• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 13th, 2026

CARGO SHIP TUMAOB, 1 PATAY

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TUMAOB ang isang cargo ship sa Bert 1 ng isang pribadong cement port sa Naga City, Cebu na nagresulta sa pagkamatay ng isang crew indibidwal.
Sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard-Central Visayas, nagkakarga ng cargo ang barko nang mangyari ang insidente.
Nagsimula umanong tumagilid ang barko sa kaliwang bahagi .
Nagbomba naman ng tubig palabas mula sa ballast tank ang mga crew upang maayos ang hindi pagiging balanse ng barko .
Gayunpaman, tumagilid naman ang barko sa kanang bahagi na naging sanhi ng pagtaob, ayon sa ulat.
Isang crew ang nasabit ang paa sa lubid at diektang nahulog sa tubig.
Pagdating sa hospital, idineklara ang crew na dead on arrival.
Samantala, isang crew member na na-trap sa loob ng engine room ang matagumpay na nailigtas matapos ang rescue operations at agad na dinala sa ospital para malapatan ng lunas .
Sa kasalukuyan, naglagay na ng oil spill boom upang pigilan ang posibleng pagtagas ng langis.
Ang cargo ship ay mayroong mahigit 15,500 litro ng diesel fuel at 500 litro ng lube oil.
Nagsimula rin ang pagsipsip ng natitirang fuel oil sa barko, uwebes habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
(Gene Adsuara)

Key government agencies at Philippine diplomatic posts, pinulong ng Kamara para tugunan ang mga OFWs

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINULONG ng Kamara ang mga key government agencies at Philippine diplomatic posts nitong Miyerkules upang suriin ang kakayanan ng gobyerno na tugunan ang problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit sa lumalalang kaguluhan sa Middle East.
“Ang Kapulungan ng mga Kinatawan po ay patuloy na ginagampanan ang mandato nitong pangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino. Kasama po ng aking kapwa-mambabatas at ng iba’t ibang komite, kami po ay walang humpay na magsusulong ng mga priority bills at mga hakbang na makakatulong upang mapagaan ang epekto ng mga pandaigdigang krisis sa ating mga kababayan,” sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ng Isabela.
Ang pagpupulong ay isinagawa ng House Committee on Foreign Affairs sa panguguna ni Pangasinan Rep. Maria Rachel Arenas at Committee on Overseas Workers Affairs ni Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla. Nakatuon ang diskusyon sa mga hakbang ng gobyerno kung sakaling lumala ang sitwasyon sa rehiyon.
Ang diskusyon ay nilahukan ng mga opisyales ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of National Defense (DND), at Department of Budget and Management (DBM).
Ilang mga opisyales ng mga Philippine embassies at representations sa Middle East ay lumahok sa pamamagitan ng video conference. Sinabi ni Arenas na ang joint hearing isinagawa sa gitna ng lumalalang kaguluhan sa rehiyon.
“For the Philippines, these hostilities are not mere peripheral events or secondary concerns. They constitute a protracted humanitarian emergency that poses a clear and present danger to our nationals. With 2,500,000 Filipinos in the region, we are not just observers of this war. We are a nation with a deep human stake in its resolution,” pahayag ni Arenas.
Idinagdag ni Arenas ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. : “We are victims of a war that is not of our choosing, but we control how we will protect the Filipino.”
Ipinaliwanag ni Arenas ang ginawang briefing ay upang malaman ang kakayanan ng mga ahensiya ng gobyerno na tugunan ang sitwasyon ng mga OFWs sa rehiyon, kabilang ang posibilidad na gamitin ang P2 billion action fund ng gobyerno, contingency evacuation corridors sa dagat o lupa kahit may airspace restrictions, at welfare support sa mga Filipino na piniling manatili muna habang naghihintay ng katiyakan sa repatriation.
“Sa mga sandaling ito, hindi sapat ang milagro—kailangan ang mabilis, malinaw, at kongkretong aksyon mula sa ating pamahalaan,” pahayag naman ni Revilla.
“Caught in the midst of artillery crossfire and drone warfare, it is our heroes who now need rescuing/ Our duty to our OFWs is not only paramount—it is urgent, immediate, and non-negotiable. This meeting must not end with merely warm words or comforting assurances. It must conclude with the beginning of accountability and decisive action,” dagdag ni Revilla.
(Vina de Guzman)

PBBM, inatasan ang DMW SECRETARY na personal na i-assess ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na bumiyahe patungong Dubai, United Arab Emirates (UAE), para personal na i-assess ang sitwasyon sa ground at pangasiwaan ang repatriation ng mga Pinoy na nais na umuwi ng bansa sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

“In fact, I know that Secretary Hans Cacdac is taking the flight to Dubai. Ang sabi ko, sumakay siya para makapag-report siya nang mabuti kung ano ba talaga ang sitwasyon doon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa kanya sa New York nang hingan ng tugon ukol sa mga apektadong Pinoy sa labanan.
Sinabi ng Pangulo na ang pagba-byahe sa mga Filipino ay mas madali ngayon kasunod ng pagbubukas ng land border crossings kasama ang UAE at Israel.
Tinuran pa ng Pangulo, isang grupo ng mga Filipino mula sa UAE ay darating sa Pilipinas, mamayang gabi, Marso 11 habang may 16 na Filipino naman mula sa Israel ang darating sa bansa, Marso 12.
“The target date of departure from Fujairah and the UAE is March 13, ETA Manila, gabi ng March 13 or early morning of the 14th,” ang sinabi ng Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na may dalawang byahe para sa repatriation ang pinaplano kabilang na ang isa mula sa Riyadh, Saudi Arabia at ang isa naman ay mula sa Fujairah sa UAE.
“The government must rely on local authorities in the Middle East to protect and repatriate Filipinos,” ang dagdag na pahayag ng Pangulo.
Aniya pa, nakatatanggap naman ng tulong ang OFWs sa foreign countries dahil sa kanilang magandang pagganap sa tungkulin.
(Daris Jose)

Panawagan ni Doc Garin, mas matatag na programa laban sa tumataas na kaso ng obesity o labis na katabaan

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Deputy Speaker Janette “Doc Nanay” Garin ng Iloilo nitong Huwebes ng mas matatag na programa laban sa tumataas na kaso ng obesity o labis na katabaan.
“Dahil sa mga processed food, mas bumibilis ang pag-gain ng timbang natin. Mahalaga talaga ang balanced diet at proper exercise,” pahayag ni Garin.
Ang labis na katabaan o sobra sa timbang ng isang tao ay kadalasang nauuwi sa diabetes, heart disease, at chronic kidney disease.
Ang Body Mass Index (BMI) na 25 kg/m² o mas mataas pa sa isang tao ay maaaring sobra sa timbang o may katabaan.
Ayon sa pag aaral ng Epidemiological Burden and Cost of Obesity in the Philippines (EpiCOb-PH) mga 41 percent ng Filipino adults o 29.5 million katao ay sobra sa timbang o may katabaan.
Binanggit din ng EpiCOb-PH ang epekto nito sa ekonomiya. Nitong 2025, ang sobrang katabaan ng isang tao ay nakakaapekto sa ekonomiya sa halagang P2.70 trillion na gastos, dulot ng healthcare costs at productivity losses.
Ayon kay Garin, ang katabaan o sobrang timbang ay maituturing na serious public health concern na kinakailangang tugunan agad.
“Ingatan natin ang ating kalusugan. Dahil sa obesity posibleng humantong ito diabetes, sakit sa puso, at iba pang malulubhang karamdaman,” pahayag ni Garin, dating Secretary ng Department of Health (DOH).
Nanawagan si Garin sa mga government agencies, communities, schools, at mga pamilya na patuloy na itaguyod ang healthier lifestyles.
“Responsibilidad ng buong komunidad ang matiyak ang mas malusog na kinabukasan para sa ating mga kababayan,” sinabi ni Garin. (Vina de Guzman)

Para makatipid sa krudo… CALOOCAN LGU, NAMAHAGI NG 100 BISIKLETA SA MGA ENFORCER, PULIS

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng 100 bisikleta sa mga tauhan ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) at Caloocan City Police Station (CCPS) bilang alternatibong paraan ng transportasyon alinsunod sa mga panawagan para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa pamahalaan.

Sa ilalim ng Executive Order 007-26, na pinagtibay mula sa Presidential Memorandum Circular No. 114 na inilabas ng Malacañang, ang hakbang ng pamahalaang lungsod ay naglalayon na asahan ang posibleng pagtaas ng presyo ng petrolyo at kakulangan na dulot ng kasalukuyang kalagayan ng pandaigdigang gawain sa pamamagitan ng pagbawas sa konsumo sa mahigit labinlimang porsyento ng kasalukuyang paggamit.

Hinikayat ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang iba pang tauhan ng pamahalaang lungsod na mahigpit na sumunod sa komprehensibong mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya na nakasaad sa Executive Order at subukan din ang mga alternatibong paraan ng paglalakbay papunta at pabalik sa city hall hangga’t maaari.

“Bilang mga public servant, may mandato po tayo na maging ehemplo para sa ating mga mamamayan sa wastong paggamit ng kuryente at enerhiya upang maibsan ang mga posibleng epekto ng digmaan sa Middle East,” ani Mayor Along.

“Panawagan ko po sa lahat, huwag tayong mag-aksaya ng kuryente at gasolina at kung maaari, subukan natin ang iba pang paraan ng transportasyon papunta sa ating mga paroroonan,” dagdag niya. (Richard Mesa)

Mayor JRT, namahagi ng hard hats sa mga mag-aaral

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco ang ceremonial turnover ng hard hats para sa mga mag-aaral sa Navotas City bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda nito sa mga sakuna tulad ng lindol.

Ani alkalde, naniniwala siya na ang kahandaan ay nagsisimula sa kaalaman at tamang kagamitan. Sa pamamagitan aniya ng mga ganitong hakbang, mas natutulungan maging handa at manatiling ligtas ang mga kabataan sa oras ng emergency.

Dagdag niya, patuloy ang lokal na pamahalaan ng Navotas sa pagpapatupad ng mga programa at hakbang upang matiyak na ang bawat sektor ng komunidad, mga bata, pamilya, at buong pamayanan ay handa at protektado sa panahon ng sakuna.

Layunin aniya ng programa: NavReady — Handang Pamilya, Matatag na Lungsod. (Richard Mesa)

₱142.8-M HALAGA NG SHABU, NAKUMPISKA SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA SA QUEZON CITY

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKUMPISKA ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱142.8-M halaga ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang matagumpay na buy-bust operation nitong Marso 11, 2026 sa Quezon City.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 21 kilo ng ilegal na droga, ito ay isang malawakang operasyon ng pagbebenta ng droga na maaaring nagsusuplay ng ilegal na droga sa mga komunidad sa Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.

Bandang alas-3:10 ng madaling araw, nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng PDEA Special Enforcement Service (SES) at PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) Quezon City District Office, katuwang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group Special Operations Unit-NCR, sa Biak Na Bato, Sto. Domingo, Quezon City.

Naaresto sa operasyon ang dalawang indibidwal na kinilalang sina alyas “Eli”, 28 taong gulang, residente ng Baliwag, Bulacan; at alyas “Rolando”, 42, mula sa Caloocan City.

Nahuli ang mga suspek na nagbebenta ng 500 gramo ng shabu sa isang undercover agent na nagpapanggap na buyer. Nang halughugin ang kanilang sasakyan at mga gamit, natuklasan ang karagdagang 20.5 kilo ng shabu. Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang buy-bust money, isang Toyota Hiace Grandia, iba’t ibang identification card, mga mobile phone at isang digital weighing scale.

“We commend our operating units and partners from the PNP for preventing what could have been a significant volume of illegal drugs from reaching the streets. By removing these drugs from circulation, we have saved countless Filipino lives,” sabi ni PDEA Director General Isagani R. Nerez.

“PDEA will continue to intensify intelligence-driven operations and work closely with partner law enforcement units and the community to ensure that those who profit from the illegal drug trade are brought to justice,” dagdag pa ni PDEA Director General Nerez.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II of Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang kakaharaping kaso ng mga suspek. (PAUL JOHN REYES)

DOTr: Taas-pasahe sa PUVs, tiyak na

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINUMPIRMA ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na may nakaamba na ring taas-pasahe kasunod na rin nang pagtaas ng mga produktong petrolyo, na dulot ng lumalalang tensiyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Lopez, naghain na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng rekomendasyon sa DOTr hingil sa nakabinbing petisyon sa taas-pasahe.
Gayunman, ibinalik umano niya ito sa LTFRB kamakalawa upang i-recompute dahil tila hindi ito tugma.

“‘Mayroong nakabinbin na petisyon, the process usually is for the LTFRB to make a recommendation. They submitted a recommendation po sa DOTr, binalik ko po yesterday. Sabi ko you have to ­recompute your numbers, you have to recrunch your numbers, mukhang hindi tugma,” aniya.
Inaasahan naman ni Lopez na maisusumiteng muli ng LTFRB ang kanilang rekomendasyon hinggil sa taas-pasahe sa linggong ito.

Eala bigo kay Noskova sa Indian Wells

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NATAPOS na ang kampanya ni Pinay tennis star Alex Eala sa Indian Wells Open.

Ito ay matapos na talunin siya ni Linda Noskova sa score na 6-2, 6-0.

Naging agresibo sa kaniyang laro ang Czech tennis player at hindi nakaporma ang 20-anyos na si Eala.

Mayroong kabuuang pitong aces si Noskova habang hindi nakapagtala ng anumang aces ang world number 32 na si Eala.

Bagamat natalo ay pinasalamatan ni Eala ang kaniyang mga fans na nagbigay ng suporta sa kaniyang laro.

Football team ng Iran umatras na sa pagsali sa FIFA World Cup

Posted on: March 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGPASYA ang Iran football team na hindi na lumahok sa FIFA World Cup na gaganapin sa US.

Ayon kay Ahmad Donyamali, ang minsiter of Sports and Youth ng Iran na Dahil sa patuloy na pag-atake ng Israel at US ay hindi na sila makakalahok sa nasabing torneo.
Wala na rin silang gana matapos na masawi ang kanilang Supreme leader na si Al Khamenei mula sa pinagsamang atake ng US at Israel.

Ang Iran kasi ay siyang unang bansa na nakapasok sa qualification tournament.

Magsisimula ang FIFA World Cup Mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 19 kung saan ang host ay US , Mexico at Canada.