• June 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, naglabas ng SCO at preventive suspension matapos ang viral na insidente sangkot ang 1 GSM taxi

AGAD na kumilos ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sa paglalabas ng Show Cause Order (SCO) at preventative suspension sa rehistradong may-ari at drayber ng isang Green and Smart Mobility Philippines Inc. (GSM) taxi, kasunod ng isang viral na video sa Facebook account na “Las Pinas Update” sa isang insidente sa Alabang-Zapote Road (Molito area) noong Nobyembre 22, 2025.

Ang nasabing taxi ay hinabol at pinaligiran ng mga concern citizen matapos na ang drayber nito ay banggain ang isang sasakyan at mga taong nakatayo sa nabanggit na lugar sa Las Piñas City at tumakas.

Inatasan ng LTO ang owner ng GSM at ang drayber nito na humarap sa LTO-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) sa Quezon City sa Nobyembre 26, 2025. Kailangan nilang magsumite ng paliwanag sa mga paglabag sa Reckless Driving at Duty of Driver in Case of Accident, at bigyang-katwiran kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang lisensya ng drayber.

Kaugnay nito, sinuspinde ng siyamnapung (90) araw ang lisensya ng driver, at inilagay sa “ALARM” status sasakyan upang maiwasan ang mga transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay Asec Lacanilao, “Tinitiyak ng LTO na ang mga kalsada ay ligtas at ang mga motorista ay mananagot sa kanilang mga aksyon. Hindi namin kukunsintihin ang mga pag-uugaling naglalagay sa peligro sa buhay ng ating mga mamamayan. Ang kasong ito ay isang babala na ang mga iresponsableng gawain sa kalsada ay mayroong mabigat na parusa.”

Binigyang-diin ng LTO na ang pagkabigong sumunod sa SCO ay nangangahulugang isinusuko na nila ang kanilang karapatang marinig, at ang kaso ay pagpapasyahan batay sa mga magagamit na ebidensya.

(PAUL JOHN REYES)