BAYAD SA REHISTRO NG TOP BOX SA MOTORSIKLO INALIS NA NG LTO
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
TINANGGAL na ng Land Transportation Office (LTO) ang bayad sa registration ng mga custom-made top box at saddle bag na nakakabit sa mga motorcycle, ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Z. Lopez, na may layuning pagaanin ang buhay ng mga rider na gumagamit ng kanilang motorsiklo sa paghahanapbuhay.
Kaugnay nito, nilagdaan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang isang memorandum na nagsasaad na wala nang kokolektahing ₱100 na registration fee sa bawat top box o saddle bag, na ikinakabit sa mga motorsiklo.
Ayon kay Asec. Lacanilao, “Ito ay malaking tulong sa mga rider na umaasa sa kanilang motorsiklo sa kanilang paghahanapbuhay para maalis na ang dagdag na gastusin.”
Sinabi ni Asec. Lacanilao, na “ang patakarang ito ay nakaayon sa 7-Point Policy Agenda ng LTO na nakatutok sa pag-alis ng mga hindi kinakailangang bayarin at pagpapagaan ng pasanin sa pananalapi ng mga mamamayang umaasa sa motorsiklo, na nagbibigay ng ginhawa sa badyet habang pinapanatili pa rin ang mga pamantayan para sa kaligtasan sa kalsada”.
“Bagama’t wala ng bayad, ang pagpaparehistro sa LTO ay mananatili pa rin para sa lahat ng custom-made na top box at saddle bag. Binibigyang-diin ng ahensya na ito ay mahalaga para sa kanilang tungkulin na suriin ang kakayahang tumakbo ng makina, kaligtasan, at kung angkop ang mga sasakyan na may mga karagdagang kagamitan, upang tiyakin na ito ay sumusunod sa mga itinakdang pamantayan ng LTO”, idinagdag pa ni Asec Lacanilao.
“Ang balanseng pamamaraan na ito—pagpapagaan ng pasanin sa pananalapi at pagpapanatili ng regulasyon—ay naglalayong protektahan ang mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada habang sinusuportahan pa rin ang mga pangangailangan ng mga may-ari ng motorsiklo”, saad pa ng LTO Chief.
Hinihikayat ni Asec Lacanilao ang lahat ng mga kaugnay na stakeholder, kabilang ang mga direktor ng rehiyon, mga opisyal ng pagpapatupad ng batas, at mga pinuno ng inspection center, na ganap na ipatupad ang patakaran at tulungan ang mga may-ari ng motorsiklo na makumpleto ang mga proseso ng pagpaparehistro nang walang pagkaantala. (PAUL JOHN REYES)