BINIGYANG pugay ng House of Representatives nitong Lunes si Filipino tennis star Alexandra “Alex” Eala matapos nitong makamit ang career-high ranking na World No. 31 ng Women’s Tennis Association (WTA) nitong Pebrero 23, 2026.
Ang komendasyon kay Eala ay nakapaloob sa inihaing House Resolution No. 832 na inaprubahan sa pagdaraos ng International Women’s Month.
Ang ranking ni Eala ay pinakamataas na inabot ng isang Filipino sa prestihiyosong WTA, nagbibigay karangalan sa ating bansa, ayon sa mga akda ng HR 832, Pangasinan Rep. Ma. Georgina “Manay Gina” De Venecia at Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica.
Inilarawan si Eala bilang “unifying figure” ng mga Filipino sa abroad, kung saan libo-libong kababayan ang nanonood at sumusuporta sa kanyang mga matches.
Naging inspirasyon din si Eala sa ating mga atleta, ayon kina De Venecia at Villarica. “Eala represents an exemplary Filipina who, like the ancestral babaylan, has demonstrated resilience, discipline, and a strong determination to succeed.”
(Vina de Guzman)