• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 1st, 2026

4-time World Champion Germany, tanggal na sa FIFA World Cup 2026

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DUMANAS ng upset ang four-time world champion na Germany matapos itong talunin ng underdog team na Paraguay sa pamamagitan ng nakakagulat na penalty shootout (4-3) sa Boston Stadium.

Unang nakapuntos ang South American team sa ika-42 minuto bago mag-halftime, matapos ipasok ni Julio Enciso ang isang matinding header mula sa cross ni Matías Galarza.

Natapos ang halftime na hawak ng Paraguay ang bentahe.

Agad namang rumesbak ang Team Germany sa second half. Sa ika-54 minuto, naitabla ng German forward na si Kai Havertz ang iskor sa 1-1 gamit ang isang header.

Dahil sa parehong mahigpit na depensa, nauwi sa 30-minute extra time ang laro. Muntik nang manalo ang Germany, ngunit na-disallow ng VAR ang goal na ipinasok ng striker na si Jonathan Tah dahil sa foul sa goalkeeper.

Sa penalty shootout, tuluyan nang napalabas ang Germany sa World Cup matapos selyuhan ng Paraguay substitute na si José Canale ang makasaysayang panalo. Ipinasok ni Canale ang winning penalty kick kontra sa legendary keeper na si Manuel Neuer, dahilan upang umabante ang koponan sa susunod na elimination round.

Kampo ni Eman Pacquiao, naghain ng reklamo sa Games and Amusement Board

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN ng reklamo sa Games and Amusement Board (GAB) ang kampo ng boksingerong si Eman Bacosa Pacquiao laban sa kaniyang huling nakatunggali at sa referee na nangasiwa sa kanilang laban.

Dahil umano ito sa paulit-ulit at sinadyang “rabbit punches” o mga suntok sa likod ng ulo ni Eman na ipinagbabawal sa boksing.

Magugunitang si Rodelyn Perez ang huling nakaharap ni Eman noong Hunyo 21 para sa PBF Youth lightweight title na pinangunahan ng referee na si Jerold Tomeldan.

Nagwagi si Perez sa pamamagitan ng majority decision.

Ayon kay Joanna Rose Bacosa Dino, ina at manager ni Pacquiao, hindi umano aksidente ang naturang mga suntok.

“Normal sa nagkakainitan na fighters yung magkasakitan o sabihin na po natin na ma-rabbit punch, pero yung hindi po intentional. Yung ginawa kay Eman intentional kasi paulit-ulit po,” ani Dino.

Dagdag pa niya, mas mahalaga ang kalagayan ng kalusugan ng kaniyang anak kaysa sa naging resulta ng laban.

“Hindi na po ito usapin ng talo kami o panalo kami ang pinaka-concern ko po dito ay yung health ni Eman,” dagdag niya.

Simula Hulyo 15: Coverage ng PhilHealth para sa kaso ng leptospirosis, pinalawak

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SIMULA sa Hulyo 15, mas pinalawak na ang coverage ng Philippine Health Insurance Corporation para sa moderate hanggang severe na kaso ng leptospirosis.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro , alinsunod ito sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas marami ang makakuha ng kinakailangang gamutan nang hindi nalulubog sa napakalaking gastusin.

Sa ilalim nito, mas mataas aniya na ang coverage para sa mga pasyente – hanggang P63,000 para sa hospital care, P170,000 para sa hemodialysis, at hanggang P230,000 para sa peritoneal dialysis. 

Maaari rin aniyang umabot ang package sa P411,000 para sa mga kuwalipikadong pasyenteng nangangailangan ng kritikal na gamutan at kung kinakailangan ng kombinasyon ng hemodialysis, mechanical ventilation, at pulmonary rehabilitation.

Libre na rin aniya ang konsultasyon sa mga Yakap provider kung saan maaaring maresetahan ng doxycycline kung kinakailangan.

“Iniinom ang gamot na doxycycline bilang pang-iwas sa leptospirosis ayon sa payo ng healthcare provider.,” ani Castro.

“Saklaw ito ng PhilHealth “Gamot Package” na nagbibigay ng hanggang 20,000 pesos kada miyembro annually para sa mga kinakailangang gamot para sa leptospirosis,” aniya pa rin. (DARIS JOSE)

Protektahan ang mga kabataan sa impluwensiya ng social media, panukala ni House Speaker Dy III

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINUTULAK ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang panukala na protektahan ang mga kabataan sa impluwensiya ng social media.

Ayon kay Dy, marapat na pangalagaan ng gobyerno ang kapakanan ng mga kabataan at protektahan sila sa mga panganib ng teknolohiya.

Kasama ni Majority Leader Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Sur, inihain ni Dy ang House Bill No. 9965 o Children’s Social Media Safety Act.

“Nakikita natin na malaking bahagi ang social media sa araw-araw na buhay kaya mas malaki rin ang ating responsibilidad na tiyaking ligtas ang ating mga anak habang gumagamit nito. If we will allow Filipino children to explore the online world, they should be given sufficient protections,” sabi ni Dy.

Inamin ni Dy na malaki ang naitutulong ng teknolohiya o mga digital platforms sa pagtataguyod ng kaalaman at komunikasyon ng mga kabataan subalit may kaakibat na panganib tulad ng cyberbullying, harmful content, online exploitation, addiction, anxiety, sleep disruption, and iba pang hindi pa kasalukuyang natutugunan ng batas.

“Kung may batas tayong nagpoprotekta sa mga bata sa paaralan, sa lansangan, at sa ating mga komunidad, dapat mayroon din tayong malinaw na proteksiyon habang sila ay gumagamit ng social media,” sabi ni Dy.

“Responsibilidad nating siguraduhin na ang teknolohiya ay para sa kabutihan ng bata, hindi nagiging sanhi ng panganib sa kanilang paglaki,” dagdag ng kongresista.

Pinanukala ni Dy ang pagtataguyod ng age-based framework na magpapahintulot sa mga bata ng gumamit ng social media. 

Ang mga bata na 13 years old pababa ay hindi papayagan na gumamit ng social media accounts. Samantala, ang mga bata na 13 years old pataas na hindi hihigit sa 18 anyos ay maaaring magkaroon ng social media accounts 

Nais ni Dy na magtaguyod ng age verification systems para ma-disable agad ang mga prohibited social media accounts na may parental o guardian consent at active supervision. 

Sa ilalim ng HB 9965, ang mga social media companies ay required na maglagay o mag-implement ng sistema para ma-monitor ang mga online activity ng mga kabataan at mag impose ng screen-time limits at limitahan ang interactions.

“Hindi natin ipinagkakait sa kabataan ang teknolohiya. Malaki ang naitutulong nito sa pag-aaral, komunikasyon, at pagkatuto. Ang layunin natin ay tiyaking naaayon ang paggamit nito sa kanilang edad at magkaroon sila ng sapat na gabay ng magulang. Habang lumalawak ang digital world, kailangan ding patibayin ang proteksiyon para sa ating mga anak,” sabi ni Dy.

Inaatasan din ang Department of Information, Communication and Technology (DICT) na mag monitor, mag isyu ng cease-and-desist order sa koordinasyon ng National Telecommunications Commission at ng National Privacy Commission, sa mga paglabag. 

“Tungkulin din ng pamahalaan na tiyakin na ang mga social media platform ay may pananagutan sa paggawa ng mas ligtas na digital environment para sa ating mga kabataan. Sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, ang kapakanan ng bawat batang Pilipino ang dapat maging pangunahing batayan ng ating mga polisiya,” sabi ni Dy. 

(VINA DE GUZMAN)

Nakakabahala ayon sa mambabatas…Dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, gagawing state witness

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DAPAT ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang buod ng kasunduan na gawing state witness si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa mga kasong flood control corruption.

Ito ang pahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na inalis si Bonoan sa kasong plunder na kinakaharap nito kapalit na maging state witness sa mga imbestigasyon at kaso kaugnay ng multi-milyong pisong flood control anomalies.

Ayon kay Tinio, nakakabahala ang ginawang hakbang ng Ombudsman na gawing state witness si Bonoan.

Partikular na tinukoy ni Tinio na si Bonoan, bilang kalihim ng DPWH, ay may “final say” sa preparasyon at paano gagastusin ang budget ng ahensiya, kabilang ang mga sinasabing budgetary insertions at kickbacks mula sa mga ghost at overpriced flood control projects. 

“In other words, he (Bonoan) is one of the top officials that should be held accountable instead of being handed a get out of jail card. Hindi pa ba sapat ang testimonya ng mga state witness katulad nina (dating DPWH) Usec. Roberto Bernardo?” tanong ni Tinio.

Ayon kay Tinio, mas maraming katanungan ang ginawang state witness si Bonoan. “Kaya bang ituro at diinan ni Bonoan ang mga dating kasama niya sa gabinete na sangkot din sa flood control? May testimonya ba siya na magdidiin sa Pangulo mismo, katuldad ng nilahad ni Usec. Bernardo?”

“Bonoan must not be let off the hook without delivering fish bigger than himself. Kung hindi, mangangamoy ang kasunduang ito,” babala ni Tinio. (VINA DE GUZMAN)

Dahil sa rally sa EDSA: Pagdalo ni PBBM sa FOCAP Presidential Luncheon, kinansela

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKANSELA ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) Presidential Luncheon sa Makati City araw ng Martes, Hunyo 30 dahil mas pinili ng Pangulo na i-monitor ang sitwasyon sa Edsa kung saan nag-rally ang Iglesia ni Cristo sa EDSA White Plains.

“Nagmo-monitor po ang Pangulo sa ngayon sa kasalukuyang sitwasyon. Patuloy na inaalam ang nangyayari sa mga kababayan natin na naantala sa paglalakbay at pagtatrabaho dahil sa nangyayari sa Edsa,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Minomonitor din niya ang kapakanan ng ibang kababayan na naiipit sa gitna ng Edsa pati na rin ang pagsasagawa ng mga kapulisan ng kanilang mandato na magbigay proteksyon at seguridad sa mga inosente nating kababayan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, nag-lockdown na sa 2 gates ng Malakanyang, ang Arlegui at Solano gates. Ang JP Laurel gate lang ang nakabukas. Sinasabing alas-6:00 ng umaga ni-lockdown ang dalawang nasabing gates. (DARIS JOSE)

Malakanyang, walang nakikitang banta mula sa emergency EDSA rally ng INC

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI nakikita ng Malakanyang na banta sa administrasyong Marcos ang ’emergency rally’ ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng publiko sa freedom of expression at peaceful assembly subalit hindi nito kinukunsinti ang pang-aabuso.

“Wala pong nakikitang threat dahil alam naman po ng Pangulo na ang kanyang ginagawa ay para sa taumbayan. Kung meron lang pong ibang interes o interes ng ibang grupo, interes ng iilang tao, hindi po siya dapat maging hadlang sa pagpapatupad ng Pangulo at ng administrasyong ito ng batas,” ang sinabi ni Castro.

Idinagdag pa ni Castro na nananatiling nakapokus ang Pangulo sa pagpapatupad ng batas at pagsusulong ng mga programa para sa kapakanan ng mamamayang Filipino sa kabila ng nagpapatuloy na pagtitipon.

Tinatayang may 15,500 protesters ang nagtipon-tipon sa People Power Monument sa Quezon City, araw ng Martes at nagdulot ito ng sobrang pagbagal ng trapiko sa buong Edsa . Nananawagan ang mga ito ng ‘accountability at transparency.’  

(Daris Jose)

“Dapat ang Barangay Ilapit sa Tao!” – Kap. Bryan Gonzales-Año, Nanguna sa mga Proyekto sa Brgy. 38

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

CALOOCAN CITY — “Dapat ang Barangay ilapit sa Tao!” Ito ang mariing pahayag ni Barangay Chairman Bryan Gonzales-Año ng Barangay 38, Zone 4, Distrito 2, sa kanyang patuloy na paghahatid ng tapat at may-pusong paglilingkod sa kanyang mga kabarangay.

Ayon kay Kapitan Año, ang pamamahala ay dapat suklian ng maayos na serbisyo dahil ang tiwala ng mamamayan ang nagluklok sa kanya sa posisyon. Dahil dito, agad niyang tinutugunan ang bawat pangangailangan ng pamayanan sa abot ng kanyang makakaya sa pamamagitan ng mga sumusunod na programa:

Kaligtasan at Emergency Response

Mini-Ambulance at Rescue Vehicles: Ito ang naging pangunahing proyekto ng kapitan upang matiyak na may agarang sasakyan ang mga residente sa oras ng medikal na emergency.

Oplan Galugad at Police Visibility: Isinasagawa ito tuwing ikatlong linggo upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang anumang kaguluhan.

CCTV at Road Lighting: Nagdagdag ng mga Closed-Circuit Television (CCTV) cameras at naglagay ng mga ilaw sa bawat kalsada at eskinita para sa seguridad ng publiko.

Public Address System: Nagkabit ng mga speaker sa komunidad para sa mabilisang pagpapakalat ng mahahalagang anunsyo.

Planong Fire Hydrants: Kasalukuyan nang inihahanda ang paglalagay ng mga fire hydrant sa barangay upang mabilis na maapula ang sunog sakaling magkaroon ng insidente.

Kalinisan at Kalikasan (Clean and Green)

HAPAG Program: Isang inisyatibo ng DILG at lokal na pamahalaan kung saan nagtatanim ang barangay ng iba’t ibang uri ng gulay para sa sapat na nutrisyon ng komunidad.

De-clogging at Clean-Up Drive: Regular na Road Clearing at paglilinis ng mga estero at kanal tuwing Sabado upang maiwasan ang pagbaha, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Serbisyong Panlipunan at Kagalingan

Para sa Senior Citizens: May palagiang nakalaang iba’t ibang uri ng gamot para sa kanilang kalusugan.

Scholarship at Insentibo: May programa para sa mga mag-aaral, kung saan binibigyan ng insentibo ang mga may matataas na marka bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap.

Tulong sa PWDs: Madalas na nag-aabot ng personal na panggastos si Kapitan Bryan mula sa sarili niyang bulsa para sa mga Persons with Disabilities (PWDs).

Lubos ang pasasalamat ni Kapitan Año sa kanyang mga kabarangay dahil sa kanilang pagkakaisa at pakikipagtulungan upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at katahimikan. Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Mayor Along Malapitan para sa mga patuloy na tulong at suportang ibinababa ng lungsod sa kanilang barangay.

Muling pinatunayan ni Kapitan Bryan Gonzales-Año na sa tamang pamamahala, ang gobyerno ay tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan. ( Sonny Asignacion)

US E-Waste itigil nang itapon sa Pilipinas

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIIMBESTIGAHAN ng Kabataan Partylist, Makabayan Bloc kasama ang environmental groups ang illegal shipments ng 235 containers ng hazardous electronic at plastic waste mula sa United States sa Subic Bay Freeport Zone.

“Ginawa na nga tayong military playground at firing range ng US sa Balikatan Exercises at Tomahawk Missile Launching. Ngayon, gagawin pa tayong basurahan, tambakan ng e-waste at plastik nila,” ayon kay House Assistant Minority Leader at Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co.

Ang shipments, na nagsimula mula Marso 2025 ay naglalaman umano ng toxic materials tulad ng lead, mercury, cadmium, chromium, PCBs, beryllium, at asbestos na mapanganib sa kalusugan at sa kalikasan.

Iginiit ng Kabataan Partylist na nilabag ng illegal importation ang Republic Act No. 6969 at binuwag nito ang obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng Basel Convention on hazardous waste control, kung saan signatory ang bansa simula 1994

“The Bureau of Customs claims it cannot act due to a court ruling treating Subic Bay as a separate customs territory. This legal gray area is being exploited to circumvent our environmental laws,” ani Co.

“Ang karapatan ng bawat Pilipino sa ligtas na kapaligiran at malusog na kalikasan ay hindi dapat isakripisyo para sa interes ng dayuhan. Clearly, this is both a national sovereignty issue and an environmental defense issue,” dagdag ni Co.

Sa House Resolution 1164, hiniling ng Kabataan na agad magsagawa ng imbestigasyon sa naturang 235 containers ng e-waste at plastic waste; panagutin ang kawalang aksyon ng government agencies, pagbalik sa lahat ng illegal hazardous waste shipments, palakasin ang enforcement mechanisms upang hindi na maulit ang ganitong uri ng importations at ibasura ang kasunduan na magkokompromiso sa soberenya at kaligtasan ng kapaligiran.

“Hindi papayag ang kabataan na tambakan ang ating kapiligaran at dumihan ang ating kinabukasan. Lahat ng sangkot sa maruming kalakaran, dapat managot,” pagtatapos ni Co.

(Vina de Guzman)

2 riders, sugatan sa bumagsak na poste ng ilaw sa Navotas

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUGATAN ang dalawang riders nang mahagip ng kawad ng kuryen mula sa bumagsak na poste ng Meralco ang kanilang motorsiklo sa Navotas City, Lunes ng gabi.

Sa ulat, nangyari ang insidente dakong alas-7:28 ng gabi sa Marala Bridge patungong Honorio Lopez Blvd matapos unang bumagsak ang isang malaking pribadong poste at nahagip ang mga kawad ng kuryente na dahilan ng pagbagsak ng poste ng Meralco.

Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kasama ang kapulisan, City Traffic and Parking Management Office (CTPMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang asistihan at madala sa pagamutan ang nasugatang riders saka i-cordon ang lugar.

Naglabas din ng abiso ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa mga motorista na maghanap muna ng alternatibong daan at mag-ingat sa pagbiyahe habang pinaalalahanan din ang mga pedestrians na iwasang magdaan sa lugar.

Pansamantalang isinara sa daloy ng trapiko ang naturang tulay upang bigyang-daan ang mabilis na pagkukumpuni ng Meralco sa natumbang poste at pagbabalik ng supply ng kuryente sa mga apektadong lugar. (Richard Mesa)