• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 durugista, huli sa aktong bumabatak sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities nang mahuli sa akto ng pulisya na sumisinghot umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Police Investigator P/MSgt. Ana Liza Antonio na nakatanggap ng SMS complaint mula sa isang concerned citizen ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas “Renz”, 33, pedicab driver, ng J. Santiago St., Libo 1, Brgy., Malanday.

Kaagad namang inatasan ni SDEU chief P/Lt. Sherwin Dascil ang kanyang mga tauhan na puntahan ang nasabing lugar para alamin kung may katutuhanan ang naturang report.

Pagdating sa lugar, naaktuhan nina PSSg Marlon Saquing at PSSg Ed Shalom Abiertas ang suspek na abala umano sa pagsinghot ng shabu sa loob ng kanyang bahay na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya pasado alas-3:40 ng hapon.

Nakumpiska sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,876, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at drug paraphernalias

Dakong alas-1:40 ng Huwebes ng madaling araw nang maaktuhan naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 na nagsasagawa ng anti-criminality operation ‘Oplan Galugad’ si alyas “Marlon”, 36, na gumagamit din umano ng droga sa isang parking area ng 6111B Lower Tibagan,, Barangay Gen T De Leon.

Nakuha sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y ng shabu at drug paraphernalias.

Isinailalim na ang mga suspek sa inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office kaugnay sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)