Paskong Quezonian 2026, dinagsa sa Kapitolyo
- Published on November 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
LUCENA CITY, Quezon — Libo-libong mamamayan mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang dumagsa sa pagbubukas ng Paskong Quezonian 2026: Switch-On and Fireworks Display sa Perez Park, Provincial Capitol Compound nitong Huwebes, Nobyembre 20.
Pinangunahan ni Gobernadora Doktora Helen Tan ang seremonya ng pagpapailaw sa higanteng Christmas tree na may disenyong mini-castle at sa mga Christmas light display sa buong parke. Kasama niya sa aktibidad sina Bise Gobernador Third Alcala at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sina Bokal Dok Kim Tan, Bokal JJ Aquivido, Bokal Vinnette Alcala Naca, Bokal Julius Luces at Bokal Harold Butardo. Nagpaabot din ng buong suporta si Engr. Ronel Tan sa matagumpay na pagdiriwang.
Dumalo rin sa programa sina Department of Tourism (DOT) Region IV-A Regional Director Marites T. Castro, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, at ilang punong bayan kabilang sina Mayor Jhonny Escolan (Quezon), Mayor Charrize Marie Escalona (Perez), Mayor Piwa Lim (Lungsod ng Tayabas), Mayor Ogie Suayan (Candelaria), Mayor Venchie Aguilar (Agdangan), Mayor Ays Canimo (Alabat), at Mayor Alfred Pujeda (General Nakar).
Kasabay ng pagpapailaw ay ipinalabas din sa publiko ang ikalimang Official 2026 Christmas ID ng lalawigan at sinundan ito ng isang fireworks display.
Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Tan ang mga Quezonian na isabuhay ang pagmamalasakit at paggawa ng kabutihan sa kapwa bilang pagpapakita ng tunay na diwa ng Pasko, alinsunod sa tema ng pagdiriwang na “Tayo ang Pag-asa ng Pasko.”
Samantala, kinilala rin sa nasabing pagtitipon ang mga nagwagi sa taunang Parol Making Contest. Itinanghal na kampeon ang Bayan ng Quezon, sinundan ng Lungsod ng Tayabas bilang first runner-up, at Lungsod ng Lucena bilang second runner-up.
Ayon sa Provincial Tourism Office, mananatiling bukas sa publiko ang mga Christmas light displays sa Perez Park hanggang Enero 3, 2027, habang nakatakda namang ilabas sa mga susunod na araw ang iba pang aktibidad para sa kapaskuhan. (Kim Bornella/ Yvonne Bagang/ Jeremiah Solomon/ Boy Morales)