Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
Nasa pitong katao na ang patay habang ilang libong kabahayan na ang nasira sa nagaganap na wildfire sa West Coast sa US.
Tatlo sa mga biktima ay mula sa Northern California habang ang iba naman ay sa Oregon.
Nagkukumahog ang 3,000 na bumbero para tuluyang apulahin ang 100 major wildfire sa Oregon.
Nagsagawa na rin ng search and rescue team sa Eastern Salem sa Oregon para tuluyang ilikas ang mga residente doon na apektado ng sunog.
Mabilis na kumalat ang nasabing sunog dahil sa lakas ng hangin na mayroong bilis na 80 kilometers per hour.
Ayon naman kay Oregon Governor Kate Brown na nahaharap sila sa matinding hamon dahil sa maraming mga ari-arian na ang natupok na ng apoy.
MAGTATALAGA ng mga quarantine enforcement personnel ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa mga piling lugar at entrada sa mga kritikal na lugar na tinukoy ng Philippine National Police–Navotas.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ito ang ilan sa mga “best practices” ng Navotas sa laban sa COVID-19.
Aniya, kasama rin dito ang mas mahabang curfew hours, pag-iisyu ng home quarantine passes, at pagdampot sa mga lumalabag sa community quarantine protocols.
Maliban dito, nagpasa rin ang pamahalaang lungsod ng 10 city ordinances at 15 executive orders, kabilang ang 24-oras na curfew for minors, mga panuntunan para sa mga negosyong maaaring magbukas sa community quarantine, wastong pagsusuot ng face masks at social distancing, at iba pa.
Ang mga paghihigpit sa kilusan ay nakakarelaks ngayon na nasa ilalim kami general community quarantine. Dahil dito, nagiging kampante ang mga tao at banta ito sa kanilang kaligtasan. Upang mapanatili silang protektado mula sa sakit, pinahigpit namin ang aming patakaran sa curfew upang hikayatin ang mga Navoteños na manatili sa bahay kung wala silang importanteng gawin sa labas. Mahigpit din naming ipinatutupad ang wastong pagsusuot ng mga face mask at face shield, kung kinakailangan, pati na rin ang pagsasanay ng social distancing,” ani Mayor Tiangco.
Iniulat ng Navotas City Police na mula Agosto 19 ay 1,297 na ang dinampot dahil sa paglabag sa curfew, 3,205 para sa hindi pagsusuot o hindi wastong pagsusuot ng face mask, at 298 dahil sa hindi pagsunod sa social distancing. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)
IGINIIT ng ilang environmental group ang pagpapatigil sa pagtatambak ng dolomite sa may 500 metro ng Baywalk sa Manila Bay.
Dakong alas-8:00 ng umaga nang magsagawa ng kilos protesta ang ilang kinatawan ng Pamalakaya, Nilad, Manila Baywatch, at Baseco Peoples’ Alliance.
Bitbit ang mga placards na nagsasasaad “Rehabilitasyon sa Manila Bay,hindi white sand” , ” Itigil ang reklamasyon”.
Ayon sa grupo ang gusto nila ay iyon totoong rehabilitasyon ng Manila Bay na maaring pagkunan ng kabuhayan ng mga mangingisda at pagkain sa mga tao.
Nais umano nilang malinis at maibalik sa dating anyo ang Manila Bay at hindi para tambakan ng dolomite white sand.
Nakasakay ng mga bisekleta at nag jo-jogging ang grupo na nanawagan para itigil ang paglalagay ng dolomite sand sa Manila Bay. (GENE ADSUARA)
TUMIKADA si Yuka Saso ng Pilipinas ng six-under par 68 para mapag-iwanan lang ng dalawang palo sa pagsisimula kamakalawa, Huwebes ng 53rd Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) Championship Minolta Cup 2020 first round sa JFE Seto Inland Sea Golf Club sa Okayama, Japan.
Magara ang umpisa ng 19 na taong gulang na Haponese-Pinay na pinanganak sa San Ildefonso, Bulacan nang makahambalos ng tatlong birdie sa front nine para sa 33, at dalawa pa sa back nine. Kaya lang nadisgrasya sa bogey sa huling butas pa-35 upang humanay sa walong magkakasosoyo sa panlimang puwesto.
Akbayan sa 1-2 positions sa identical 66s sina Korean Min-Young Lee at Japanese Serena Aoki, tie din para sa 3rd-4th sa magkatulad na 67 sina Ayako Kimura at Serena Aoki na kapwa Haponesa, saka ang pangkat ng reigning top PH golfer.
Nakatingala ang bagitong propesyonal na si Saso pangatlo niyang korona sa ikalimang torneo sa 53rd JLPGA 2020, at una pa lang na major title sa mayamang sport circuit sa kontinente, na pinaliit sa taong ito ng COVID-19.
Nagsisilbi ang torneo na second sa apat na major sa circuit pagkaraang kanselahin ang panimulang World Ladies Championship Salon Pass Cup noong Mayo. Kasama rin ang Japan Women’s Open Golf Championship sa Oktubre at Tour Championship Ricoh Cup sa Nobyembre. (REC)
KALABOSO ang 59-anyos na vendor nang pumalag at laitin pa ang opisyal ng barangay na sumita sa kanya habang umiinom ng alak sa lansangan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Alas-10:30 ng gabi nang sitahin nina Barangay Executive Officer Kris Khate De Leon at tanod na si Ramil Arevalo sa pag-inom ng alak sa lansangan si Salvador Dacer, Jr. ng Blk 04, Lot 10, Phase 1C, Brgy. NBBS Kaunlaran na paglabag sa umiiral na ordinansa subalit, nagalit ito at nilait pa ang mga barangay opisyal.
Ang hindi alam ni Dacer, may kasamang mga pulis mula sa Navotas Police Sub-Station 4 ang mga nagrorondang barangay official na nakakita sa kanyang pagwawala sa kanto ng Buwan-Buwan at Espada Sts. kaya’t kaagad siyang inaresto.
Ani Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, araw at gabing nagsasagawa ng pagroronda ang kanyang mga tauhan, katuwang ang mga opisyal ng barangay upang sitahin ang mga pasaway na patuloy na gumagala sa lansangan ng wala namang mahalagang pakay na isa sa dahilan ng pagkakaroon ng hawahan ng mapanganib na sakit na COVID-19.
Iprinisinta na ng mga pulis sa piskalya si Dacer para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o disobedience of lawful orders of Persons in Authority or their Agents. (Richard Mesa)
ININANUNSYO ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian isasara ang lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod simula October 30 hanggang November 3, 2020.
Ayon kay Mayor Rex, ito ay alinsunod sa Executive Order No. 2020-205 bilang bahagi ng pag-iingat sa COVID-19.
Aniya, ang mga nagnanais na gunitain ang Undas, maliban na lang sa mga 20 taong gulang pababa, ay hinihikayat na gawin ito bago o pagkatapos ng mga nabanggit na petsa.
Dagdag pa ng alkalde, ipinagbabawal din ang pagsasagawa ng mga Halloween activity tulad ng “trick or treat” sa lahat ng lugar kabilang na ang mga parke at mall.
Nauna nang nag-anunsyo si Manila Mayor Isko Moreno na isasara ang lahat ng pampubliko at pribadong mga sementeryo sa kanilang lungsod sa Undas. (Richard Mesa)