• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, binalaan ang watchdog groups… P633 bilyong ‘hard, soft, shadow pork’ nasa 2026 budget

NAGBABALA ang mga watchdog group na mahigit P633 bilyon sa P6.793 trilyon na 2026 national budget ang maaaring magamit sa korapsyon o patronage politics kung hindi ito ibi-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inihayag ito ng People’s Budget Coalition at ng Roundtable for Inclusive Development ilang araw bago ang nakatakdang paglagda ng Pangulo sa pambansang budget.
Sa halip na tuluyang i-veto ang mga proyektong ito, iminungkahi ng mga watchdog na buksan ang mga ito sa citizen monitoring o aktibong pagbabantay ng publiko.

Tinukoy din ng mga grupo ang Bantay Bisto Proyekto, isang inisyatibang isinasagawa katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang organisasyong panlipunan, na naglalayong ilantad sa publiko ang mahahalagang detalye ng mga proyekto, kabilang ang gastos, kontratista, lokasyon, dokumentasyon ng larawan, at mga obserbasyong isinusumite ng mga boluntaryong tagamasid.
Iminungkahi rin nila na ang mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng higit P600 bilyon sa ilalim ng isang executive order ay dapat mapasailalim sa isang multi-sektoral at pinopondohang mekanismo ng citizen monitoring.

Para naman aniya sa “soft pork”, na inilalarawan bilang mga programang may malawak na diskresyon ng mga pulitiko, nanawagan ang mga watchdog na ang P210 bilyong pondo para sa ayuda ay gawing mga programang nakabatay sa karapatan at malinaw na alituntunin.

Ayon sa kanila, ang pagpapatupad ng mga programang ito ay dapat nakabatay sa malawak na konsultasyon sa mga propesyunal sa kalusugan at mga eksperto sa social protection.

Samantala ang P243 billion sa unprogrammed appropriations ay inilarawan nila bilang “shadow pork”, na dapat ma-veto dahil sa anila’y “limited transparency and legislative scrutiny”. (Daris Jose)