandoval, patuloy nating palalakasin ang edukasyon dahil naniniwala tayo na ang bawat kabataang nabibigyan ng pagkakataong makapagtapos ay nagiging pag-asa ng kanilang pamilya at ng kinabukasan ng ating lungsod,” sabi ni Dr. Rosete. (Richard Mesa)