• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 29th, 2026

Tax relief para sa mga low at lower middle income earners, isinusulong 

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang panukalang magbibigay tulong para mapagaan ang bigat na dinaranas ng mga low- and lower-middle-income earners sa pamamagitan ng pagtaas sa income tax exemption ceiling para sa individual taxpayers.

Sa ilalim ng House Bill No. 9172, na kaakibat sa Senate Bill No. 267 na inihain ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, aamyendahan ang Section 24(A)(2)(a) at (b) ng National Internal Revenue Code of 1997. 

Sa panukala, itataas mula sa

P250,000 sa P480,000 kada taon ang tax exemptions.

“Ensuring that tax systems remain equitable, efficient, and responsive to inflation is essential to balancing revenue generation with the protection of taxpayers’ real income and purchasing power,” ani De Lima. 

Sinabi ng mambabatas na sa mahal ng gasolina, kuryente, tubig, at ng mga bilihin, isama pa ang iba pang kakaltasing kontribusyon sa gobyerno, wala nang natitira o kulang na kulang ang suweldong natatanggap ng maraming kababayan.

Aniya, ilang araw pa lang ang lumipas pagkasweldo ay petsa de peligro na agad.

“Paano pa kung may krisis na, o kung may magkasakit sa pamilya? One way to lessen the economic challenges confronting many of our countrymen is to implement reforms in income tax exemption that will increase their take-home pay or disposable income,” dagdag nito.

Sa ilalim ng kasalukuyang income tax system sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang mga indibidwal na kumikita ng ₱250,000.00 kada taon ay exempted mula sa personal income tax. 

Subalit, sa sandaling lumagpas ang kita sa itinakdang threshold, ipapataw ang isang progressive tax structure sa rates mula 15% sa 35%.

Bunsod nito, ang anuman dagdag sa kita o income ay nangangahulugan ng mas mataas na buwis.

Sinabi ni De Lima na kailangan ding magsagawa ng periodic review at resonableng adjustment ng tax policies, lalo na sa patuloy na pagtaas sa inflation. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang overall inflation ay tumaas sa 7.2% nitong Abril 2026 mula 4.1% noong Marso 2026, na pinakamataas na inflation rate sa loob ng tatlong taon.

“We understand that taxes are a source of funding for critical public services such as education, healthcare, and public safety. Pero kung pigang-piga na ang binubuwisan tulad ng ating mga middle class na nagkakandakuba na sa pagbabanat ng buto pero nababaon pa rin sa hirap at utang, dapat agarang kumilos ang gobyerno para pagaanin ang kanilang pasanin,” pagtatapos ni De Lima. (Vina de Guzman)

Malakanyang, hindi nababahala sa pinakabagong SWS rating ni PBBM

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI nababahala ang Malakanyang sa record-low net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang katuwiran ng Malakanyang, itinutulak lamang nito ang Pangulo na paghusayin pa ang kanyang magandang trabaho.

Sa ulat, nakapagtala ng bagong personal record-low na -15 ang net satisfaction rating ni Pangulong Marcos para sa buwan ng Marso 2026, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ipinakita sa naturang survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026 na 33% ng mga adult Filipino ang nasisiyahan sa trabaho ni Marcos. Pero mas marami ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa ginagawa ng pangulo na 49%, at 18% ang hindi makapagpasya.

“So naniniwala po tayo na nararamdaman ng ibang mga kababayan natin ang ginagawa ng gobyerno, nakakataon lamang po siguro ang nakakausap ay mga taong hindi pa nahatiran o hindi pa narandaman ang tulong ng gobyerno,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Alam natin na sinasagad ng Pangulo ang pagkatrabaho, pero makakatulong ito para mas pagbutihan pa ng pangulo ang pagtatrabaho at pagbibigay ng tulong sa ating mga mamamayan,” aniya pa rin.

At nang tanungin naman si Castro kung may gagawin na adjustment ang Pangulo sa kanyang pamamahala para mag-improve ang kanyang rating, ang tugon ni Castro ay ” ang poll numbers ay depende sa mga respondents na nakakausap ng survey firm.”

“Sabi nga po natin, muli, tinagurian nga po si Pangulo na highest rated among the top four officials in a nationwide survey,” aniya pa rin.

Tinukoy ni Castro ang OCTA Research survey kung saan ipinapakita na ang ‘trust at performance ratings’ ni Pangulong Marcos ay tumaas sa first quarter ng 2026.

“So, kung may mga pagkakaiba man sila sa mga numero, pagkakaiba-iba ng mga survey firms, naniniwala po tayo at ang administrasyon na ito na patuloy ang gobyerno sa pagtatrabaho, pagbibigay ng ayuda at tulong sa ating mga mamamayan,” ang pahayag ni Castro.

“Hindi po tumitigil ang Pangulo na maibsan ang anumang hirap na dinadanas ng ating mga mamamayan, especially dulot ng krisis sa Middle east. Ano mang numero yan? Tumaas, bumaba, patuloy ang Pangulo sa pagtatrabaho at pagbibigay ng good governance,” aniya pa rin. ( Daris Jose)

Flood preparedness sa NAVOTAS 

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKIPAGPULONG ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco sa Metro Shipbuilders and Ship Repairers Association, Inc. (MSSAI) para sa updates at mahahalagang paalala tungkol sa mga paghahandang isinasagawa ng mga shipyard para sa nalalapit na tag-ulan at kung paano ito makatutulong sa pagpapalakas ng flood preparedness ng lungsod.

 (Richard Mesa)

Walang ‘force majeure’ para bigyang katwiran ang online voting sa Senado- Malakanyang

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALANG kalamidad o anumang “force majeure” para bigyang-katwiran ang pagbabago sa Senate rules pagdating sa botohan.

Tugon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin ukol sa nangyaring pag-walkout ng Senate minority, Martes ng gabi bilang pagprotesta sa mosyon na payagan ang mga senador na sumali sa sesyon ‘remotely’ sa ilalim ng “justifiable circumstances.”

“Dati naman ay napayagan ang online voting, mga Zoom meeting, dahil mayroong, mayroon tayong kalamidad na hinaharap noon. At sa pagkakataong ito, ay wala naman tayong masasabi na anumang force majeure, calamity, na mag-justify ng mga online voting,” ayon kay Castro.

Gayunman, nilinaw ni Castro na wala ito sa mandato ng Pangulo at hindi ito kailanman makikialam sa desisyon ng Senado.

“Wala sa pagpapasya ng administrasyon, wala sa pagpapasya ng Pangulo. At dapat din siguro malaman nila na mahirap magkaroon ng online voting kung wala ang tao mismo sa mga pagpupulong at pagkakaroon ng diskusyon,” ang winika ni Castro.

Sa kabilang dako, naniniwala naman si Castro na ang pagkilos na baguhin ang rules ng Senado ay nagpapakita ng interest ng mga mambabatas.

“Ito ang magandang pagkakataon para malaman natin lahat kung ang mga liderato ba at mga leaders na ito ay nagtatrabaho para sa bayan o para sa pansarili o pang-ilan naman,” ang pahayag ni Castro sabay sabing “Kagaya nga ng sinabi ni Heneral Luna, bayan o sarili, mamili ka.” (DARIS JOSE)

Plunder at graft, inihain vs Sen. Jinggoy at ex-DPWH Sec. Bonoan

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN na kahapon, Huwebes, Mayo 28, ang Office of the Ombudsman ng mga kasong plunder at graft laban kay Senador Jinggoy Estrada at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan.

Bunsod ito ng rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) Special Prosecution Service noong Mayo 18 na kasuhan si Estrada ng plunder, graft, at bribery, kasama ang iba pang opisyal ng DPWH. Ang mga kaso ay kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.

Una nang idinawit ni dating DPWH Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez si Estrada sa tinaguriang flood control scandal.

Inakusahan niya ang senador na nakatanggap umano ng 30% kickback mula sa P355-milyon halaga ng flood control projects.

Ito na ang ikatlong plunder case ni Estrada. Una siyang kinasuhan kaugnay ng jueteng scandal noong 2001, at muli noong 2014 dahil sa PDAF scam kung saan siya ay napawalang-sala.

Ang bagong kaso ay inaasahang magbubukas muli ng masusing imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng pamahalaan para sa mga proyektong imprastruktura.

Ayon sa Ombudsman, inatasan na ang mga akusado na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng order.

Nananatiling nakatutok ang publiko sa magiging resulta ng imbestigasyon, lalo na’t si Estrada ay kasalukuyang senador at si Bonoan ay dating miyembro ng gabinete na may malaking papel sa mga proyekto ng DPWH.

Sinusubukan pang kunin ng Bombo Radyo ang reaksyon nina Estrada at Bonoan hinggil sa mga development na ito. (Daris Jose)

Kai Sotto at Rere Madrid ikinasal na

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKINASAL na ang Gilas Pilipinas star Kai Sotto sa aktres nasi Rere Madrid.

Isinagawa ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa isang private event.Balitang Pilipinas

Dinaluhan ito ng mga malalapit na kaibigan at mga kaanak ng dalawa.

Unang isinapubliko ng dalawa ang kanilang relasyon noong Hulyo 2024.

Boston head coach Joe Mazzulla tinanghal bilang 2025-26 NBA Coach of the Year

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Itinanghal bilang 2025-26 NBA Coach of the Year si Boston Celtics head coach Joe Mazulla.

Si Mazulla ang coach mula sa Boston na makakuha sa naturang pagkilala matapos ang 46 na taon.

Tinalo ng Boston head coach sina Detroit Pistons coach J.B. Bickerstaff at San Antonio Spurs HC Mitch Johnson. Nakakuha kasi ang batikang coach ng 62 first-place habang ang sumunod sa kaniya na si Bickerstaff ay nakakuha lamang ng 29 na boto.

Maalalang sa katatapos na season ay pinangunahan ni Mazulla ang roster overhaul sa Celtics kasunod ng pag-alis nina Kristaps Porziņģis, Jrue Holiday, at Al Horford, kasama ang pagkawala ni Jayson Tatum dahil sa kaniyang mahabang rehabilitasyon mula sa achiles injury.

Sa pamamagitan ng ginawang overhaul, nagawa ng Boston na tapusin ang naturang season bilang No. 2 seed sa Eastern Conference, 56-26.

Sa kabilang banda, huling nakuha ng Celtics coach ang Coach of the Year award noong 1979 – 1980 Season kung saan nagsisilbi noong head coach ng koponan si Bill Fitch.

Si Mazulla ang isa sa pinakabatang coach na makakuha ng naturang award sa kaniyang edad na 37.

52 pamilyang nasunugan sa Caloocan, hinatiran ng tulong ni Mayor Along

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na binisita ni Mayor Along Malapitan ang 52 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay 132, Caloocan City upang maghatid ng tulong pinansyal at food packs mula sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.

Nauna rito, naghatid na ang City Social Welfare and Development Department ng sleeping kits, hygiene kits, hot meals, at iba pang pangunahing pangangailangan upang matiyak na may agarang tulong ang mga naapektuhang pamilya. (Richard Mesa)

NPD, pinaigting ang surprise inspection sa mga police sub-stations

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIGTING ng Northern Police District (NPD) ang surprise inspection nito sa lahat ng police sub-stations sa CaMaNaVa bilang bahagi ng patuloy nitong internal reforms at pagsisikap na palakasin ang disiplina, pananagutan, at kahusayan sa pagpapatakbo sa loob ng organisasyon.

Ayon kay NPD Acting District Director P/BGen. Benliner Capili, binibigyang-diin ng inisyatiba ang matatag na pangako ng NPD na itaguyod ang integridad, propesyonalismo, at mataas na pamantayan ng serbisyo ng pulisya alinsunod sa Anim na Strategic Program Thrust nito, partikular sa Integrity Monitoring Enhancement / Internal Cleansing.

Dagdag niya, sa pagsasagawa ng mga inspeksyon, ang mga tauhan at pasilidad ng pulisya ay tinasa upang matiyak ang kahandaan, tamang ugali, pagsunod sa mga standard operating procedures, at pagtugon sa paghahatid ng serbisyo publiko.

Layunin din aniya ng aktibidad na tukuyin ang mga puwang at agad na matugunan ang mga lugar na nangangailangan ng pagpapabuti upang higit pang mapahusay ang mga operasyon ng pulisya at tiwala ng publiko.

Iginiit pa ni Gen. Capili na ang internal cleansing mechanisms, kabilang ang unannounced inspection ay mahalaga sa pagpapanatili ng disiplina at pagtiyak na ang bawat pulis ay nananatiling may pananagutan at nakatuon sa pinakamataas na pamantayan ng serbisyo.

“This initiative is part of our continuing effort to strengthen internal discipline and reinforce a culture of integrity within the ranks. We expect all personnel to consistently uphold professionalism and public service excellence at all times,” ani B/Gen. Capili.

Tinitiyak din ng NPD sa publiko na patuloy itong magpapatupad ng mga katulad na hakbangin upang higit na mapabuti ang pagganap ng pulisya at matiyak na ang mga serbisyo sa pagpapatupad ng batas ay mananatiling mahusay, maaasahan, at karapat-dapat sa pagtitiwala ng publiko. (Richard Mesa)

43 KILOGRAMS NG SHABU NAHARANG SA MANILA INTERNATIONAL CONTAINER PORT

Posted on: May 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na naharang ng mga anti-drugs operatives ang humigit-kumulang 43 kilo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang coordinated seaport interdiction operation sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Manila noong Lunes, Mayo 25, 2026, bandang 3:40 ng hapon.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba at tauhan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Intelligence Service; Regional Office–National Capital Region (RO-NCR); International Cooperation and Foreign Affairs Service (ICFAS); at Legal and Prosecution Service (LPS), sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF).

Narekober ng mga awtoridad ang kabuuang 129 na parihabang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na humigit-kumulang 43 kilo, na tinatayang aabot sa halagang ₱292.4 milyon.

Ang nakumpiskang kargamento ay kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan nito, mga tatanggap nito, at posibleng kaugnayan sa local at international drug trafficking networks.

“This successful interdiction highlights the unwavering commitment of our law enforcement agencies to protect the country’s borders from the entry of illegal drugs,” sabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.”

“Through strengthened inter-agency cooperation and intensified intelligence operations, we will continue to pursue and dismantle drug trafficking syndicates that threaten the safety and welfare of our communities.” dagdag pa ni PDEA DG Nerez.

Ang mga daungan ng bansa ay nananatiling mahigpit na sinusubaybayan habang patuloy na pinapahusay ng gobyerno ang kakayahan nito sa pagpapatupad laban sa mga ilegal na aktibidad ng droga. Ipinapakita ng operasyon ang bisa ng matibay na koordinasyon sa mga partner agencies sa pagprotekta sa bansa mula sa pagiging koridor ng trafficking ng droga.

Tiniyak ng mga awtoridad sa publiko na ang case build-up operations and profiling activities ay nagpapatuloy bilang paghahanda sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga indibidwal na sangkot sa tangkang pagpapadala ng mga ilegal na droga. (PAUL JOHN REYES)