15,000 pulis ide-deploy sa Traslacion ng Nazareno
- Published on January 5, 2026
- by @peoplesbalita
UMAABOT sa 15,000 tauhan ang ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) para mangalaga sa kaayusan at katahimikan sa pagdiriwang ng piyesta ng Poong Hesus Nazareno sa gaganaping Traslacion sa darating na Enero 9 ng taong ito.
Ayon kay Police Maj. Philip Ines, Spokesperon ng Manila Police District (MPD), ang nasabing bilang ng mga pulis ay maliban pa sa mga force multipliers ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Inaasahan namang ang kapiyestahan ng Poong Hesus Nazareno sa Basilica Minor ng Quiapo Church ay dadagsain ng mga daang libong mga deboto na posibleng umabot pa sa milyong katao.
Sinabi ni Ines na may mga naitakdang alternatibong mga ruta ang bubuksan sa ilang mga lansangan dahil sa may ilang kalsada ang isasara para bigyang daan ang prusisyon.
Samantalang may nagtakda na ring kaukulang hakbang sa mga ipinagbabawal na gamit sa mga magpapartisipa sa Traslacion.
Kaugnay nito, inihayag pa ng opisyal na wala namang namomonitor na anumang banta kaugnay ng pagdiriwang ng tradisyunal na okasyon para sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno. (Gene Adsuara)