• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April, 2021

‘Very rare adverse effect’: AstraZeneca vaccine, ligtas pa rin iturok sa mga Pilipino – FDA

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nanindigan ang Food and Drug Administration (FDA) na ligtas pa rin ang COVID-19 vaccine ng kompanyang AstraZeneca.

 

 

Ito ay sa kabila ng desisyon na pansamantalang pagsususpinde sa paggamit ng naturang bakuna.

 

 

“It’s (still) a useful vaccine,” ani FDA director general Eric Domingo.

 

 

Nitong Miyerkules nang kilalanin ng European Medicines Agency (EMA) ang posibleng pagkaka-ugnay ng mga kaso ng blood clotting at mababang platelet count sa ilang nabakunahan ng AstraZeneca.

 

 

Pero nilinaw din ng ahensya na “very rare adverse effect” lang ang mga kaso at ligtas pa rin itong gamitin sa tao.

 

 

“Of course at the same time reiterating that the benefit still outweighs the risk.”

 

 

Nakausap na raw ng FDA ang mga opisyal ng AstraZeneca at nangakong ilalagay sa label ng kanilang bakuna ang blood clotting at mababang platelet count bilang “very rare adverse effect.”

 

 

Ayon kay Domingo, naipaalam na nila sa Department of Health at mga vaccinators ang bagong impormasyon tungkol sa indikasyon ng AstraZeneca vaccine.

 

 

“Tamang-tama mauubos na kasi yung ating AstraZeneca first batch. So its a good time for us to take a pause and take a look at this para before we deploy the next batch, ready tayo.”

 

 

Nilinaw ng FDA chief na pwede pa ring gamitin ang mga natitirang doses ng bakuna sa senior citizen.

 

 

Ito’y dahil limitado sa mga may edad 59-years old pababa ang ebidensya ng mga kaso, at ang ipinatupad na suspensyon.

 

 

“Sila yung at highest risk of getting and dying for COVID-19. Pwede naman natin ubusin yung mga natitirang doses sa kanila.”

 

 

Sa susunod na linggo raw posibleng maglabas ng bagong patakaran ang FDA sa pagbabakuna ng AstraZeneca.

 

 

Kailangan lang daw nilang makausap muna ang National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) at World Health Organization (WHO).

 

 

Una nang sinabi ng Department of Health na may inaasahang dagdag na supply ng AstraZeneca vaccines ngayong buwan mula sa COVAX Facility.

 

 

“Para by the time bago natin ma-deploy yun, kung mayroon tayong pagbabagong advise sa mga pasyente na babakunahan, ready na tayo sa ating mga bagong guidance at information.”

Batas na naglalayong gawing kriminal ang nagre-red-tagging, labis na nakababahala at mapanganib para sa bansa

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng isang opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na ang Senate bill na naglalayong parusahan ang red-tagging ay gagamitin lamang para patahimikin o busalan ang mga nagsisiwalat sa mga nagsisilbing legal fronts ng communist rebels.

 

Ayon kay NTF-ELCAC Spokesperson Undersecretary Lorraine Badoy na ang nasabing batas na naglalayong gawing kriminal ang nagre- red-tagging ay labis na nakababahala at mapanganib para sa bansa.

 

“This is precisely why the CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines -New People’s Army- National Democratic Front) have been able to abuse and cause suffering of our people precisely because of legal covers,” ayon kay Badoy.

 

Ayon sa Oxford Living Dictionary, ang “red-tagging” o red-baiting ay panliligalig o pag-uusig ng isang tao dahil sa “kilala o pinaghihinalaang simpatya sa komunismo.”

 

Kadalasan na nare-red-tagged ay inaakusahan din ng destabilization attempts laban sa pamahalaan.

 

Nauna rito, isang panukalang batas ang inihain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na magbibigay depinisyon o pakahulugan sa ‘red-tagging’ at magtatakda dito bilang isang criminal activity.

 

Sinagot naman n Senate President Vicente Sotto III ang mga pahayag ni Badoy kung saan ay sinabi nito na “Then she had better talk to NICA and tell their head to refrain from including the Senate in that practice. Otherwise I will support it.”

 

Tinukoy ni Sotto ang National Intelligence Coordinating Agency’s red-tagging sa unyon ng mga empleyado ng Senado, isang hakbang na naging dahilan para kay Senador Sotto na suportahan ang nasabing batas.

 

Sa naging pahayag naman ni Badoy, sinabi nito na “there is no such thing as red-tagging.”

 

“How is it possible that our own legislators ignore what the Court of Appeals and the Supreme Court have already made clear: that there is no such thing as ‘Redtagging’ because there is no danger to life, liberty and security when someone is identified as ‘member of the CPP NPA NDF’?” anito.

 

“That’s why it is worrisome that our senators, themselves, are using a word that our Supreme Court, the highest court of the land, said it doesn’t exist.  There is no such thing, this is a weapon used by CPP-NPA-NDF to silence those who blow the cover of the legal fronts,” dagdag na pahayag ni Badoy.

 

Ang naging sagot naman ni Drilon ay iimbitahan niya ang NTF-ELCAC official sa committee hearing para bigyan siya ng pagkakataon na ihayag ang kanyang saloobin.

 

“We seek to punish Red-tagging because it is worrisome and dangerous. It has a chilling effect. I will invite Usec. Badoy to appear during the committee hearing on this bill, as I am certain that there are strongly held contrary views. That will give her the chance to support her opposition to the bill,” ani Drilon.

 

Ani Badoy, umaasa ang NTF-ELCAC na titingnan ng Senate inquiry ang sinasabing “infiltration” ng communist rebels sa pamahalaan.

 

“It is really high time that we talk about it. The opportunity has presented itself. We really hope this Senate hearing into infiltration of the government by the CPP-NDF pushes through,” aniya pa rin.

 

Para naman kay Senator Panfilo Lacson, mayroon ng mga batas para tugunan ang red-tagging, subalit hindi naman maaaring pagbawalan ang isang senador na maghain ng batas na magpaparusa sa nasabing pagkilos.

 

“The defense committee’s recommendation as adopted by the senate in plenary is that there are sufficient laws and even legal procedures available to address red-tagging or any similar act,” ayon kay Lacson.

 

“However, we cannot also prevent any senator from filing any bill which will be read and referred to an appropriate committee. My position as Chairman of the Committee on Defense, Security, Peace and Unification doesn’t change—there is no need to criminalize red-tagging for reasons I have already stated,” dagdag na pahayag ng senador. (Daris Jose)

ECQ ngayon, walang mass gatherings- Sec. Roque

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

NIRESBAKAN ng Malakanyang ang mga kritikong naghahanap kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at nagtatanong kung bakit wala itong public event ngayong Araw ng Kagitingan.

 

Giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nasa ilalim ang NCR sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan ay hindi hinihikayat ang mass gatherings.

 

“The President’s critics are asking why President Rodrigo Duterte has no public event to commemorate Araw ng Kagitingan. Lest they forget, we are under community quarantine, where gatherings are not encouraged,” ani Sec. Roque.

 

Idagdag pa na mataas ang aktibong kaso ng COVID-19 kung saan ay kailangan na tiyakin na hindi lamang ang kaligtasan ng Pangulo kundi maging ang physical well-being ng mga staff at security na “in charge” sa koordinasyon at preparasyon ng presidential engagement o event.

 

Hinggil naman sa sinasabi ng iba at kumakalat sa social media na photoshopped ang kuhang larawan ng Pangulo kasama si Senador Bong Go ay sinabi ni Sec. Roque na ang mga nag-iingay na ito ay ang mga “usual detractors” ng Punong Ehekutibo na walang nakikitang maganda sa nagagawa ng Chief Executive.

 

“Let them be,” ayon kay Sec. Roque

 

Nauna rito, pinaalalahanan naman ni Senador Bong Go ang mga kritiko ng Pangulo na naghahanap dito na “sa mga may masasamang Hangarin, Wag muna kayo mag celebrate!! Nandito lang si Tatay Digong. Tambak ang trabaho.”

 

Tugon ito ng Senador sa naglutangang espekulasyon sa social media na na-mild heart attack si Pangulong Rodrigo Roa Duterte bunsod na rin ng hindi natuloy na Talk to the People nito noong Lunes at dapat sana’y kahapon, Miyerkules ng gabi.

 

Pinatunayan kasi ni Senador Go sa kanyang Facebook post na maayos ang kalagayan ng Pangulo.

 

Ibinahagi nito ang ilan sa mga larawan kasama ang Chief Executive kung saan makikita ang tambak na paperwork nito dito sa Maynila.

 

Inilarawan pa ni Go ang suot nitong kulay dilaw na t-shirt na “associated” sa dating ruling Liberal Party.

 

“Hindi ito ang panahon ng pagsisisihan kundi panahon ng Pagtutulungan. Suot ko damit kong dilaw pero DU30 yan!!!” aniya pa rin.

 

Nauna rito, gustong makasiguro ng Malakanyang na hindi mako- kompromiso ang seguridad at kaligtasan ni Pangulong Duterte laban sa Covid-19.

 

Sinabi ni Go na nagpasyang ipagpaliban na muna ang talk to the people ng Chief Executive makaraang marami sa mga tauhan ng Presidential Security Group ang nag positibo sa Covid 19.

 

Hindi naman masabi ni Go ang eksaktong bilang ng psg personnel na nagpositibo sa Covid 19.

 

Siniguro naman ni Go na wala sa mga PSG personnel  na ito ang nagkaroon ng direktang kontak sa Punong Ehekutibo.

 

Nais lamang aniya nilang makasiguro na wala munang magiging exposure ang Pangulo sa maraming PSG personnel.

 

Samantala, wala naman dapat na ipag alala ang publiko sa kalusugan ng Pangulo dahil  “all is well” aniya ito,  nasa mabuting kalagayan ang kalusugan at wala namang nararanasang anumang sintomas.

 

Sa katunayan ay nasa bahay lamang ang Pangulo sa Malakanyang  at hindi muna makauuwi sa Davao City dahil nasa nananatiling nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang NCR Plus. (Daris Jose)

605 Bulakenyong health worker, nakakumpleto na ng dalawang dose ng bakuna

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS– May kabuuang bilang na 605 Bulakenyong health worker ang nabakunahan na ng dalawang dose ng bakuna para sa Coronavirus na magbibigay sa kanila ng proteksyon laban sa malubhang sintomas mula sa nakamamatay na sakit; habang 22,603 Bulakenyo ang naturukan na ng kanilang unang dose ng bakuna.

 

 

Ayon sa ulat ni Dr. Hjordis Marushka Celis, Provincial Health Officer II at Cluster Head ng Response Operations Cluster, sa ginanap na Provincial Task Force on COVID-19 meeting sa pamamagitan ng Zoom application kagabi, tumanggap na ang lalawigan ng Bulacan ng 38,849 doses ng bakuna para sa unang dose kung saan 18,430 ang AstraZeneca at 19,949 ang CoronaVac mula sa Sinovac Biotech; at 18,900 doses ng bakuna ng Sinovac para sa second dose.

 

 

Gayundin, iniulat ni Dr. Celis na nakapagsagawa na ang mga laboratoryo ng COVID-19 sa lalawigan ng 70,561 swab tests kung saan 16% ang positivity rate o 11,083.

 

 

Para sa kanyang direktiba na ipinalabas nang live sa kanyang Facebook page, nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa kanyang mga kapwa lingkod bayan na maging mapanuri sa pinanggagalingan ng tamang impormasyon para sa kapakinabangan ng lahat ng Bulakenyo.

 

 

“Mahalaga po sa ating laban sa COVID-19 na labanan din natin ang maling impormasyon. Magtulungan na lamang po tayo at magkaisa imbes na magbatikusan tayo. Sa halip na pag-uusig sa kapwa, magdamayan tayo upang sama-sama nating malagpasan ang laban nating ito,” anang gobernador.

 

 

Nilinaw din niya ang ilang paratang na hindi naglaan ng pondo ang Pamahalaang Panlalawigan para sa paunang order ng bakuna at sinabi na sinunod niya ang payo ng pamahalaang nasyunal na gugulin ang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan sa ibang proyekto dahil mayroon na silang nakalaang pondo para sa pagbabakuna ng 70% ng populasyon ng Pilipinas upang makabuo ng herd immunity.

 

 

“Makakatulong po ba na itali ang public funds sa advance order na maaaring milyong piso ang aabutin samantalang may alokasyon naman ang pamahalaang nasyunal? Mismong national government ang nagsabi, baka masayang ang pondo ninyo diyan,” dagdag pa ng gobernador.

 

 

Noong Abril 7, 2021, mayroong naitala na 3,707 kabuuang bilang ng aktibong kaso ang Lalawigan ng Bulacan kabilang ang 165 fresh cases, 44 late cases, 333 bagong kumpirmadong paggaling, at 7 bagong kumpirmadong pagkamatay. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Pakikipag- ugnayan sa One Hospital Command Center, importante – Malakanyang

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

HINIMOK ng Malakanyang ang mga mamamayan na lalo na ang mga nangangailangang magdala ng kanilang mga kaanak sa ospital na dumulog sa One Hospital Command Center.

 

Ang paghikayat na ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay bunsod ng marami na aniya talagang punong mga ospital at sadyang mahirap maghanap ng pagamutang maaaring pagdalhan sa isang tinaman ng COVID.

 

Naniniwala si Sec. Roque na makatutulong kung makatawag sa One Hospital Command Center dahil ito ang makapagsasabi kung saan pang ospital may bakante at pwedeng pagdalhan sa isang suspected COVID patient.

 

“Makakatulong po siguro kung tatawag tayo po sa One Hospital Command Center. Kasi doon po kapag tumawag kayo doon, sasabihin na nila kung saan kayo pupuwedeng pumunta.

 

Kung puno na nga po sa Metro Manila, iri-refer nila kayo sa mga ospital sa mga karatig na probinsiya ‘no. Pero kung kayo po ay mag-o-ospital-ospital, mahihirapan po talaga kayo dahil talagang marami na pong puno dahil ang mga pribadong ospital po ay up to 20% lang po naman ang kanilang COVID bed capacity ‘no. So tumawag po tayo sa One Hospital Command Center,” lahad ni Sec. Roque.

 

Kaugnay nito’y una ng sinabi ni Roque na nakahanda siyang makipag- ugnayan muli sa mga telecom companies para sa dagdag sanang linya para sa One Hospital Command dahil na din sa dami ng tumatawag dito.

 

Dito sa NCR as of April 6, nasa 79% na ang okupadong mga ICU beds habang 72% nang okupado ang mga isolation beds, 60% na ang occupancy sa ward beds habang ang mga ventilators ay nasa 61% na ang utilization rate.

 

“Sa buong Pilipinas, ang ating ICU beds po ay 61% utilized; ang isolation beds natin ay 47% utilized; ang ward beds ay 51% utilized; at ang ating ventilators ay 43% utilized,” aniya pa rin. (Daris Jose)

Mga naliliitan sa P1k ayuda ng gobyerno na ipinamamahagi ngayong panahon ng ECQ, pinatulan ng Malakanyang

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

TILA ipinamukha ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga kritiko ng gobyernong Duterte na hindi lang naman panahon ng ECQ naglalabas ng tulong ang gobyerno sa mga pamilyang patuloy na naaapektuhan ng pandemya.

 

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa gitna ng mga nagsasabing hindi raw sapat ang isanlibong pisong amelioration assistance sa bawat indibidwal o apat na libong piso para sa bawat pamilyang Pilipino na nasa ilalim ng ECQ.

 

Aniya, nandyan naman ang DSWD na patuloy na nagpapatupad ng regular social welfare services nito kagaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.

 

Sinabi pa ni Sec. Roque na tumutugon din ito sa pangangailangan ng mga mahihirap na Filipino gaya ng medical, burial, transportation assistance at iba pa.

 

Bukod dito, mayroon din aniya na resource augmentation mula naman sa LGU para sa mga family food packs habang naririyan din ang 4Ps.

 

“Sa mga nagsasabi na hindi raw sapat ang isanlibong pisong amelioration assistance bawat indibidwal or 4,000 pesos bawat pamilyang Pilipino, patuloy ang DSWD na nag-i-implement po ng mga regular social welfare services nito kagaya ng AICS, iyong Assistance to Individuals in Crisis Situation, para tumugon sa iba pa pong mga pangangailangan ng mga kababayan nating mahihirap gaya ng medical, burial, transportation assistance at iba pa,” ayon kay Sec. Roque.

 

“Gayun din ang resource augmentation nito sa LGUs para sa mga family food packs upang tumulong sa LGUs na tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.  Mayroon din tayong 4Ps beneficiaries,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)

Malacañang tikom sa pagtaboy ng barko ng China sa lantsa ng Pinas

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Tikom ang Malacañang sa napaulat na pagtaboy ng isang armadong barko ng China sa isang civilian vessel kung saan nakasakay ang crew ng ABS-CBN sa West Philippine Sea.

 

 

Ipinauubaya ni Presidential spokesperson Harry Roque sa Department of Foreign Affairs at sa Department of National Defense ang nasabing isyu.

 

 

Iniulat noong Huwebes ng ABS-CBN na sakay ng isang civilian vessel ang isa nilang news team sa West Philippine Sea nang sundan sila ng isang armadong barko ng China.

 

 

Nagdesisyon umanong bumalik sa Palawan ang news team pero hinabol pa rin sila ng Chinese Coast Guard.

Unang batch ng bakunang made in Russia, maaaring dumating sa Abril 12

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHAN na ang pagdagsa ng mga bakuna laban sa Covid -19 sa bansa ngayong buwan.

 

Sinabi ni Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez na maaaring sa darating na Lunes ay dumating na ang kauna- unahang batch ng bakuna na galing ng Russia.

 

Nauna na kasing sinabi ni Galvez na inaasahan ang pagdating pa ng mga bakuna ngayong 2nd quarter.

 

Aniya, ang bakuna ng Gamaleya ang inaasahan nilang paparating ngayong Abril 12 kasunod ng iba pang mga bakuna na paparating ngayong linggo ding ito gaya ng Sinovac.

 

“Sa tanong po na ano po ang mga darating na vaccines this coming April, darating po ang Sinovac na 1.5 million at saka mayroon po tayong Gamaleya na 500 or more or less two million doses.

 

So ngayong first … sa next week po baka dumating na po ang 500,000 ng Sinovac. So titingnan din po natin iyong Gamaleya, baka dumating na rin po this coming April 12,” ayon kay Galvez.

 

Sa buwan naman ng Mayo ani Galvez ay paparating na rin ang Moderna na galing ng Estados Unidos.

 

“So sa May deliveries po, magkakaroon po tayo ng two million sa Sinovac, sa Gamaleya and then darating na po and Moderna. So more or less, mga 4,194,000 po na doses ang matatanggap po natin,” aniya pa rin.

 

“Sa June po, magkakaroon po tayo ng more or less mga 10,500,000 doses kasama po ang Sinovac, Gamaleya and also Novavax at saka iyong delivery natin sa AstraZeneca. And July, baka po tumaas po tayo, na magkaroon po tayo ng more or less mga 13.5 million. And August delivery, 20,000 at hanggang maging ano po sa November,” dagdag na pahayag ni Galvez.

 

Kaya nga aniya tinatayang nasa 4 million,194,000 ang paparating na bakuna ngayong buwan hanggang sa susunod na buwan na bubuuin ng mga brand na Sinovac, Sputnik V at Moderna. (Daris Jose)

Diplomatic relations, naiisip na paraan ng gobyerno para makakuha ng AstraZeneca na gagamitin sa pagbibigay ng ikalawang dose para sa mga una ng naturukan nito

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

GAGAMITIN ng gobyerno ang diplomatic relation para makakuha ng AstraZeneca vaccine.

 

Ito’y upang masiguro na hindi mabibitin sa pagtuturok ng ikalawang dose ang mga naturukan ng AstraZeneca sa harap ng umano’y pagkakaantala sa pagdating ng mga bakuna mula sa COVAX Facility.

 

Ayon kay Chief Implementer at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, may problema talaga patungkol sa global supply na kahit ang malalaki at mayayamang bansa ay nahahagip.

 

“Nakita po natin talaga na mayroon pong problema iyong tinatawag nating global supply even alam natin sa India, sa Europe or even sa US. So ang naano po natin ngayon ay talagang ginagawa po natin ang lahat ng magagawa, may mga diplomatic relation natin ngayon para makapag-produce tayo ng AstraZeneca vaccine,” ang pahayag ni Galvez.

 

Ani Gavez, ginagawa naman nila ang lahat ng magagawa para makapag- produce ng kailangang bakuna partikular ng AstraZeneca vaccine at isa na dito ang paggamit ng diplomatic relations.

 

Maliban dito, pinanghahawakan din aniya nila ang pahayag ni Dr Rabindra Abeyasinghe ng WHO na baka may dumating ngayong Abril na 2nd dose ng Astrazeneca na nasa 525,600 doses.

 

“Umaasa po kami na mayroon po tayong makukuha considering that mayroon din tayong procurement. And rest assured na we will do our best na iyong second dose ng 525,600 doses ay magagawa po natin iyan. At nagsabi naman po si Dr. Rabi na baka po dumating mga end of April,” aniya pa rin. (Daris Jose)

Mga medical workers mula sa apat na pagamutan sa NCR na makakapitan ng COVID, hinahanapan ng hotel

Posted on: April 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

KASALUKUYAN nang hinahanapan ng gobyerno ng magagamit na hotel na mapaglalagyan sa mga doktor at nurse na matatamaan ng COVID-19.

 

Sinabi ni Chief Implementer Carlito Galvez, may nagaganap ng negosasyon para matuluyan ng mga medical workers ng PGH, East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines at National Kidney Institute.

 

Tinatayang nasa, 80 mga kuwarto ang sinisikap ng gobyerno na mailaan para sa mga taga-PGH, 20 kuwarto para sa mga taga- East Avenue ganundin para sa mga taga- Lung Center at NKTI.

 

“Monday na Monday ay kasama ko po si Sec. Vince, talagang binisita namin iyong East Avenue Medical Center, Lung Center at saka iyong NKTI and then also nabisita ko na rin iyong PGH at hinihiling nga po na magkaroon po ng extra hotels iyong ating mga COVID-affected nurses and doctors.

 

So sa ngayon po we are negotiating for 80 rooms para sa PGH, sa East Avenue po mga 20 rooms, and then also sa Lung Center ay 20 rooms at saka NKTI – with the total of 280 beds,” anito.

 

Ani Galvez nais nilang matiyak sa mga health workers na naririto ang gobyerno at nakahandang ibigay ang suporta sa kanila lalo’t sakali mang matamaan sila ng virus.

 

“Iyon po ay inano po namin na in-assure po namin na talagang tutulungan po ng gobyerno ang ating mga afflicted na mga health care workers at saka po talaga nagpu-provide po tayo ng support na at least iyong ano po, ma-ease up po iyong kanilang mga pressure.”

 

“Nakita ko po sa East Avenue at saka sa Lung Center at saka sa NKTI, high morale po iyong ating mga health care workers kahit nakita po namin ang pagod nila, ang dedication po nila nakaka-inspired po ang dedication ng ating mga health care workers. At ako po ay talagang humahanga po talaga sa kanila kasi talagang halos… dito po sa PGH more than 200 po ang affected na nagkaroon po ng COVID pero talagang tuluy-tuloy pa rin po ang kanilang pagbabakuna, tuluy-tuloy ang kanilang pag-aano sa mga emergency room at tuluy-tuloy din po ang talagang pag-agapay nila po sa kanilang mga talagang naghihirap po natin na mga ibang mga pasyente at talagang tinutulungan po nila,” litaniya nito.

 

Samantala, nagpahayag ng paghanga si Galvez sa mga health workers na personal niya aniyang nasaksihan ang dedikasyon na sobrang nakapagbibigay ng inspirasyon.

 

“So ako po ay talagang saludong-saludo sa ating mga health care workers at sinasabi nga po nila na gusto nga po nila na magkaroon po ng message ang ating mahal na Presidente para sa kanila. And then I gave them iyong message na pinagawa po ng RTVM at maraming, maraming salamat po,” pahayag ni Galvez. (Daris Jose)