• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, tuloy ang biyaheng Canada, seselyuhan ang bagong cooperation deals- Malakanyang

WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para ikansela ang official visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Canada para patatagin ang bilateral ties at makakuha ng ilang cooperation agreements.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tuloy ang byahenng ito ng Pangulo sa Canada sa kabila ng nagpapatuloy na rally sa EDSA.

“Kasi matagal na rin po itong naka-schedule at kailangan din po niyang magtrabaho. Hindi po kasi siya pwedeng pahintuin lamang ng mga bulung-bulungan na merong lulusob sa Malacañang, na merong gagawa ng destabilization,” ayon kay Castro.

“Hindi po mapapahinto ang Pangulo sa kaniyang pagtatrabaho para sa taumbayan,” dagdag na wika nito.

Ipinahayag ito ni Castro sa gitna ng nagpapatuloy na rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo malapit sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.

Aniya, ang four-day visit ay naglalayon na mas palalimin pa ang relasyon ng Pilipinas at Canada sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan sa mga mahahalagang sektor.

“May ilang mga formal framework of cooperation at iba’t ibang kasunduan ang inaasahang ilalabas sa pagbisita ng Pangulo, lalo na sa mga area ng energy, natural resources, trade and investment, labor and immigration, tourism, culture and arts,” ang tinuran ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na nakatakdang makapulong ng Pangulo ang mga Canadian business leaders para hikayatin ang mga ito na mamuhunan sa mga priority sectors sa Pilipinas, kabilang na sa mining at nuclear energy.

“Nakatakda ring dumalo ang Pangulo sa iba’t ibang business meetings at private sector engagement, particular sa pakikipagpulong ng Pangulo sa economic players ng Canada sa larangan ng mining, IT and business process management, telecommunications, nuclear energy and financial services,” aniya pa rin.

Samantala, nakatakdang makapulong ni Pangulo Marcos ang Filipino community sa Vancouver, British Columbia, bilang pagkilala sa kontribusyon ng overseas Filipinos sa dalawang bansa at kanilang papell para palakasin ang bilateral ties.

Sinabi ni Castro na ang detalye ng Philippine delegation at mga government officials na itinalaga sa oversee day-to-day operations sa panahon ng pagbyahe ng Pangulo ay ia-anunsyo maya-maya lamang. (DARIS JOSE)