National Cyber Security Center, itatayo sa Valenzuela
- Published on July 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, kamasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybersecurity Bureau at Korea International Cooperation Agency (KOICA) ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa proyekto ng “Establishment of the National Cyber Security Center for Enhancing the Cyber Crisis Response Capabilities in the Philippines,” na ginanap sa DICT Valenzuela Compound.
Nanguna sa kaganapan sina Mayor WES Gatchalian, DICT Secretary Henry Aguda, Ambassador of the Republic of Korea to the Philippines H.E. Lee Sang-hwa, at KOICA Vice President Lee Yun-young, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at partner na institusyon.
Ang proyekto, ay isang pinagsamang inisyatiba sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at Republika ng Korea sa pamamagitan ng KOICA na naglalayong palakasin ang information security management, linangin ang isang bagong henerasyon ng mga dalubhasang propesyonal sa cybersecurity, at pagbutihin ang pakikipagtulungan ng dalawang bansa sa larangan ng cybersecurity.
Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng proyekto ay ang pagtatatag ng isang Information Security Management System (ISMS), pagtatayo ng isang state-of-the-art na National Cyber Security Center (NCSC) main center sa DICT Valenzuela Campus at backup center sa Ilocos Norte, pagbuo ng isang national cybersecurity system para sa cyber threat monitoring at information sharing, capacity-building programs, at ang pagpapatupad ng P-Security education cybersecurity.
Ipapatupad ang proyekto sa loob ng limang taon na may aktibong partisipasyon ng mga organisasyong Critical Information Infrastructure, ahensya ng gobyerno, local government units, at pribadong sektor.
Nagmarka ang groundbreaking ceremony ng isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapahusay ng mga kakayahan sa pagtugon sa cyber crisis ng bansa at pagpapalakas ng imprastraktura ng cybersecurity ng Pilipinas. (Richard Mesa)