• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot na most wanted sa NCRPO, nalambat sa Caloocan

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang kelot na wanted sa kasong statutory rape matapos maaresto ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, ang 26-anyos na akusado ay may nakabinbin na warrant of arrest para sa kasong statutory rape at nakatala bilang No. 6 sa Top Ten Most Wanted Person sa NCRPO.
Nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng akusado, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan CPS ang pagtugis sa kanya.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na alas-11:00 ng umaga nang maaresto ng kanyang mga tauhan ang akusado sa E. Jacinto Dulo, Pagasa, Camarin, Barangay 175.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Family Court (FC) Branch 1, Caloocan City para sa kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang pagsisikap para tugusin ang mga taong pinaghahanap ng batas na nagresulta sa matagumpayna pagkakaaresto sa akusado na pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng Caloocan CPS habang hinihintay ang utos ng korte sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
(Richard Mesa)