MAHIGIT P.4 milyong halaga ng marijuana at high grade marijuana ang nasamsam ng pulisya sa tatlong drug suspects kabilang ang isang itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos madakip sa buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na si alyas “Ren”, 22, (HVI), delivery rider, kanyang live-in partner na si alyas “Ela”, 21, kapwa ng Kalawit St., Brgy., 127, at ang 17-anyos na binatilyo.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na positibo ang natanggap na impormasyon ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng high grade marijuana ni ‘Ren’.
Kaagad bumuo ng team ang SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables saka ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Ren’ sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa kanilang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad pumasok sa loob ng bahay ng mag live-in partner ang mga operatiba ng SDEU at inaresto ang mga suspek dakong alas-7:08 ng gabi.
Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 165.6 grams ng hinihinalang high grade marijuana (kush) na nasa P278,320 ang halaga, nasa 1,986.3 grams ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P238,356, buy bust money na isang tunay na P500 bill at sampung P1,000 boodle money at P250 cash.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng R.A.9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) habang tinurnover naman ang binatilyo sa pangangalaga ng Bahay Kalinga.
Pinuri ni BGen. Dela Cruz si Col. Goforth at kanyang mga tauhan sa kanilang pagsisikap na nagresulta sa matagumpay na operation na dahilan ng pagkakaaresto sa mga suspek. (Richard Mesa)