• June 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 26th, 2025

PBMM, NANGAKO NG MAS MATIBAY NA SUPORTA PARA SA MGA MAKABAGONG PROYEKTO SA RENEWABLE ENERGY

Posted on: November 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes na mas palalakasin pa ng pamahalaan ang suporta para sa mga proyekto sa renewable energy at clean technology sa bansa.

Ipinahayag ito ng Pangulo matapos bisitahin ang NING*NING 6.55-Megawatt Peak Solar Rooftop Power Facility sa Pasinaya Homes sa Naic, Cavite — kinikilalang kauna-unahang grid-connected, utility-scale solar rooftop project sa mundo na matatagpuan sa loob ng isang socialized housing community.

“It is an initiative that is a monumental one as it lights up homes and the path forward to the country’s energy transition,” sinabi ng Pangulo.

Ang NING*NING Project ay naglagay ng mga solar panel sa bubong ng 1,986 na kabahayan, na nagbibigay-daan upang sama-sama silang makapag-generate ng malinis na enerhiya.

Binigyang-diin ng Pangulo na bukod sa pagkakaroon ng solar power, ang proyekto ay lumilikha rin ng kita na makatutulong sa pagpapanatili ng mga serbisyo ng komunidad tulad ng pagkukumpuni ng bubong, street lighting, waste management, shared solar facilities, at mga training program para sa mga residente.

“In other words, the energy produced here will power a better life for the people who live in this community,” ayon sa Pangulo.

“Because although there are advantages, there are benefits to those living in this community, there is also the benefit to the grid because you are providing additional power, which we all know is something that we need.”

Pinuri rin ng Pangulo ang proyekto sa mahusay nitong paggamit ng mga existing na bubong, na hindi gumagamit ng lupang sakahan, hindi nakakasira ng kabuhayan, at hindi nagsasayang ng anumang lupa.

Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahang makababawas ang proyekto ng mahigit 6,233 metric tons ng carbon dioxide emissions bawat taon — na katumbas ng pag-alis ng halos 1,000 sasakyan sa mga kalsada.

Sinabi rin ng Pangulo na ang makabagong inisyatiba ng proyekto ay kinilala na sa buong mundo, matapos nitong magwagi ng Gold Award para sa ESG Integration Excellence at Silver Award para sa Sustainable Renewable Energy Initiative of the Year sa Asian Power Awards 2025.

Binati ni Pangulong Marcos ang Solaris Inc., ang solar energy arm ng Joy-Nostalg Group, at ang development arm nito na Raemulan Lands — ang mga kumpanyang nasa likod ng proyekto — kasama ang kanilang mga katuwang, sa pagpapakita ng galing at talino ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.

“I believe that this community in Naic is just the beginning… Imagine what we can do if we replicate this sort of effort in neighboring communities and, later on, the rest of the country,” ayon sa Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang mas malapit na pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga lokal na komunidad ay napakahalaga upang mapalawak ang mga inisyatiba sa renewable energy sa buong bansa, lalo na sa harap ng mga hamon ng climate change.

“Kailangan natin ng tulong ng bawat komunidad, bawat pamilya, bawat Pilipino,” dagdag pa ng Pangulo.

Tiniyak din ng Pangulo na patuloy na pagbubutihin ng administrasyon ang mga proseso upang higit pang isulong, suportahan, at pabilisin ang pagbuo ng mga makabago at makalikasang renewable energy projects.

“Indeed, our collaboration demonstrates what can be achieved when the government, private sector, and communities work together to create sustainable solutions,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Muli, sama-sama po tayong magsikap upang makamit ang isang mas maganda at maliwanag na kinabukasang mamanahin at ipagmamalaki ng ating mga anak,” ayon sa konklusyon ng Punong Ehekutibo. (Daris Jose)

8 SABIT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, KALABOSO NA

Posted on: November 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAARESTO na ang walo sa 16 katao na sangkot sa flood control scandal, batay sa pahayag ng Department of the Interior and Local Government.

Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na dinala na sa kulungan ang mga nasakote na kinabibilangan nina Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa chief Gerald Pacanan, gayundin sina Gene Ryan Althea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Juliet Calvo, Lerma Cayco, at Dennis Abagon.

Ang mga ito ay itinurn-over na sa Sandiganbayan nitong Lunes at kasalukuyan nang isinasailalim sa ­booking procedures. Dedesisyunan na rin ng Sandiganbayan ang commitment orders laban sa mga akusado.

Ayon kay Remulla, mas mainam na magsisuko na ang iba pang sangkot sa naturang anomalya dahil maaaresto rin sila ng mga operatiba ng gobyerno.

“We have to make this clear that no matter where you are in the world, we will find you. If you are at large, we will find you. If you are hiding in the Philippines, we will find you,” pahayag ni Remulla.

Ilan pa sa patuloy na pinaghahanap ng batas sina dating Ako Bicol Rep Zaldy Co, Timojen Sacar, Montrexis Tamayo, Aderma Angelie Alcazar, Cesar Buenaventura, Consuelo Aldon, Noel Cao, at Anthony Ngo.

Sinabi ni Remulla na wala pa silang alam ng eksaktong pinagtataguan ni Co at maaaring gumagamit ito ng ibang passport at pangalan kayat ito aniya ang kanilang binubusisi ngayon.

“The Interpol blue notice is out. Now that we have…the arrest warrant, the red notice can be out and we will further determine kung nasaan talaga siya,” dagdag ni Remulla.

Sinabi ni Remulla na ang mga Sunwest executives na si Alcazar ay pinaniniwalaang nasa New Zealand, habang si Buenaventura ay pinaniniwalaang nasa at New York habang si Tamayo ay pinaniniwalaang nasa Jordan.

Ipinaalala ng DILG na may parusa ring igagawad sa mga taong kumukupkop sa mga pinaghahanap ng batas. (Daris Jose)

MMDA maglalagay ng walkway sa DICT’s Studio 7 at hanggang istasyon ng MRT 3 Kamuning

Posted on: November 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGKASAMA ang ahensiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Information and Communications (DICT) na maglalagay ng nasabing walkway at canopy.

Ang nasabing walkway at canopy ay ilalagay at magdudugtong sa DICT’s Studio 7 at istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) sa Kamuning, EDSA, lungsod ng Quezon.

“The proposed canopy and walkway aim to enhance and speed up pedestrian access from buildings near EDSA, including the Filinvest Towers to the MRT Kamuning Station,” wika ni MMDA chairman Don Artes

Ang nasabing pagtatayo ng walkway at canopy ay dahil nakita ng 2 ahensiya na ang mga pasahero ay nahihirapan pag umuulan kung kaya’t nagkusa ang 2 sangay ng pamahalaan na pamunuan na ang paglalagay nito upang masiguro na mabibigyan ng proteksyon ang mga pasahero pag sila ay naglalakad sa nasabing lugar.

Si DICT usec Heherson Asiddao ang nagpresinta ng desinyo ng nasabing canopy at walkway na gagawin na magsisimula sa Studio 7 at dadaan sa Victoria Sports Tower, Pag-Ibig Fund building hanggang SMDC building.

Dagdag pa ni Artes na walang magiging problema sa paglalagay at pagtatayo nito hanggang walang mangyayaring pagtututol ang mga iba’t ibang stakeholders na dadaanan ng walkway.

“The structure will not obstruct motorists because the canopy will be buildt along the sidewalk,” saad ni Asiddao.

Nagkaron ng isang pagpupulong ang 2 ahensiya kasama ang mga opisyal ng MMDA at DICT na ginawa sa tanggapan ng MMDA sa lungsod ng Pasig. Naging matagumpay naman ang nasabing pagpupulong. LASACMAR

LTO, naglabas ng SCO at preventive suspension matapos ang viral na insidente sangkot ang 1 GSM taxi

Posted on: November 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

AGAD na kumilos ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sa paglalabas ng Show Cause Order (SCO) at preventative suspension sa rehistradong may-ari at drayber ng isang Green and Smart Mobility Philippines Inc. (GSM) taxi, kasunod ng isang viral na video sa Facebook account na “Las Pinas Update” sa isang insidente sa Alabang-Zapote Road (Molito area) noong Nobyembre 22, 2025.

Ang nasabing taxi ay hinabol at pinaligiran ng mga concern citizen matapos na ang drayber nito ay banggain ang isang sasakyan at mga taong nakatayo sa nabanggit na lugar sa Las Piñas City at tumakas.

Inatasan ng LTO ang owner ng GSM at ang drayber nito na humarap sa LTO-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) sa Quezon City sa Nobyembre 26, 2025. Kailangan nilang magsumite ng paliwanag sa mga paglabag sa Reckless Driving at Duty of Driver in Case of Accident, at bigyang-katwiran kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang lisensya ng drayber.

Kaugnay nito, sinuspinde ng siyamnapung (90) araw ang lisensya ng driver, at inilagay sa “ALARM” status sasakyan upang maiwasan ang mga transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay Asec Lacanilao, “Tinitiyak ng LTO na ang mga kalsada ay ligtas at ang mga motorista ay mananagot sa kanilang mga aksyon. Hindi namin kukunsintihin ang mga pag-uugaling naglalagay sa peligro sa buhay ng ating mga mamamayan. Ang kasong ito ay isang babala na ang mga iresponsableng gawain sa kalsada ay mayroong mabigat na parusa.”

Binigyang-diin ng LTO na ang pagkabigong sumunod sa SCO ay nangangahulugang isinusuko na nila ang kanilang karapatang marinig, at ang kaso ay pagpapasyahan batay sa mga magagamit na ebidensya.

(PAUL JOHN REYES)

Universal social pension bill ng senior citizens inihain

Posted on: November 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISANG panukalang batas ang inihain ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos na naglalayong magbigay ng universal social pension o para sa lahat ng senior citizens sa bansa, anuman ang kalagayan sa buhay at hindi limitado sa indigents.

Sa kanyang House Bill No. 1296, o “Universal Social Pension Act,” iminungkahi ni Santos ang pag-amyenda sa Republic Act No. 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010) upang alisin ang indigency requirement na kasaluku­yang naglilimita sa mga maaaring makatanggap ng buwanang pensyon ng gobyerno.

Ayon sa panukala, tanging mga indigent seniors—yaong walang regular na pinagkakakitaan o sapat na suporta—lamang ang tumatanggap ng ?1,000 buwanang stipend mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nakasaad din sa panukala na ang pagpapatupad, pamamahagi, at pamamahala ng social pension program ay ­ililipat mula sa DSWD patungo sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), alinsunod sa Section 11 ng Republic Act No. 7742 na inamyendahan ng Republic Act No. 11350, sa loob ng hindi hihigit sa dalawang taon mula sa pagkapasa ng batas.

Binigyang-diin ni Santos na mas vulnerable sa karamdaman, gastusing medikal, at mataas na cost of living ang mga senior citizens, dahilan upang mas madali silang malugmok sa kahirapan.

Layunin ng panukala ni Santos na maipagkaloob ang pensyon sa lahat ng Pilipinong may edad 60 pataas, at itaas ang halaga nito alinsunod sa inflation at tumataas na gastos sa pamumuhay.

Ads November 26, 2025

Posted on: November 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments