MAHIGIT 1,600 QCITIZENS, NAKINABANG SA IKA-56 NA NHA PEOPLE’S CARAVAN
- Published on November 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAHIGIT sa 1,600 benepisyaryo ng pabahay ng National Housing Authority at kalapit na komunidad ang nakinabang sa ika-56 na People’s Caravan ng NHA.
Ginanap ito sa District 2 Gymnasium, MRB Compound, Pilot Drive, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin Feliciano ang programa, kasama si NHA NCR-East Sector Office Regional Manager Architect Monn Alexander Ong.
Sa temang “Serbisyong Dala Ay Pag-Asa,” layon ng caravan na maghatid ng iba’t ibang serbisyo mula sa nasa 30 partner-agencies ng pamahalaan at pribadong sektor.
Kabilang dito ang libreng medical consultation, gamot at bitamina, gupit, at dental check-up mula sa Department of Health, Armed Forces of the Philippines, at Quezon City District 2 Local Health.
Nagkaroon din ng mini job fair mula sa Quezon City Public Employment Service Office, libreng scholarship at skills training mula sa TESDA, at financial literacy orientation mula sa GCash.
Nagbenta rin ng abot-kayang farm-to-market products ang Department of Agriculture sa pamamagitan ng KADIWA Pop-up Store, kabilang ang P20 bigas kada kilo.
Tampok din ang serbisyo ng PSA-PhilSys para sa National ID, PNP para sa police clearance, NBI para sa NBI clearance, PhilHealth, SSS, LTO, BIR, Pag-IBIG Fund, Meralco at Maynilad.
Nagbigay din ng housing-related services ang DHSUD, HSAC, Registry of Deeds, at Quezon City Housing Department, libreng Wi-Fi mula sa DICT, at libreng legal consultation at notarization mula sa Public Attorney’s Office.
Nakiisa rin sa suporta ang tanggapan nina Congressman Ralph Wendel Tulfo, Congresswoman Maria Victoria Garcia Co-Pilar, Quezon City Mayor Joy Belmonte, mga barangay ng Holy Spirit, Commonwealth, Batasan Hills, Payatas, Pasong Tamo, at QC-DRRMO.
Nakatakdang isagawa ng NHA ang huling caravan ngayong taon sa Batangas sa huling linggo ng buwan.
(PAUL JOHN REYES)