• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, hindi nababahala sa pinakabagong SWS rating ni PBBM

HINDI nababahala ang Malakanyang sa record-low net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang katuwiran ng Malakanyang, itinutulak lamang nito ang Pangulo na paghusayin pa ang kanyang magandang trabaho.

Sa ulat, nakapagtala ng bagong personal record-low na -15 ang net satisfaction rating ni Pangulong Marcos para sa buwan ng Marso 2026, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ipinakita sa naturang survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026 na 33% ng mga adult Filipino ang nasisiyahan sa trabaho ni Marcos. Pero mas marami ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa ginagawa ng pangulo na 49%, at 18% ang hindi makapagpasya.

“So naniniwala po tayo na nararamdaman ng ibang mga kababayan natin ang ginagawa ng gobyerno, nakakataon lamang po siguro ang nakakausap ay mga taong hindi pa nahatiran o hindi pa narandaman ang tulong ng gobyerno,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Alam natin na sinasagad ng Pangulo ang pagkatrabaho, pero makakatulong ito para mas pagbutihan pa ng pangulo ang pagtatrabaho at pagbibigay ng tulong sa ating mga mamamayan,” aniya pa rin.

At nang tanungin naman si Castro kung may gagawin na adjustment ang Pangulo sa kanyang pamamahala para mag-improve ang kanyang rating, ang tugon ni Castro ay ” ang poll numbers ay depende sa mga respondents na nakakausap ng survey firm.”

“Sabi nga po natin, muli, tinagurian nga po si Pangulo na highest rated among the top four officials in a nationwide survey,” aniya pa rin.

Tinukoy ni Castro ang OCTA Research survey kung saan ipinapakita na ang ‘trust at performance ratings’ ni Pangulong Marcos ay tumaas sa first quarter ng 2026.

“So, kung may mga pagkakaiba man sila sa mga numero, pagkakaiba-iba ng mga survey firms, naniniwala po tayo at ang administrasyon na ito na patuloy ang gobyerno sa pagtatrabaho, pagbibigay ng ayuda at tulong sa ating mga mamamayan,” ang pahayag ni Castro.

“Hindi po tumitigil ang Pangulo na maibsan ang anumang hirap na dinadanas ng ating mga mamamayan, especially dulot ng krisis sa Middle east. Ano mang numero yan? Tumaas, bumaba, patuloy ang Pangulo sa pagtatrabaho at pagbibigay ng good governance,” aniya pa rin. ( Daris Jose)