Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad sina PSSg Ricardo Santos at PSSg Melvic Pingad, kapwa ng Polo Police Sub-Station 5 sa Cadeba St., Brgy., Balangkas nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagka-cara y cruz dakong alas-9:45 ng Biyernes ng gabi.
Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala bilang mga pulis saka inaresto at nakumpiska sa mga suspek ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuhay kay alyas “Russel”.
Nauna rito, alas-3:45 ng Biyernes ng hapon nang matiyempuhan naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang dalawang kelot na nagsusugal din umano ng cara y cruz sa isang bakanteng lote sa Rincon Road, Brgy., Malinta.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang damputin nina Pat. Jojo Balidoy at Pat. Mark Lister Ogsimer at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara, at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “James”.
Sa Brgy. Karuhatan, huli din sa akto nina PSSg Galicia at PCpl Melvin Unciano, kapwa ng Karuhatan Police Sub-Station 9 ang dalawang lalaki na abala umano sa pagka-cara y cruz sa San Francisco St., alas-8:10 ng Sabado ng gabi.
Nakuha sa kanila ang bet money, at pangara, habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at isang glass tube na naglalaman ng umano’y marijuna ay nasamsam kay alyas “John”. (Richard Mesa)