• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, kulong sa pagbabanta, panunutok ng baril sa Valenzuela

BALIK kulungan ang 37-anyos na kelot na nakalaya matapos mapiyansa sa kasong pag-iingat ng droga at ilegal na sugal makaraang ireklamo ng panunutok ng baril sa Valenzuela City.
Pinuri ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchailan si Col. Joseph Talento at kanyang mga tauhan sa pagkakaaresto sa suspek na si alyas “Kevin”, na binigyang-diin ang kanilang matatag na dedikasyon at pangako sa kaligtasan ng publiko.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagsasagawa ng Anti Criminality Operation ang mga tauhan ni Col. Talento sa Barangay Marulas nang humahangos na lumapit sa kanila si alyas “Cruz”, 22, at inireklamo ang pananakot at panunutok sa kanya ng baril ng suspek.
Sa halip na buong puwersa ng Valenzuela Police Sub-Station 3 ang magresponde, ang mga naka-sibilyang pulis na sina P/Cpl. Mark Anthony Gachalian at P/Cpl. Ledick Bacuran muna ang nagtungo sa lugar upang hindi mabulabog ang suspek.
Hindi napansin ng suspek na pulis na pala ang dalawang naka-sibilyang lalaki na lumapit sa kanya dakong alas-12:15 ng madaling araw habang naglalakad na nakasukbit ang baril sa baywang sa Barangay Marulas na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakumpisa kay alyas Kevin ang hindi lisensiyadong kalibre .45 STI Edge pistol na may tatlong bala sa magazine matapos magpakilalang mga pulis ang umaresto sa kanya. (Richard Mesa)