• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 6th, 2026

Anti-Political Dynasty Act, inaprubahan ng House of Representatives sa final reading

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa final reading ang panukalang Anti-Political Dynasty Act na naglalayong huwag pahintulutan ang magkakamag-anak na tumakbo sa halalan.

Sa botong 267-20 at pitong abstentions, pinasa ng mga mambabatas ang House Bill No. 8389, o Anti-Political Dynasty Act, na pagbawalan ang mga magkakamag-anak na tumakbo sa halalan upang bigyan ng pagkakataon at oportunidad ang nakararaming Pilipino na magsilbi sa gobyerno.

Ang panukala ay iniakda nila Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte, kasama ang 173 iba pang mambabatas bilang co-authors. Ang nasabing panukala ay isa sa mga priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at inendorso ni President Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Dy, ang HB 8389 ay tugon sa matagal na pangangailangan sa Saligang Batas na gumawa ng Anti-political dynasty law para sa mas masigasig na demokrasya

“Sa loob ng halos apat na dekada, naghihintay ang ating Saligang Batas na maisakatuparan ang pagbabawal sa political dynasties. Ngayon, kumilos ang Kamara. Isang mahalagang yugto ito sa ating demokrasya sapagkat ang isang pangakong konstitusyonal ay nagsisimula nang maging isang konkretong reporma,” ani Dy.

“This measure does not intend to target families or restrict legitimate political participation. It seeks to ensure that public office remains open to all Filipinos and that leadership is determined by the people’s trust, not by the concentration of power in a few clans.”

Nakasaad sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution na nag-aatas sa Estado na magbalangkas ng batas na ipagbawal ang political dynasties.

Sa ilalim HB 8389, ang depenisyon ng political dynasty ay kontrol, konsentrasyon at pagiging dominante ng isang pamilya at kanilang mga kamag anak sa loob ng second degree of consanguinity o affinity sa larangan ng politika.

Dito pinagbabawal ang mga magkakamag anak at kapamilya na humawak ng elective position sa isang lugar tulad ng national, provincial, city, municipal o maging sa barangay. Kabilang sa ipinagbabawal ang tumakbo ang magkakamag anak sa parehong congressional district para sa House of Representatives. 

Lahat ng kandidato ay kailangan mag submit ng sworn declarations sa Commission on Elections (Comelec) na ang kanilang kandidatura ay hindi saklaw ng anti-political dynasty relationship.

“This vote is bigger than any political party, family or administration. It is about giving future generations a more open and competitive democracy where public service is accessible to all who are willing and qualified to serve,” sinabi ni Dy. 

“The House has done its part. We hope this reform continues to move forward so that a constitutional promise made nearly 40 years ago can finally become a reality for the Filipino people.” (Vina de Guzman)

2 durugista, huli sa aktong bumabatak sa Valenzuela

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities nang mahuli sa akto ng pulisya na sumisinghot umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Police Investigator P/MSgt. Ana Liza Antonio na nakatanggap ng SMS complaint mula sa isang concerned citizen ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas “Renz”, 33, pedicab driver, ng J. Santiago St., Libo 1, Brgy., Malanday.

Kaagad namang inatasan ni SDEU chief P/Lt. Sherwin Dascil ang kanyang mga tauhan na puntahan ang nasabing lugar para alamin kung may katutuhanan ang naturang report.

Pagdating sa lugar, naaktuhan nina PSSg Marlon Saquing at PSSg Ed Shalom Abiertas ang suspek na abala umano sa pagsinghot ng shabu sa loob ng kanyang bahay na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya pasado alas-3:40 ng hapon.

Nakumpiska sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,876, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at drug paraphernalias

Dakong alas-1:40 ng Huwebes ng madaling araw nang maaktuhan naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 na nagsasagawa ng anti-criminality operation ‘Oplan Galugad’ si alyas “Marlon”, 36, na gumagamit din umano ng droga sa isang parking area ng 6111B Lower Tibagan,, Barangay Gen T De Leon.

Nakuha sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y ng shabu at drug paraphernalias.

Isinailalim na ang mga suspek sa inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office kaugnay sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Dahil naniniwala na binabantayan at gina-guide siya…ANGELA, patuloy na kinakausap ang ina na ilang taon nang namayapa (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NOVEMBER 2020 nang pumanaw ang ina ni Angela Muji dahil sa sakit na kanser.

Kaya almost five years nang namayapa ang kanyang mommy Lanie, pero until now ay kinakausap ito ni Angela, lalo na kapag aalis siya ng bahay.

“Actually, she’s at home right now, her urn. Before I left, I kissed her urn and I said, ‘Wish me well, Mom.’

“I feel like she’s always watching me,” pahayag ng Viva female star.

Naniniwala si Angela na hanggang ngayon ay binabantayan at gina-guide pa rin siya ng kanyang ina, kaya naman sunud-sunod ang magagandang nangyayari sa kanyang showbiz career.

Isa nga sa latest na magandang biyaya kay Angela ay ang pagbibida niya sa Viva One series na “Dating Alys Perez” na ang streaming ay simula na sa June 12.

Bukod dito ay napapanood na rin ang Viva One Originals na “My CEO Thinks I’m A Robot” na sila ni Carlo Aquino ang mga lead stars.

Say ni Angela, “I am grateful po!

“Actually, lagi kong sinasabi na it doesn’t sink in, pero it never really does.

“I can’t fathom the idea that I will be the lead in the series, it is actually the second season.

“So I’m so grateful po sa Viva, to all the supporters and to God of course.

“For the longest time, I keep asking myself what does it get good, kasi sobrang dami kong pinagdaanan before.

“There were so many instances na I just almost gave up.

“But I still keep going because I always saw myself as an actress. This is my dream come true, and I am just so grateful for this moment.

“Sometimes, even I don’t believe myself, but then I remind myself na if isinugal ninyo lahat sa akin, bakit hindi ako sumugal sa sarili ko?“I just need to believe myself more.”

Tinatanaw ni Angela ang malaking utang na loob Viva at sa kanyang mga tagahanga.

“Thank you for seeing my potential and giving me countless opportunities that I never thought I would ever have na pangarap ko lang talaga, nagkatotoo.

“I will really keep doing my best in everything I do. I will keep believing in me because sana ito lang po ang simula ng career ko.

“I want this to be the beginning. I want more for myself.

“It might sound greedy pero it doesn’t hurt to dream big, di ba? Kung mangangarap ka lang, lakihan mo na,” pahayag pa ng ka-loveteam ni Rabin Angeles.

NPD, nakahanda na sa Balik-Eskwela at tag-ulan

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAHANDA ang Northern Police District (NPD), sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Director P/BGen. Benliner Capili sa Balik-Eskwela upang matiyak ang ligtas, at maayos na pagbubukas ng mga klase para sa School Year 2026–2027 sa Hunyo 8, 2026.

Bilang suporta sa mga paaralan, nagpakalat na ang NPD ng mga security at traffic management para sa mga aktibidad ng Brigada Eskwela mula Hunyo 1 hanggang 5, 2026, upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng mga hakbangin sa pagiging handa sa lahat ng paaralan sa CaMaNaVa area.

Ani Gen. Capili, nasa 1,279 police personnel ang ipapakalat sa 287 pampubliko at pribadong paaralan. Bukod pa rito, 110 Police Assistance Desks (PADs) ang itatatag sa mga estratehikong lokasyon at mga pangunahing convergence area upang magbigay ng agarang tugon sa mga insidente at pampublikong alalahanin.

Ang panukalang ito ay naglalayong palakasin ang visibility ng pulisya sa loob at paligid ng mga paaralan, mga ruta ng transportasyon, at mga kalapit na komunidad upang hadlangan ang aktibidad ng kriminal at matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, magulang, at tauhan ng paaralan.

Kaugnay nito, nahahanda na rin ang NPD sa tag-ulan upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at katatagan ng mga tauhan nito at ng mga pinaglilingkuran komunidad bilang pangako ng Distrito sa epektibong pagbawas at pamamahala sa panganib sa sakuna, pati na rin ang patuloy na pagpapahusay ng mga kakayahan sa pagtugon sa emerhensiya.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay, koordinasyon sa mga katuwang na ahensya, at pinaigting na mga hakbangin sa paghahanda sa sakuna, layunin ng NPD na palakasin ang kahandaan nito sa pagtugon sa mga emerhensiya tulad ng pagbaha at iba pang kalamidad.

Binigyaang-diin ni P/BGen. Capili na nananatiling matatag ang NPD sa kanyang misyon na magbigay ng tumutugon, maaasahan, at nakatutok sa serbisyong pagpupulis, lalo na sa panahon ng krisis, bilang bahagi ng dedikasyon nito sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)

LALAKI INARESTO SA SEXTORTION

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang isang indibidwal dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at kasong Grave Threats at Grave Coercion, na lahat ay may kaugnayan sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ang biktima, na dating kasintahan ng suspek, ay binantaan siya na ipakalat sa kanyang pamilya at mga kaibigan ang mga sensitibong bidyo niya kung hindi siya papayag na makipag-usap dito at makipagtalik.

Inutusan ng suspek ang biktima na makipagkita sa kanya noong gabi ng Hunyo 2, 2026, at tiniyak na buburahin niya ang mga sensitibong bidyo sa kanyang cellphone matapos silang magkita at matapos maibigay ng biktima ang hinihinging sekswal na pabor.

Batay sa impormasyong natanggap, nagsagawa ang NBI-HTRAD ng isang entrapment operation sa isang hotel sa Santa Cruz, Maynila, na nagresulta sa pag-aresto sa suspek at pagkakarekober ng mga kaugnay na ebidensya.

Ang suspek ay isinailalim sa inquest proceedings kaugnay ng mga paglabag sa mga umiiral na batas. (Gene Adsuara)

Kasama rin sa seryeng ‘You’re My Favorite Song’…GWEN, magpapa-sexy uli sa movie kasama sina KATYA, SHEREE at MAUI (ni: NONIE NICASIO) 

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGIGING abala sa dalawang proyekto si Gwen Garci. 

Ito ang nalaman namin nang nakakuwentuhan namin siya recently, thru Facebook.

Unang project niya ay sa seryeng “You’re My Favorite Song” ng GMA-7 na pagbibidahan ng mga bagets. Then, ang isa pang pagkakaabalahan niya ay ang pelikulang “Milf” mula sa Viva,”Nagsimula na po akong mag-taping para sa ‘You’re My Favorite Song’ at mayroon pa pong movie, abangan po nila ito, ang title ay Milf,” reply niya sa amin. 

Ano ang role niya sa serye ng Kapuso network?

“Ang role ko rito, friend po ako ni Katya Santos. Ang gagampanan ko rito ay kikay na bubbly at komedyante,” pahayag ng aktres.

Okay ba sa kanya ang ganyang role, bubbly at komedyante?

Aniya, “Yes, okay lang po sa akin ang ganitong mga role, challenging ito para sa akin. Kasi, hindi ako talaga ganoon… tahimik po ako at soft spoken in real life.”

Sa pelikulang Milf naman na mula sa Viva, co-stars ni Gwen ang mga kasama niyang Viva Hot Babes na sina Sheree, Katya Santos, at Maui Taylor.  

Nagpatikim siya nang kaunting info hinggil sa bago nilang pelikula.Aniya, “parang ‘Sex In The City’ po itong movie namin, isa itong dark comedy.”

This month daw ang start ng shooting ng kanilang pelikula, nagpa-sexy ba siya ulit sa proyektong ito?

“Mayroon po silang aabangan sa movie na ito,” matipid at bitin na tugon pa ni Gwen.

CALOOCAN LGU, NAG-AALOK NG LIBRENG CHEMOTHERAPY SESSIONS, DIABETES MAINTENANCE MEDICINE 

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBIBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng libreng chemotherapy sessions (infusion therapy) sa mga pasyente ng cancer at libreng maintenance na gamot na ibibigay buwan-buwan sa mga pasyente ng diabetes sa patuloy na pagsisikap nito na bigyang-priyoridad ang kalidad at accessible na pangangalagang pangkalusugan. 

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Prime Treatment Group (PTG), ang mga residente sa lahat ng edad na na-diagnose na may cancer ay maaaring sumailalim sa libreng chemotherapy sessions (infusion treatment) sa PTG Caloocan Chemotherapy Center, 2nd Floor, Ziti Center Caloocan, mula Lunes hanggang Sabado, 8:00 am hanggang 5:00 pm. 

Samantala, ang mga umiinom ng gamot para sa diabetes ay maaaring makakuha ng libreng maintenance na gamot sa alinmang health center sa Lungsod ng Caloocan. Ang gamot na ibinibigay sa bawat pasyente ay mabuti sa loob ng 30 araw at maaaring ibigay buwan-buwan. Bukod dito, maaari ding magbigay ng libreng insulin sa mga pasyente kung kinakailangan.

Sinabi ni Mayor Along Malapitan na nag-aalok din ang pamahalaang lungsod ng mga libreng konsultasyon sa lahat ng mga health center nito, katuwang ang PhilHealth. (Richard Mesa)

NHA, NAIPAMAHAGI NA ANG ₱63.9-M EHAP SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA PAROLA, TONDO

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIPAMAHAGI na ng National Housing Authority (NHA) nitong Hunyo 03, 2026 ang tulong pinansyal para sa natitirang 1,133 pamilya-benepisyaryo na naapektuhan ng sunog sa Parola Compound, Tondo, Maynila noong Mayo 23, 2026. 

Sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA, ang bawat pamilyang nasunugan ay nakatanggap ng tig-₱30,000.00 upang masuportahan sila na makapagsimulang muli ng kanilang mga tahanan. Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang aktibidad katuwang si NHA NCR-West Sector Regional Manager Cromwell C. Teves. 

Ang aktibidad na ito ay nagsilbing huling bahagi ng distribusyon ng cash assistance mula sa EHAP para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. 275, Zone 25, Parola Compound sa Tondo, Manila, partikular sa Gates 46, 52, 54, 56, and 58. Noong May 29, 2026, sinimulan ng NHA ang pamimigay ng ayuda para sa may 1,000 apektadong pamilya, na kung susumahin ay nagkakahalaga ng ₱63,990,000.

Ang pamamahagi ng tulong pinansyal na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, at ang NHA ang naatasang magbigay ng mabilisang tulong pinansyal. Ginanap ang pamamahagi ng EHAP sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex (formerly Delpan Sports Complex).

Samantala, nagsagawa rin ng pamamahagi ng EHAP ang NHA NCR-North Sector Office sa pangunguna ni Officer-in-Charge Engr. Wenson O. Reyes, para sa 84 pamilya mula sa mga lungsod ng Valenzuela, Malabon, at Navotas, noong Hunyo 3-4, 2026. 

Ang EHAP ay isa sa mga pangunahing programa ng NHA na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad gaya ng sunog, baha, lindol at iba pa, upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan at makapagsimula ng bagong buhay at makapagtayo ng kanilang mga tahanan.

Ang NHA is isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). (PAUL JOHN REYES)

Inflation kumalma sa 6.8% noong Mayo

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUMALMA ang inflation sa Pilipinas nitong May 2026 bunga nang bumagal na pagtaas na halaga ng petrolyo at halaga ng mga pagkain sa naturang period.

Sa press briefing sa QC, sinabi ni National Statistician at Philippine Statistics Authority (PSA) chief Claire Dennis Mapa na ang inflation o antas ng pagtaas ng halaga ng mga pagkain at serbisyo ay bahagyang bumaba sa 6.8% noong May 2026, mas mababa sa 7.2% inflation noong April 2026.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Mayo 2026 kumpara noong Abril 2026 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Transport na may 16.2% inflation rate,” ayon kay Mapa.

Nasa 21.4% ang Transport index noong Abril 2026. Ang Transport index ay may 70.3% na overall deceleration ng inflation rate sa bansa.

Sinabi ni Mapa na ang pagbaba sa Transport inflation ay dulot ng mabagal na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.

Ang Food at Non-Alcoholic beverages ay nagdala rin ng pagbaba sa inflation rate habang ang Housing, Water, Electricity, Gas at iba pang Fuel index ay may mas mababang rate na 7.8%.

Ang galaw naman ng presyo sa tinaguariang “food basket” na karaniwang binibili ng mga pamilya ay bumaba sa 5.8%, gulay sa 6.2%, isda sa 8.8% at karne sa -2.5%.

Pilipinas, dapat bumalik sa ICC, panukala ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN ng panukala si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na humihikayat sa gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng hakbang para makasali muli sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC). 

Sa House Resolution (HR) No. 1056, nanawagan ang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), na simulan ang proseso nang pagbabalik ng membership ng Pilipinas sa ICC na naaayon sa konstitusyon at batas.

“The re-accession of the Philippines to the Rome Statute of the ICC is vital to reaffirm the country’s commitment to justice and accountability and to strengthen the protection of human rights and the rule of law, aimed at deterring the commission of grave international crimes and restoring public trust in institutions of justice,” ani De Lima. “This will also reinforce the Philippines’ standing in the international community as a State that upholds its obligations under international law and defends the dignity of every human person,” she added. 

Ang ICC ay isang permanenteng international criminal tribunal na binuo upang mag-imbestiga at maghatol sa indibidwal na responsable sa mga seryosong krimen kabilang na ang genocide, crimes against humanity, war crimes, at crime of aggression. 

Ang Pilipinas ay naging State Party sa ICC noong 2011 sa ilalim ng administration ni dating Presidente Benigno S. Aquino III, kasunod na concurrence ng senado.

Noong 2018, iniutos ni dating Presidente Rodrigo Duterte ang pag-alis ng Pilipinas mula Rome Statute.

“The Philippine must rejoin the ICC as a reaffirmation of our commitment to the rule of law, justice and accountability. Kailangan nating patatagin ang mga mekanismo ng pagpapanagot sa mga pasimuno ng mga karumal-dumal na krimen, at tiyakin na makakamit ng mga biktima at ng kanilang pamilya ang hustisya,” pahayag ni De Lima. (Vina de Guzman)