• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 24th, 2025

PBBM, sinimulan nang pakilusin ang kanyang team para rebisahin ang 2026 budget

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINIMULAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagrerebisa sa pagkakaiba sa pagitan ng National Expenditure Program (NEP) at 2026 General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan sa bicameral conference committee,.
Ito ang sinabi ng Malakanyang, isang linggo bago pa ang inaasahang ratipikasyon at turnover ng spending plan mula Kongreso patungo sa Ehekutibong sangay ng pamahalaan.
“As early as now, the President is already mobilizing his team to facilitate the immediate review of all amounts and corresponding provisions agreed in the bi-cam and trace the changes made from the originally submitted National Expenditure Program (NEP),” ayon kay Communications Secretary Dave Gomez sa isang kalatas.
“This thorough review will ensure that taxpayers’ money will be put to good use, contributing to the attainment of societal goals that will be felt by all Filipinos, consistent with his pronouncement in the last State of the Nation Address,” aniya pa rin.
“The President will be spending the holidays working,” pagtiyak ni Gomez.
Nauna rito, hindi pa magiging handa ang 2026 national budget hanggang Pasko, matapos ilipat ng Senado at Kamara de Representantes ang araw para sa pagraratipika ng panukalang badyet.
Sinabi ni Senate finance committee chairperson Sherwin Gatchalian na layunin ngayon ng dalawang kapulungan na iratipika ang P6.7-trilyong spending bill sa Disyembre 29, na isang linggo matapos ang naunang target sa Disyembre 22.
“Based on the time table ng mga staff, baka 28 ang pirmahan and 29 ang ratification kasi ‘yung pagbabalanse, pag-pi-print… kasi we have to reconcile our numbers with theirs. That process alone would take five days,” sinabi ni Gatchalian sa isang ambush interview matapos ang makasaysayang pag-uusap ng bicameral conference committee tungkol sa pambansang badyet nitong Huwebes ng umaga.
Sinabi ni Gatchalian na isinaalang-alang din ng bagong timeline, na ikinonsulta rin kay House appropriations panel chairperson Rep. Mika Suansing, ang Noche Buena at Pasko.
Layunin nilang ipadala ang naratipikahang panukala sa badyet sa Office of the President sa hapon ng Disyembre 29, dagdag niya.
Dahil dito, may dalawang araw lang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para pirmahan ang pambansang badyet para sa 2026 at mag-veto ng mga item, kung kinakailangan.
“Paspasan talaga,” sabi ni Gatchalian.
Sa kabila ng pagmamadali, sinabi ni Suansing na may sapat na oras naman ang ehekutibo para suriing mabuti ang 2026 General Appropriations Bill (GAB).
“Simultaneous na ‘yung finalization ng enrolled bill ng GAB at review ng [Department of Budget Management], so rest assured, the executive has enough time to review the GAB before the President signs it,” paliwanag niya.
Ang pagsasaayos sa naantalang timeline ng badyet ay mangangailangan ng isa pang pagbabago sa kalendaryo ng lehislatura, na plano namang isakatuparan ng parehong kapulungan sa Lunes, ayon kay Suansing.
Sinabi nina Gatchalian at Suansing na tiwala silang walang ibe-veto ang Pangulo sa anumang item sa panukalang pambansang badyet.
Throughout the whole process, very, very close coordination with us and the executive,” ani Suansing.
Ipagbibigay-alam din ng bicameral conference panel sa kani-kanilang ahensiya ang mga pagbabago sa kanilang badyet, dagdag niya.
“So yes we are confident that the President will not veto the budget.”
( Daris Jose)

Driver ni Cabral, cleared sa ngayon; Asal ng mister, maraming ‘red flags’ – DILG chief

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NILINAW ni Interior Secretary Jonvic Remulla na sa ngayon ay wala pang nakikitang pananagutan ang driver ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral kaugnay ng kanyang pagkamatay sa Tuba, Benguet.

Paliwanag ni Sec. Remulla na sumailalim na sa masusing interview ang driver ni Cabral na si Ricardo Muños Hernandez at sinusuri ang kanyang cellphone, at sa ngayon ay “cleared” umano ito sa imbestigasyon.

Sinabi din ng kalihim na ang kumalat na selfie ng driver at ni Cabral, ay kuha umano matapos mangako si Cabral na tutulungan ang driver na makapagpatayo ng bahay.

Sa ngayon, ayon sa mga awtoridad, ang lahat ng ebidensya sa ngayon ay tumuturo sa posibleng anggulo ng suicide.
Samantala, mas umani ng hinala ang naging kilos ng asawa ni Cabral na si Cesar Cabral, na tumangging ipa-autopsy noong una ang labi at hindi umano nagpakita ng matinding pagdadalamhati.

Ayon kay Sec. Remulla, ito ay nagpakita ng maraming red flags lalo’t matagal na umanong may lamat ang relasyon ng mag-asawa.

Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang posibleng ugnayan ng insidente sa mga kontrobersiya sa flood control at infrastructure projects na umano’y kinasangkutan ni Cabral. ( Daris Jose)

Kelot, kulong sa pagbabanta, panunutok ng baril sa Valenzuela

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BALIK kulungan ang 37-anyos na kelot na nakalaya matapos mapiyansa sa kasong pag-iingat ng droga at ilegal na sugal makaraang ireklamo ng panunutok ng baril sa Valenzuela City.
Pinuri ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchailan si Col. Joseph Talento at kanyang mga tauhan sa pagkakaaresto sa suspek na si alyas “Kevin”, na binigyang-diin ang kanilang matatag na dedikasyon at pangako sa kaligtasan ng publiko.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagsasagawa ng Anti Criminality Operation ang mga tauhan ni Col. Talento sa Barangay Marulas nang humahangos na lumapit sa kanila si alyas “Cruz”, 22, at inireklamo ang pananakot at panunutok sa kanya ng baril ng suspek.
Sa halip na buong puwersa ng Valenzuela Police Sub-Station 3 ang magresponde, ang mga naka-sibilyang pulis na sina P/Cpl. Mark Anthony Gachalian at P/Cpl. Ledick Bacuran muna ang nagtungo sa lugar upang hindi mabulabog ang suspek.
Hindi napansin ng suspek na pulis na pala ang dalawang naka-sibilyang lalaki na lumapit sa kanya dakong alas-12:15 ng madaling araw habang naglalakad na nakasukbit ang baril sa baywang sa Barangay Marulas na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakumpisa kay alyas Kevin ang hindi lisensiyadong kalibre .45 STI Edge pistol na may tatlong bala sa magazine matapos magpakilalang mga pulis ang umaresto sa kanya. (Richard Mesa)

Mister, kalaboso sa pag-amok, baril, at droga sa Malabon

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA loob ng selda magdiriwang ng Pasko ang isang senglot na kelot nang makuhanan ng baril at mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang magwala sa Malabon City.

Mahaharap sa kasong Alarms and Scandal, paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si alyas “Boy”, 46.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Allan Umipig, nirespondehan ng kanyang mga tauhan ang natanggap nilang impormasyon mula sa isang concerned citizens hinggil sa isang lasing na lalaki na nanggugulo at lantaran umanong nagyayabang ng baril sa Blk 7, Lot 3, Phase 3A1, Pampano Outpost, Brgy., Longos dakong alas-2:40 ng madaling araw.

Pagdating ng mga tauhan ng Patrol Base 5 sa lugar, inobserbahan ng mga ito ang isang lalaking nagsisigaw at naghahamon ng away na tumutugma sa inilarawan ng concerned citizen.

Nilapitan nila ang lalaki saka tinangkang awatin subalit, ayaw nitong magpaawat na naging dahilan upang arestuhin na siya ng mga pulis.

Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek ang isang kalibre.9mm pistol na may isang magazine na kargado ng pitong bala at isang medium plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 50.41 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P342,788.

Nang hanapan ng kaukulang mga dokumento na nagpapatunay na maari siyang magdala at mag may-ari ng baril ay walang naipakita ang suspek.

Pinuri ni P/BGen. Christopher Dela Cruz, District Director ng Northern Police District ang Malabon CPC para sa kanilang kasipagan at propesyonalismo na binigyang-diin ang matatag nilang dedikasyon at pangako sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)

7 KASO NG PAPUTOK, INIULAT NG DOH

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIULAT ng Department of Health (DOH) ang pitong kaso na may kaugnayan sa paputok o fireworks-related injuries (FWRIs) sa iba’t ibang rehiyon.
Ayon sa DOH, ang datos ay 75 porsiyento na mas mababa kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa isang advisory, 28 FWRIs ang naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang mga kaso, na nairekord ng 62 sentinel hospitals mula Disyembre 21 hanggang 4 ng umaga ng Disyembre 23, ay karamihan ay dahil sa mga ilegal na firecracker, karaniwang Boga at 5-star.
Humigit-kumulang 57 porsiyento ng kabuuang kaso ay 19 taong gulang at pababa, habang 43 porsiyento ay 20 taong gulang at pataas.
Pinapaalalahanan ang publiko na agarang dalhin ang mga biktima sa ospital sakaling magkaroon ng anumang aksidente na may kaugnayan sa firecracker.
Maaari namang tawagan agad ang National Emergency Hotline 911 para sa emergency medical assistance, ayon sa DOH. (Gene Adsuara)

114 pamilyang nasunugan sa Navotas, magpa-Pasko sa evacuation center

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA evacuation center na magdiriwang ng Pasko ang may 114 na pamilyang nawalan ng tirahan sa malaking sunog na tumupok sa mahigit 80-kabahayan sa Navotas City, Linggo ng gabi.
Batay sa ulat, sumiklab ang sunog alas-11:15 ng gabi sa Tambak 2 Street, Brgy Tanza 2 na mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials kaya’t itinaas kaagad sa ika-apat na alarma dakong alas-11:58.
Mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Fire Volunteers na nagtulung-tulong sa pag-apula ng
sunog na ideklarang kontrolado alas-12:53 ng hating gabi.
Labis ang paghihinagpis ng maraming residente dahil wala silang naisalbang gamit bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy na hinihinalang sanhi ng hindi maayos na koneksiyon ng kuryente.
Nagtungo naman sa lugar si Mayor John Rey Tiangco at inatasan ang mga opisyal ng kaukulang departamento na tulungang ilikas ang mga nasunugan sa Tanza National High School upang doon makatanggap kaagad ng kaukulang tulong.
Personal din na binisita ni Congressman Toby Tiangco para kamustahin ang kalagayan ng mga nasunugan na kasalukuyang nasa evacuation center sa Tanza National High School.
Dakong ala-1:33 ng Lunes ng madaling araw nang tuluyang naapula ang apoy habang wala namang iniulat na nasawi sa naturang sunog at inaalam pa ang halaga ng natupok na mga ari-arian.
Paalala ni Mayor Tiangco, habang abala aniya tayo sa mga pagdiriwang, mag-iingat din po tayo para maiwasan ang mga sakunang tulad nito.
(Richard Mesa)

Pulis, at suspek sugatan sa drug operation sa Caloocan

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SUGATAN ang isang pulis matapos makipag-agawan sa hawak na baril ng nasugatan ding suspect sa isang drug operation Martes ng umaga sa Caloocan City.

Kapuwa isinugod sa Caloocan City Medical Center sina P/Cpl. Robinson Oya, 37, nakatalaga sa East Grace Park Police Sub-Station-2 at suspek na si alyas “Joboy”, 32, residente ng BMBA Compound, Brgy. 120, na parehong nasa ligtas ng kalagayan matapos magtamo lamang ng minor injuries.

Sa ulat na ipinarating ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagtungo ang mga tauhan ng Sub-Station 2 sa BMBA Compound dakong alas-10:15 ng umaga matapos makatanggal ng impormasyon sa nagaganap na ilegal na drug transaction sa lugar.

Pagdating dito, naispatan ni Oya ang suspek habang tinatanggap ang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu kaya’t palihim siyang lumapit para dakpin ang dalawa subalit nakatunog si alyas Joboy na agad bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis.

Masuwerteng hindi tinamaan si Oya kaya’t sinunggaban niya kaagad ang baril ng suspek at sa kanilang pag-aagawan, tatlong beses itong pumutok kaya’t pareho silang nahagip ng bala hanggang tumulong na ang iba pang pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. Nakatakas naman ang ka-transaksiyon ni alyas Joboy na sinamantala ang pag-aagawan sa baril ng dalawa.

Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang isang kalibre .22 na revolver na kargado pa ng isang bala at tatlong basyo sa chamber habang nasamsam din sa kanya ang tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. (Richard Mesa)

LTFRB, NAGBABALA SA MGA DRIVER AT OPERATOR LABAN SA PAGGAMIT NG PEKENG PAs AT CPCs

Posted on: December 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, sa mga driver at operator laban sa paggamit ng pekeng Provisional Authority (PA) at Certificate of Public Conveyance (CPC) matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagdami nito lalo na sa mga probinsya.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa iba pang law enforcement agencies para magsagawa ng random document checking sa mga public utility vehicles (PUVs), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran para sa kaligtasan sa kalsada at kapakanan ng mga komyuter.

“Nakakatanggap kami ng mga ulat tungkol sa pekeng PA at CPC at isa ito sa mga bagay na tinututukan namin, kabilang ang paggamit ng teknolohiya sa pamamagitan ng digitalization bukod pa sa mas pinaigting na law enforcement na ginagawa na natin nitong mga nakaraang buwan,” ani Chairperson Mendoza.

“Kaya’t binabalaan namin ang mga sangkot sa ilegal na gawaing ito na tumigil na at gawin ang tama. Dahil kapag nahuli namin kayo, tiyak na magsisisi kayo dahil katakot-takot na kaso ang isasampa namin laban sa inyo”, dagdag pa ni Mendoza.

Ibinahagi rin ni Mendoza ang kaso ng isang transport company na ginamit ng ilang mapagsamantalang may-ari ng sasakyan ang PA para sa kanilang ilegal na operasyon. Sa paunang imbestigasyon, napatunayang pekeng PA ito dahil ang nakapirmang si Joshua Viray ay hindi na konektado sa ahensya.

Patuloy ang imbestigasyon at tiniyak ni Mendoza na hahabulin ang mga sangkot, ipinaliwanag pa niya na ang paggamit ng pekeng PA at CPC ay mas mabigat kaysa sa colorum dahil ito ay may kasamang panlilinlang at pamemeke ng dokumento.

Kasama sa anti-colorum operations ang pag-impound ng mga sasakyan, at kasalukuyang nakikipagpulong ang LTFRB at DOTr sa Department of Justice upang mas palakasin pa ang kampanya laban sa colorum. Bukod sa pagtatalaga sa korte bilang tanging entidad na maaaring magpalabas ng impounded vehicle, isinusulong din ng LTFRB ang agarang pagkakakulong ng mga mahuhuli.

Para sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC, sinabi ni Mendoza na may karagdagang kaso at multa dahil ito ay may kinalaman sa pamemeke ng pampublikong dokumento.

“Nakikipagpulong na kami sa iba’t ibang stakeholders, kabilang ang mga transport groups, upang mas paigtingin ang pag-uulat laban sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC, Dapat itong maging sama-samang pagkilos ng pamahalaan, sektor ng transportasyon, at mga stakeholders dahil ang nakataya dito ay ang kaligtasan ng mga komyuter, ang kabutihan ng ating transport system, at ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.” ani Mendoza.

Tiniyak din ni Chairperson Mendoza ang pagpapabilis ng aksyon laban sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC.
(PAUL JOHN REYES)