• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 1st, 2026

BABAE, PATAY SA PAGTAWID NG KALSADA SA TONDO

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAWI ang isang 45-anyos na babae matapos siyang mabangga ng isang rumaragasang motorsiklo habang tumatawid sa Southbound lane ng Delpan Flyover sa Barangay 20, Tondo, Maynila, bandang alas-11:30 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Cynthia Lamar y Burawis ng Parola Compound, Tondo, Manila. Agad siyang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Medical Memorial Center ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor. Samantala, kinilala ang rider ng motorsiklo na si Gervin Efsali y Dilasa, 26, vendor ng Bakod Bayan, Cabanatuan City, NUeva Ecija, ay nasa kustodiya na ng pulisya.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bigla umanong tumawid ang biktima sa kalsada nang mabangga siya ng isang Yamaha Sniper 155 na motorsiklo. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon siya ng ilang metro at nagtamo ng mga matitinding pinsala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Inilipat na sa Manila District Traffic Enforcement Unit ang kaso para sa mas malalim na imbestigasyon. (Gene Adsuara)

PAGKAKABIT NG CCTV, INOOBLIGA SA MAYNILA

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

OBLIGADO nang maglagay ng mga closed circuit television (CCTV) camera ang lahat ng 897 barangay sa Lungsod ng Maynila bilang hakbang na mahadlangan at masugpo ang krimen sa kanilang mga lugar.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 9152, Series of 2026 na inakda ni 1st District Councilor Rosalino “Jhun” Ibay, ang bawat barangay, maliit man o malaki, ay inaatasang maglagay hindi bababa sa 10 CCTV sa mga lugar na madalas kaganapan ng krimen.

Sa panayam ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) kay Councilor Ibay, Chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, kaagad aniyang nilagdaan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang ordinansa nang maipasa ito ng mayorya ng Sangguniang Panlungsod dahil malaki ang maututulong nito para sa seguridad ng bawat komunidad

Sinabi ni Konsehal Ibay na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nakakasakop sa kani-kanilang barangay ang makakatuwang ng barangay sa paglalagay ng mga CCTV sa istratehikong lugar na madalas kaganapan ng krimen.

May katapat namang kaparusahan mula sa pagkakasuspinde hanggang sa pagkakasibak sa tungkulin ang sinumang Kabesa ng barangay na hindi tatalima sa ordinansa lalu na’t ang magbebenepisyo rito ay ang taumbayan, higit ang kanilang mamamayan. (Gene Adsuara)

National Cyber Security Center, itatayo sa Valenzuela

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, kamasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybersecurity Bureau at Korea International Cooperation Agency (KOICA) ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa proyekto ng “Establishment of the National Cyber Security Center for Enhancing the Cyber Crisis Response Capabilities in the Philippines,” na ginanap sa DICT Valenzuela Compound.

Nanguna sa kaganapan sina Mayor WES Gatchalian, DICT Secretary Henry Aguda, Ambassador of the Republic of Korea to the Philippines H.E. Lee Sang-hwa, at KOICA Vice President Lee Yun-young, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at partner na institusyon.

Ang proyekto, ay isang pinagsamang inisyatiba sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at Republika ng Korea sa pamamagitan ng KOICA na naglalayong palakasin ang information security management, linangin ang isang bagong henerasyon ng mga dalubhasang propesyonal sa cybersecurity, at pagbutihin ang pakikipagtulungan ng dalawang bansa sa larangan ng cybersecurity.

Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng proyekto ay ang pagtatatag ng isang Information Security Management System (ISMS), pagtatayo ng isang state-of-the-art na National Cyber Security Center (NCSC) main center sa DICT Valenzuela Campus at backup center sa Ilocos Norte, pagbuo ng isang national cybersecurity system para sa cyber threat monitoring at information sharing, capacity-building programs, at ang pagpapatupad ng P-Security education cybersecurity.

Ipapatupad ang proyekto sa loob ng limang taon na may aktibong partisipasyon ng mga organisasyong Critical Information Infrastructure, ahensya ng gobyerno, local government units, at pribadong sektor.

Nagmarka ang groundbreaking ceremony ng isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapahusay ng mga kakayahan sa pagtugon sa cyber crisis ng bansa at pagpapalakas ng imprastraktura ng cybersecurity ng Pilipinas. (Richard Mesa)

PASAWAY NA RIDER AGAD NA INISYUHAN NG SCO NG LTO; SASAKYAN INALARMA, LISENSYA SUSPENDIDO

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at rider ng isang Yamaha NMAX matapos itong masangkot sa isang insidente ng pag-counterflow na nakunan sa isang viral na video.

Sa video na ibinahagi ng Road Safety Advocates of the Philippines (RSAP), makikita ang rider, na may sakay na pasahero, na dumaan sa kabilang linya ng kalsada. Nang makasalubong ang isang SUV, nagsagawa ito ng biglaang maniobra at hinampas ang side mirror ng naturang sasakyan.

Lumilitaw rin sa video na ang motorsiklo ay may nakakabit na hindi awtorisadong blinker o accessories, na kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag.

Bilang bahagi ng agarang aksyon ng ahensya, inaatasan ang rehistradong may-ari at ang rider na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig, at magsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay o paliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag.

Kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag ang Reckless Driving for Unauthorized Accessories, Driving Against the Flow of Traffic, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inalarma na rin ng ahensya ang motorsiklong sangkot sa insidente. Kasabay nito, preventively suspended sa loob ng 90 araw ang driver’s license ng rider habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi kukunsintihin ng ahensya ang mga motorista na nagpapakita ng iresponsableng asal at naglalagay sa panganib sa kapwa gumagamit ng kalsada.

“Malinaw na paglabag sa batas trapiko ang counterflow, at lalong hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng paninira ng ari-arian, paggamit ng hindi awtorisadong accessories, at agresibong pag-uugali sa kalsada. Patuloy nating pananagutin ang mga lumalabag sa batas upang mapanatiling ligtas ang ating mga lansangan,” saad ni Assistant Secretary Lacanilao.

“Nawa’y magsilbi itong babala sa lahat ng motorista na ang anumang paglabag sa batas at paglalagay sa panganib ng kapwa ay may kaukulang pananagutan. Pairalin natin ang disiplina, paggalang, at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ng LTO na isasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na patuloy na makiisa sa pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga paglabag sa batas trapiko at pagpapanatili ng disiplina at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras.

 (PAUL JOHN REYES)

DepEd: Mandatory inspection sa school bags pinag-aaralan

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG-AARALAN na ng Department of Education (DepEd) na gawin nang mandatory ang pagsasagawa ng bag inspections sa mga paaralan.

Ito ay kasunod na rin nang naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng maraming iba pa.

Sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol na ang pag-iinspeksiyon ng mga bag ay dati nang isinasagawa sa random basis.

Gayunman, dahil aniya sa naganap na karahasan sa paaralan sa Tacloban City ay tini­tingnan nila kung gagawin na itong mandatory.

“Before kasi, bago ng Tacloban incident, random lang ang bag inspection sa mga schools natin. Ngayon tinitingnan namin baka gagawin na siyang mandatory,” ayon pa kay Masapol.

Kabilang aniya sa ikinukonsidera nila ay ang laki ng paaralan bago ipatupad ang polisiya.

Paliwanag niya, magiging isang malaking hamon ang mandatory inspections sa mga paaralang may mala­king populasyon ng mga estudyante.

Inihalimbawa pa niya ang Parañaque National High School may 14,000 na estudyante.

“…. medyo nightmare ang bag inspection. Kaya tinitingnan namin ang good combination ng security ­measures natin,” aniya.

Bukod dito, ilan pa sa mga pamamaraan na ikinukonsidera ng DepEd ay ang pagdaragdag ng entry at exit lanes sa mga gate ng mga paaralan upang mapabilis ang inspeksiyon.

Germany vs Paraguay: Mag-aagawan ng puwesto sa Round of 16

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PAG-AAGAWAN ng Germany at Paraguay ang isang puwesto sa Round of 16 ng nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026. Nakatakda ang kanilang tapatan bukas ng alas-4:30 ng madaling araw, oras sa Pilipinas.

Ang matatalo sa knockout match na ito ay tuluyan nang magbabalik sa kani-kanilang bansa, habang ang mananalo ay makakapasok sa best 16 teams at magkakaroon ng pagkakataong umusad sa quarterfinals kung maipapanalo ang susunod na laban.

Maswerteng nakapasok sa Round of 32 ang Germany matapos itong padapain ng Ecuador sa iskor na 2-1 sa kanilang huling laban.

Naging posible ito dahil sa magandang performance ng koponan sa mga nauna nilang laro. Pangungunahan pa rin ng mga German footballer na sina Jamal Musiala at Kai Havertz ang kanilang kampanya laban sa La Albirroja, ang national team ng Paraguay.

Britain’s tennis star Raducanu, umatras sa Wimbledon 2026

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINALUNGKOT ng fans na si Emma Raducanu ng United Kingdom ay hindi na makakalaro sa Wimbledon ngayong taon matapos kumpirmahin na siya ay may stress fracture sa ibabang bahagi ng kanang binti.

Ang 23-anyos na manlalaro, na nakatakdang harapin si Antonia Ruzic ng Croatia sa unang round, ay seeded 30 sa torneo.

Ayon kay Raducanu, ginawa niya ang lahat upang makapagsimula ngunit ang iniinda niyang “niggle” ay lumala matapos ang huling medical scan.

Pinayuhan siya ng mga doktor na huwag nang ipagpatuloy ang paglalaro upang maiwasan ang mas matinding pinsala.

Si Raducanu, na tinaguriang British number one at kampeon ng US Open noong 2021, ay inaasahang magpapahinga at magpapagaling bago muling bumalik sa kompetisyon.

Pinanigan ng korte ang TVJ Productions sa isinampang ANJO, pinagbabayad ng P3.5 million bilang danyos-perhuwisyo (ni: ROHN ROMULO) kaso… 

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AYON sa inilabas na resolusyon ng Branch 279 ng Regional Trial Court (RTC) ng Mandaluyong City noong Lunes, June 29, 2026, pumanig ang korte sa TVJ Productions sa isinampa nitong kasong injunction at damages laban sa dating co-host ng ‘Eat Bulaga!’ na si Anjo Yllana.

May kinalaman ito sa mga mapanirang-puring pahayag ng aktor laban sa mga host ng noontime show na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa kanyang TikTok account.

Pinagbabayad ng korte si Anjo ng P3.5 million bilang danyos-perhuwisyo sa TVJ Productions dahil sa pagkakalat ng maling impormasyon na nakasira umano sa reputasyon ng noontime show at ng mga host nito.

Nagpalabas din ang korte ng permanent injunction laban kay Anjo na nagbabawal sa kanyang mag-post, mag-share, mag-broadcast o muling i-upload ang kanyang mga naging pahayag sa TikTok at iba pang social media at digital platforms.

Sinabi ng korte na hindi lisensiya ang freedom of speech para manira ng reputasyon ng ibang tao.

Naglabas ng official statement ang TVJ Productions sa naging resulta ng isinampa nilang kaso laban sa aktor.

“We welcomed the Court’s Decision as a definitive vindication of the integrity of Eat Bulaga, its hosts, and its management, and of the decades of trust that generations of viewers have placed in the program.

“The Court’s Decision stands as a stern warning that social media cannot be used recklessly to destroy the rights of others.

Sa ngayon ay wala pang binibigay na pahayag si Anjo tungkol dito.

***

Marriott Grand Ballroom at ‘The Eddys’, tuloy-tuloy ang partnership

SA loob ng kumikinang na mga bulwagan ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts sa Pasay City, nabuhay ang ilan sa mga makasaysayang selebrasyon sa bansa, na pinagsasama-sama ang mga bituin, pinuno ng industriya, at mga sandaling pinag-usapan sa ating bansa.

Noong Hulyo 7, 2024, naging bahagi na rin ang Entertainment Editors’ Choice, na mas kilala bilang The Eddys, sa talaang iyon.

Sa ika-7 edisyon ng taunang pagbibigay-parangal sa mga pelikulang Pilipino, dinagsa ng mga tagahanga ang lobby ng ballroom, sabik na makita ang mga aktor, filmmaker, at mga sikat sa industriya na dumarating para sa pangunahing seremonya ng parangal sa pelikula sa bansa, na kumikilala sa kahusayan sa pag-arte, pagsusulat, pagdidirek at paggawa sa lokal na industriya ng pelikula.

Ang naturang kaganapan ang nagmarka ng simula ng isang magandang partnership sa pagitan ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), ang non-profit na organisasyon sa likod ng prestihiyosong film event, at Newport World Resorts.

Nagpatuloy ang partnership na iyon noong 2025 nang i-host ng Marriott Grand Ballroom’s Ceremonial Hall ang The Eddys sa ikalawang sunod na taon noong Hulyo 20, kasabay ng ika-10 anibersaryo ng venue. 

Ngayong taon, magbabalik ang seremonya ng parangal sa Hulyo 5, kung saan nagsisilbing tahanan ang ballroom sa ikatlong magkakasunod na taon sa pagbubukas ng season ng mga parangal sa pelikula sa bansa.

Nakilala ang Newport World Resorts bilang isa sa mga nangungunang destinasyon ng bansa para sa mga pagpupulong, kumperensya, at eksibisyon (MICE), bukod sa handog nitong hospitality at entertainment.

Ang mga pasilidad ng convention nito ay sinusuportahan ng limang kilalang hotel: Hilton Manila, Sheraton Manila Hotel, Holiday Inn Express Manila Newport City, Manila Marriott Hotel, at Hotel Okura Manila. Matatagpuan sa tapat ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, ang complex ay nag-aalok ng tuluy-tuloy na access para sa mga lokal at internasyonal na bisita.

Sa gitna ng property ay nakatayo ang Marriott Grand Ballroom sa Manila Marriott Hotel, na itinuturing na pinakamalaking hotel ballroom sa Pilipinas. Mula nang magbukas noong 2015, nagho-host ang venue ng mga malalaking kaganapan mula sa mga seremonya ng parangal hanggang sa mga pangunahing corporate gathering.

Dahil sa pillarless na disenyo nito, nagtataasang kisame, at advanced na acoustics, pinipili itong maging venue para sa mga grand production at milestone celebration, kabilang ang Marry Me at Marriott Philippine Gratus Gala, isang bridal fashion event para sa industriya ng kasal at hospitality industries.

Nag-host ang ballroom ng ilang malalaking kaganapan sa mga nakaraang taon. Kabilang dito ang inaugural MICHELIN Guide Ceremony Manila and Environs | Cebu noong Oktubre 30, 2025, isang milestone para sa industriya ng culinary ng Pilipinas.

Sa unang bahagi ng buwang iyon, ang Manila Ballroom ang nagho-host ng gala night at press conference para sa International Series Philippines, isang golf event na nagsama-sama ang mga propesyonal at amateur na manlalaro, celebrity, at global partners.

Noong Nobyembre 2025, ang Marriott Grand Ballroom ay nagsilbing venue ng kompetisyon para sa 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships, na nagdala rito sa mga atleta, coach, at opisyal mula sa buong mundo.

Nag-host din ang venue ng The Grand Wine Experience, isa sa mga pangunahing wine and spirits gathering sa Asia, bago isinara ang taon sa The Grand Countdown hanggang 2026, isa sa pinakamalaking pagdiriwang ng Bagong Taon sa bansa.

Maliban sa main ballroom, kasama sa property ang 4,400-square-meter MGBX Exhibition Hall, na nagbibigay ng karagdagang espasyo para sa malalaking convention at exhibition.

Ang bawat hotel sa loob ng Newport World Resorts ay nagdaragdag ng lalim sa MICE portfolio nito. Nag-aalok ang Sheraton Manila Hotel ng mga function space na angkop para sa mga paglulunsad ng produkto at executive meeting, habang ang Hilton Manila ay nagbibigay ng mga lugar para sa mga social at corporate gatherings. Kinukumpleto ng Hotel Okura Manila ang complex ng mga meeting suite at pribadong dining room para sa mas intimate na mga kaganapan.

Sama-sama, ang mga pasilidad na ito ay patuloy na nagpapalakas sa Newport World Resorts bilang isang hub para sa mga pangunahing lokal at internasyonal na kaganapan, na ginagawa itong isang angkop na tahanan para sa isa sa mga pinakaaabangang kaganapan ngayong taon sa mundo ng pelikula sa Pilipinas, ang The Eddys.

Para sa karagdagang impormasyon sa Newport World Resorts, bisitahin ang www.newportworldresorts.com at sundan ang @newportworldresorts sa Facebook, Instagram, at TikTok. Sumali sa Newport World Resorts Viber Community sa https://newportwr.com/nwrvibercommunity para sa mga eksklusibong update. 

Ang bawat pagbisita ay ginagawang mas kapaki-pakinabang sa isang Epic Rewards membership. I-download ang Epic Rewards mobile app nang libre mula sa Apple App Store at Google Play Store.

Pareho ang opinyon na kasal muna bago live-in…JULIE, handang-handa sakaling mag-propose na si RAYVER (ni: REY PINEDA) 

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA panayam kina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ni Boy Abunda sa kanyang “Fast Talk With Boy Abunda”, umamin ang magkasintahan na may plano na silang magpakasal itong darating na taon.

At kinumpirma ni Rayver na si Julie talaga ang gusto niyang makasama habangbuhay. Itinanong sa kanila ni Kuya Boy kung ano opinyon nila sa live-in muna bago kasal.

Walang kagatul-gatol itong sinagot ni Rayver na kasal muna bago live-in. 

Ayon sa binata, parehong konserbatibo ang kanilang mga pamilya. Kahit daw mga magulang nito ay gayun din ang pananaw.  

Sumang-ayon naman si Julie Anne, dahil maging ang kanyang mga magulang ay ganun din ang paniniwala.    

Sa mga naunang interbyu kay Julie Anne naitanong kung handa na ba siya kung sakaling mag-propose sa kanya si Rayver?

“Oo” walang kagatul-gatol nitong sagot.

“I think I want to be, I want to be ready. 

“Parang hindi na rin naman ako bumabata.

“So, kahit na ako, marami pa akong gustong gawin for myself, we want to do it together.” 

Si Rayver ay 35 years old na. Samantalang si Julie Anne ay 31 years old na rin.

Naku! Sa totoo lang nalagpasan na nga nila ang tipikal na marrying age, di ba? 

So, Go na!

Marami siyang natutunan sa musical play…DERRICK, hinangaan sa mahusay na pagganap sa ‘Ibarra…Ngayon’ (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI lang pangtelebisyon at pampelikula, pang-entablado pa!

Hinangaan si Derrick Monasterio sa theater stint niya sa “Ibarra…Ngayon.”

Pinatunayan ng guwapong Sparkle male star na hindi lamang sa telebisyon at pelikula siya mahusay kundi maging sa teatro.

Pahayag ni Derrick kay Nelson Canlas sa ’24 Oras Weekend’…

“I guess as a better person. Kasi tinuruan ako nito ng disiplina. Tinuruan akong mahalin ang aking bayan. 

“Kasi like sa mga past interviews ko sinasabi ko na parang I feel hopeless dito sa nangyayari sa Pilipinas. Pero as Ibarra hindi dapat ganun.

“Dapat hopeful ka pa din.”

Dumalo sa opening night ng musical play ang girlfriend niya at ‘Apoy sa Dugo’ leading lady na si Elle Villanueva.

“Yes, I am inspired. Alam mo, iniisip ko pa nga lang, kaya ko ba yung ginagawa niya? Kasi live iyon. Ang dami niyang ime-memorize na script. Bawal siya magkamali. Kailangan makaisip ka kaagad ng paraan kung nagkamali ka,” pagbabahagi naman ni Elle.

Full support ang castmates ni Derrick sa ‘Apoy Sa Dugo’ tulad ni Pinky Amador na gumanap bilang nanay ni Derrick sa serye na isa ring mahusay na stage actress.

“Super, super proud. Congratulations, anak Derrick. “You nailed it,” bulalas ni Pinky.

Sumuporta rin ang mga kapwa Sparkle artists ni Derrick sa pagbabalik ng binata sa stage acting.

“Hindi ko puwedeng palampasin itong part ng career ni Derrick na ito. Kasi kailangan suportahan ng mga kaibigan,” saad ni Miguel Tanfelix.

“Derrick has a soft spot for theater, for plays. Kaya alam namin na iba talaga ‘yung puso na nilagyan niya dito. We know how much this means to him,” sinabi naman ni Ysabel Ortega.

Marami raw natutunan si Derrick sa ‘Apoy sa Dugo’.

“Grabe rin yung journey na pinagdaanan namin sa Apoy sa Dugo. Very… yung rollercoaster of emotions namin. And it’s heavy drama kaya medyo nakakapagod din.

“And dumating yung time na sumasabay pa siya sa rehearsals ng Ibarra. So, wala na lang talagang tulog,” kuwento pa ni Derrick.