Pagbati, bumuhos sa panalo ni Carlos Alcaraz para sa kauna-unahang titulo sa ATP Finals
- Published on November 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
PATULOY ang buhos ng pagbati ng supporters, matapos masungkit ng seven-time Grand Slam champion na si Carlos Alcaraz ang kanyang kauna-unahang titulo sa ATP Finals matapos talunin ang world number one na si Alexander Zverev sa iskor na 6-2, 7-6(7) nitong Linggo.
Naging dominante ang 23-anyos na Spanish star sa unang set habang nahirapan naman sa kanyang serve ang German player na nakagawa ng 19 unforced errors.
Bagama’t nakabawi si Zverev sa ikalawang set at nakahirit ng tiebreak, nagawang iligtas ni Alcaraz ang tatlong sunod na set point bago tuluyang selyuhan ang panalo.
Ang tagumpay na ito ang ika-14 na sunod na panalo ni Alcaraz at ikatlong magkakasunod na kampeonato bago matapos ang taon, kasunod ng kanyang pagkapanalo sa Vienna at Paris matapos magbalik-aksyon mula sa apat na buwang wrist injury.
Ayon kay Alcaraz, matagal na niyang hinahabol ang tropeong ito at napakahalaga nito para sa kanya at sa kanyang koponan matapos ang mga pinagdaanang pagsubok.
Samantala, tinapos ng pagkatalong ito ang itinuturing na pinakamatagumpay na season ni Zverev, kung saan napanalunan niya ang kanyang unang dalawang Grand Slam title at umakyat sa tuktok ng world rankings.