• November 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 23rd, 2026

Pagbati, bumuhos sa panalo ni Carlos Alcaraz para sa kauna-unahang titulo sa ATP Finals

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY ang buhos ng pagbati ng supporters, matapos masungkit ng seven-time Grand Slam champion na si Carlos Alcaraz ang kanyang kauna-unahang titulo sa ATP Finals matapos talunin ang world number one na si Alexander Zverev sa iskor na 6-2, 7-6(7) nitong Linggo.

Naging dominante ang 23-anyos na Spanish star sa unang set habang nahirapan naman sa kanyang serve ang German player na nakagawa ng 19 unforced errors.

Bagama’t nakabawi si Zverev sa ikalawang set at nakahirit ng tiebreak, nagawang iligtas ni Alcaraz ang tatlong sunod na set point bago tuluyang selyuhan ang panalo.

Ang tagumpay na ito ang ika-14 na sunod na panalo ni Alcaraz at ikatlong magkakasunod na kampeonato bago matapos ang taon, kasunod ng kanyang pagkapanalo sa Vienna at Paris matapos magbalik-aksyon mula sa apat na buwang wrist injury.

Ayon kay Alcaraz, matagal na niyang hinahabol ang tropeong ito at napakahalaga nito para sa kanya at sa kanyang koponan matapos ang mga pinagdaanang pagsubok.

Samantala, tinapos ng pagkatalong ito ang itinuturing na pinakamatagumpay na season ni Zverev, kung saan napanalunan niya ang kanyang unang dalawang Grand Slam title at umakyat sa tuktok ng world rankings.

Pagbuhos ng pakikiramay patuloy sa pagpanaw ni PJ Simon

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY pa rin ang pagbuhos ng pakikiramay sa mga kapwa basketbolista para sa namayapang si Peter June Simon.

Pinangunahan ito ng kaniyang dating team mates na si Mark Barroca kung saan nabigla ito sa pangyayari.

Maging ang kasamahan nito sa koponan na si JC Intal ay hindi makapaniwala kung saan iniidolo pa nila si Simon sa paglalaro ng basketball.

Kaniya-kaniyang nagbahagi sa kanilang mga social media ang ilang dating PBA players na nakasama at nakalaro si Simon.

Sa video na ipinost ni Paul Artadi ay makikita ang pagiging malapit nito sa Diyos.

Habang nag-share naman ng mga larawan kasama ang ilang manlalaro gaya nina Marc Pinger at James Yap.

Maging ang ilang mga dating coach na si Chito Victolero ay labis na nalungkot sa nangyari kay Simon.

Humiling naman ang pamilya ng basketbolista ng ‘privacy’ kung saan nakiusap sila sa mga fans na huwag muna dumalaw sa punerarya kung saan nakalagak si Simon.

Magugunitang bigla na lamang nawalan ng malay si Simon habang nasa exhibition game sa lungsod ng Davao kung saan dinala pa siya sa pagamutan subalit hindi na ito umabot.

Paskong Quezonian 2026, dinagsa sa Kapitolyo

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LUCENA CITY, Quezon — Libo-libong mamamayan mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang dumagsa sa pagbubukas ng Paskong Quezonian 2026: Switch-On and Fireworks Display sa Perez Park, Provincial Capitol Compound nitong Huwebes, Nobyembre 20.

Pinangunahan ni Gobernadora Doktora Helen Tan ang seremonya ng pagpapailaw sa higanteng Christmas tree na may disenyong mini-castle at sa mga Christmas light display sa buong parke. Kasama niya sa aktibidad sina Bise Gobernador Third Alcala at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sina Bokal Dok Kim Tan, Bokal JJ Aquivido, Bokal Vinnette Alcala Naca, Bokal Julius Luces at Bokal Harold Butardo. Nagpaabot din ng buong suporta si Engr. Ronel Tan sa matagumpay na pagdiriwang.

Dumalo rin sa programa sina Department of Tourism (DOT) Region IV-A Regional Director Marites T. Castro, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, at ilang punong bayan kabilang sina Mayor Jhonny Escolan (Quezon), Mayor Charrize Marie Escalona (Perez), Mayor Piwa Lim (Lungsod ng Tayabas), Mayor Ogie Suayan (Candelaria), Mayor Venchie Aguilar (Agdangan), Mayor Ays Canimo (Alabat), at Mayor Alfred Pujeda (General Nakar).

Kasabay ng pagpapailaw ay ipinalabas din sa publiko ang ikalimang Official 2026 Christmas ID ng lalawigan at sinundan ito ng isang fireworks display.

Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Tan ang mga Quezonian na isabuhay ang pagmamalasakit at paggawa ng kabutihan sa kapwa bilang pagpapakita ng tunay na diwa ng Pasko, alinsunod sa tema ng pagdiriwang na “Tayo ang Pag-asa ng Pasko.”

Samantala, kinilala rin sa nasabing pagtitipon ang mga nagwagi sa taunang Parol Making Contest. Itinanghal na kampeon ang Bayan ng Quezon, sinundan ng Lungsod ng Tayabas bilang first runner-up, at Lungsod ng Lucena bilang second runner-up.

Ayon sa Provincial Tourism Office, mananatiling bukas sa publiko ang mga Christmas light displays sa Perez Park hanggang Enero 3, 2027, habang nakatakda namang ilabas sa mga susunod na araw ang iba pang aktibidad para sa kapaskuhan. (Kim Bornella/ Yvonne Bagang/ Jeremiah Solomon/ Boy Morales)

Mekaniko, tinutukan ng baril ang kostumer nang hindi magkasundo sa bayad

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang 49-anyos na mekaniko nang tutukan ng baril at pagbantaan ang kanyang kostumer makaraan ang pagtatalo hinggil sa bayad ng ginawang preno ng sasakyan sa Valenzuela City.

Mahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na si alyas “Boy” ng Brgy. Arkong Bato ng lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi umano nagkasundo ang suspek at 45-anyos na lalaking complainant hinggil sa P800 na bayad ng ipinagawang preno ng isang owner-type jeep sa Brgy. Arkong Bato kaya nauwi ang mga ito sa pagtatalo.

Sa kainitan ng pagtatalo, naglabas umano ng baril ang suspek at itinutok sa biktima saka pinagbantaan na papatayin na dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento.

Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 5 na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek alas-12:30 ng hating gabi sa nasabing barangay.

Nang hanapan ng mga kaukulang dokumento hinggil sa ligaledad ng nakuha sa kanya na isang Smith & Wesson .22 caliber firearm na kargado ng isang bala ay walang naipakita ang suspek. 

(Richard Mesa)

KRIMEN sa PUBLIC TRANSPORT

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA PUBLIC transport hindi lang dapat convenient ang pasada, dapat din SAFE AT PROTECTED ang mga pasahero at mga manggagawa sa transportation tulad ng mga drivers at conductors.

Ang biktima ay maaari ang pasahero o drivers ng mga mandurukot, holdapers, carnappers at mga sex offenders .

Maaaring sa terminal pa lang o loading and unloading zones ay inaabangan na sila ng mga masasamang loob.

Kapag siksikan ang pasahero maaaring madukutan, pag isolated ang pasahero maaaring maholdap o mapagsamantalahan.

Kailangan ang police visibility sa mga terminals at mga loading and unloading zones — may mga police officers o mga cctv.

Maliwanag dapat ang mga terminals o mga loading and unloading zones.

Pero mas mainam na mismong mga pasahero ang mag-ingat at dapat alerto sa lahat ng oras.

Iwasan din magsuot ng mamahaling gamit tulad ng alahas. Hanggat maaari ay limitahan ang gamit ng cellphone o siguraduhin hindi maaagaw sa inyo.

Kung may kahinahinalang pagkilos ang ilang tao ay iwasan ito at ipagbigay alam sa may katungkulan kung meron man. O tumawag sa holiness ng kapulisan.

Ang mga drivers naman at conductors ay dapat alerto rin.

Malaking bagay ang police visibility dahil preventive ito. Kung nakakapag -deploy ang kapulisan ng libu-libong pulis kapag may mga rallies ay kaya nila mag-deploy ng tropa sa mga transport hub.

Ngayon pa lamang ay dapat na paghandaan ito. Lalo at malapit na ang Kapaskuhan at walang holiday ang krimen.

MAHIGIT 1,600 QCITIZENS, NAKINABANG SA IKA-56 NA NHA PEOPLE’S CARAVAN

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT sa 1,600 benepisyaryo ng pabahay ng National Housing Authority at kalapit na komunidad ang nakinabang sa ika-56 na People’s Caravan ng NHA.

Ginanap ito sa District 2 Gymnasium, MRB Compound, Pilot Drive, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin Feliciano ang programa, kasama si NHA NCR-East Sector Office Regional Manager Architect Monn Alexander Ong.

Sa temang “Serbisyong Dala Ay Pag-Asa,” layon ng caravan na maghatid ng iba’t ibang serbisyo mula sa nasa 30 partner-agencies ng pamahalaan at pribadong sektor.

Kabilang dito ang libreng medical consultation, gamot at bitamina, gupit, at dental check-up mula sa Department of Health, Armed Forces of the Philippines, at Quezon City District 2 Local Health.

Nagkaroon din ng mini job fair mula sa Quezon City Public Employment Service Office, libreng scholarship at skills training mula sa TESDA, at financial literacy orientation mula sa GCash.

Nagbenta rin ng abot-kayang farm-to-market products ang Department of Agriculture sa pamamagitan ng KADIWA Pop-up Store, kabilang ang P20 bigas kada kilo.

Tampok din ang serbisyo ng PSA-PhilSys para sa National ID, PNP para sa police clearance, NBI para sa NBI clearance, PhilHealth, SSS, LTO, BIR, Pag-IBIG Fund, Meralco at Maynilad.

Nagbigay din ng housing-related services ang DHSUD, HSAC, Registry of Deeds, at Quezon City Housing Department, libreng Wi-Fi mula sa DICT, at libreng legal consultation at notarization mula sa Public Attorney’s Office.

Nakiisa rin sa suporta ang tanggapan nina Congressman Ralph Wendel Tulfo, Congresswoman Maria Victoria Garcia Co-Pilar, Quezon City Mayor Joy Belmonte, mga barangay ng Holy Spirit, Commonwealth, Batasan Hills, Payatas, Pasong Tamo, at QC-DRRMO.

Nakatakdang isagawa ng NHA ang huling caravan ngayong taon sa Batangas sa huling linggo ng buwan. 

(PAUL JOHN REYES)

PNP, magtatalaga ng 6,000 pulis sa Metro Manila para sa transport strike

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGPAPAKALAT ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 6,000 pulis sa Metro Manila para tiyakin ang seguridad at umalalay sa mga commuter sa dalawang araw na transport strike bukas Nobyembre 23–24, 2026.

Bilang bahagi ng paghahanda, maglulunsad ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Libreng Sakay gamit ang police buses, trucks at vans sa Baclaran, Paco at Nagtahan sa Maynila, Caruncho Avenue sa Pasig City, at South Caloocan.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., layunin nilang matulungan ang mga commuter na makabiyahe habang iginagalang ang karapatan ng mga transport worker na magsagawa ng mapayapang protesta.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa MMDA at mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan sa mga pangunahing kalsada at terminal.

Inatasan naman ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance at propesyonalismo sa buong panahon ng transport strike. ( DARIS JOSE)

Christmas deadline?Impeachment trial ‘wag madaliin – Gatchalian

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGAMA’T umaasa si Senate President Sherwin Gatchalian na matatapos bago mag-Pasko ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, iginiit nitong hindi dapat isakripisyo ang maayos na proseso alang-alang lamang sa deadline.

“Well, ako personally, I am hoping na before Christmas matapos dahil nga mas maganda na bago mag-Pasko, bago tayong mag-celebrate ng Christmas, matapos ito. At the very least before the New Year,” ani Gatchalian.

Gayunman, sinabi niyang kailangang manati­ling flexible ang Senate Impeachment Court dahil maraming hindi inaasahang pangyayari sa gitna ng paglilitis, lalo na sa presentasyon at pagtatanong sa mga testigo.

Ayon sa kanya, may mga pagkakataong ina­asahang matatapos sa loob lamang ng isang araw ang testimonya ng isang testigo ngunit umaabot ito ng dalawa o tatlong araw. Mayroon ding mga pagkakataong naaantala o naiuurong ang pagharap ng testigo kaya bumibilis naman ang takbo ng pagdinig.

“So meron kaming mga idea in terms of the number of days but we remain flexible para ma­ging efficient ‘yung takbo ng trial,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Gatchalian na mahalagang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang depensa na mailahad ang kanilang panig.

“At nakita natin ang pagbibigay ng leeway sa defense nitong linggong ito as per their request. So ito ay isang malaking trabaho rin,” aniya.

Inaasahan din niyang maghahain pa ang depensa ng anim hanggang walong testigo sa mga susunod na pagdinig.

Kabilang sa mga ina­abangan ang paliwanag sa umano’y pagkakaiba sa iniulat na benta ng Cale88 at sa mga remittance na nakasaad sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Disyembre 1 matapos pansamantalang suspendihin ang mga pagdinig mula Nob­yembre 23-30, kasunod ng abiso ng depensa na hindi available ang ilan nilang mga testigo sa Nobyembre 26 at 27. ( DARIS JOSE)

“AI is here to stay”:PBBM nagtataka sa protesta kontra Pax Silica

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTATAKA si Pangulong Bongbong Marcos sa mga kilos-protesta laban sa Pax Silica, dahil wala pa umanong nilagdaang kasunduan at iginiit na wala ring itatayong data center sa lugar kung saan ilalagay ang AI development na ito.

“If we do not invest in it in time, in effort, in money, then wala na. Wala na tayong pag-asa because that is the economy, the global economy in the next few years… You may not like AI. You might like AI. You might be scared of AI. Whatever it is, you cannot do anything. AI is here and will be here to stay,” ani Marcos sa Shenzhen, China nitong Biyernes, Nobyembre 20.

Dagdag niya, maganda itong oportunidad para sa Pilipinas na maging bahagi ng pandaigdigang talakayan tungkol sa AI at Pax Silica, kaya dapat itong lubos na samantalahin ng bansa.

“What you do is understand what it is. Understand what the industry is doing and how that can benefit us, how it can benefit the Philippines, how it can benefit ASEAN, how it can benefit the global economy. That’s why Pax Silica is important,” ayon kay Marcos. ( DARIS JOSE)

Libo-libong Navotenos, sinaksihan ang pagpapa-ilaw sa higanteng Christmas tree sa Navotas

Posted on: November 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINAKSIHAN ng libo-libong Navotenos ang opisyal na pagsisimula ng Christmas season sa pamamagitan ng taunang pagpapa-ilaw sa higanteng Christmas tree sa Centennial Park sa Navotas City, Biyernes ng gabi.

Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco, kasama ang kanilang pamilya, mga opisyal at mga empleyado ng lungsod ang makulay na pagpapa-ilaw ng Christmas tree na may taas na 40 feet na sinundan ng ribbon cutting ceremony para sa pagbubukas ng Christmas bazaar at amusement park.

Ayon kay Mayor Tiangco, hindi lamang para sa ikalulugod ng mga Navoteno ang binuksang bazaar at amusement park kundi upang makatulong na rin sa maliliit na negosyante na nabigyan ng mga food stalls na paglalakuan nila ng street foods, inumin, retail stores, at Christmas souvenir.

Akma ang paglalagay ng higanteng Christmas tree sa naturang parke dahil tanaw mula rito ang kagandahan ng Manila Bay, habang hitik naman sa kasiyahan ang mga bata sa mga inilagay na rides tulang ng carousel, Vikings, fun slide, at carnival games. 

Magtatagal ang bazaar at amusement park ng hanggang Enero 17, 2027 na sisimulan ang operasyon ng alas-4:00 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi. 

(Richard Mesa)