REP. TIANGCO: CO, ROMUALDEZ DAPAT MANAGOT SA 2025 NATIONAL BUDGET
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
NANAWAGAN si Navotas Representative Toby Tiangco sa publiko na huwag magambala sa kamakailang mga isyu sa Kongreso at tiyakin na sina Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez ang mananagot sa pagsira sa 2025 national budget.
“Tuwang-tuwa siguro sina Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez kasi parang nalilihis na ang isyu at hindi na pinag-uusapan ang korapsyon bunsod ng 2025 national budget,” pahayag ni Tiangco.
Suportado ni Tiangco ang lahat ng mga panawagan para sa transparency ngunit binigyang-diin ang pangangailangang i-renew ang pagtuon sa flood control scandal at kuwestiyonableng insertions sa 2025 badget.
“Yes to transparency pero sana huwag din nating kalimutan na panagutin ang mga sangkot sa isyu ng flood control at insertions sa 2025 national budget,” aniya.
Sinabi ni Tiangco na dapat simulan ng House of Representatives ang taon sa pamamagitan ng pagpapaskil sa opisyal nitong website ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bawat distrito ng kongreso, gayundin ang mga proyektong inendorso ng mga kinatawan ng party-list para sa 2026 GAA, upang maiwasang maulit ang kontrobersyal 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Magiging magandang simula sa bagong taon kung finally, i-publish na ng Kongreso sa aming website ang mga project at mga proponent nito para sa 2026 GAA. Kapag ginawa ito ng kongreso, mawawala ang agam-agam ng mga tao dahil malinaw na makikita kung saan napunta ang budget at kung sino ang nagpanukala nito,” giit ni Tiangco.
“Bukod dito, maibabalik ang focus natin sa pag-imbestiga at pagfile ng kaso sa mga taong sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan,” dagdag niya.
Noong Nobyembre 21, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may inilabas na warrant of arrest para kay Co at sa 17 iba pa, at ang Office of the Ombudsman ay pormal nang nagsampa ng mga kaso batay sa ebidensyang isinumite ng DPWH at ng Independent Commission for Infrastructure.
Humingi na rin aniya ang National Bureau of Investigation sa Interpol ng red notice para tumulong sa pag-aresto kay Co.
(Richard Mesa)