• November 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 21st, 2026

Magbubukas ng oportunidad para sa mas maraming pamumuhunan mula sa US…Elon Musk interesado sa Pinas, 2 isla ide-develop

Posted on: November 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na may plano umanong i-develop ng bilyonaryong si Elon Musk ang isa o dalawang isla sa Pilipinas matapos magpakita ng matinding interes sa bansa.

Sa panayam ng ANC Headstart nitong ­Huwebes, sinabi ni Romualdez na malaki ang ­paghanga ni Musk sa Pilipinas at kapansin-pansin ang kaalaman nito tungkol sa bansa nang sila ay mag-usap.

“He loves the Philippines. That’s what I ­gathered,” ani Romualdez.

Ayon sa envoy, madalas umanong bumisita nang hindi ipinapaalam sa publiko si Musk sa Pilipinas at may isa o dalawang isla itong planong paunlarin. Gayunman, hindi nito tinukoy ang lokasyon at detalye ng mga sinasabing proyekto.

Kinumpirma rin ni Romualdez na dumating si Musk sakay ng pribadong eroplano bandang alas-11:30 ng umaga nitong Miyerkules, ngunit hindi ito nakibahagi sa mga opisyal na aktibidad ni US President Donald Trump sa Maynila. Naghintay umano ito sa paliparan bago sumama sa paglipad ng pangulo patungong China.

May negosyo na rin sa bansa si Musk sa pamamagitan ng Starlink, ang satellite internet service ng SpaceX.

Umaasa naman si Romualdez na ang interes ng bilyonaryo sa Pilipinas ay magbubukas ng oportunidad para sa mas maraming pamumuhunan mula sa Estados Unidos. (DARIS JOSE)

Valenzuela LGU, ipapatupad ang One-ID policy

Posted on: November 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPAPATUPAD na ng Pamahalaang Lungsod Valenzuela ang one-ID policy na nagtatakda na sapat na ang isang valid government-issued ID sa mga transaksyong nangangaila­ngan ng pagpapatunay ng pagkakakilanlan sa mga tanggapan ng City Government.

Sa ilalim ng executive order, tatanggapin ang isang ID na may litrato at lagda, sa mga in-person at oline transaksyon ng pamahalaang lungsod, bilang patunay ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal.

Kabilang sa mga tinatanggap na ID ang National ID, passport, driver’s license, PRC ID, NBI at police clearance, Postal ID, voter’s ID, GSIS at SSS cards, PhilHealth ID, senior citizen ID, at PWD ID.

Tinatanggap din ang UMID, Solo Parent ID, TIN ID, OFW at OWWA ID, seaman’s book, government employee ID, at iba pang pagkakakilanlan o sertipikasyong inilalabas ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, layon nito na hindi na mahihirapan ang mga residente ng lungsod sa paulit-ulit na paghingi ng iba’t ibang ID kung sapat naman ang isang valid ID para mapatunayan ang kanilang pagkakakilanlan.

“Gusto nating gawing mas simple, mabilis at maayos ang pagkuha ng serbisyo ng ating mga kababayan,” giit ng alkalde. (Richard Mesa)

127 MOTORISTA NASAKOTE NG LTO SA OPERASYON KONTRA DRUNK DRIVING

Posted on: November 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT na sa isandaan at dalawampu’t pitong motorista ang nahuling nagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak bunsod ng pinaigting na kampanya ng Land Transportation Office kontra drunk driving.

Ito ay ayon sa datos ng LTO sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Markus Lacanilao ngayong taon, kung saan lahat ng mga nahuli ay nagpositibo sa Alcohol Breath Analyzer test.

Sinisiguro ng ahensya na nasusunod ang tamang proseso sa ilalim ng Memorandum Circular No. MVL-2026-242 bago hulihin ang mga driver, kabilang ang pagsasagawa ng Field Sobriety Test at Alcohol Breath Analyzer test upang matiyak na may sapat na batayan sa pagpapatupad ng hakbang.

Ayon kay Asec. Lacanilao, layunin lamang ng ahensya na maging ligtas ang bawat motorista sa kalsada kaya araw-araw nilang ginagawa ang trabaho upang maipatupad ang batas.

Aniya, hindi magsasawa ang LTO na paalalahanan at panagutin ang mga lumalabag dahil kaligtasan ng publiko ang pangunahing layunin.

Tiniyak ng LTO na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas kontra drunk driving upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng kapahamakan at matiyak na ligtas na makararating sa paroroonan ang bawat motorista. (PAUL JOHN REYES)

QCPD, matagumpay na tinapos ang seguridad sa ASEAN Summit

Posted on: November 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na tinapos ng Quezon City Police District (QCPD) ang seguridad para sa 49th ASEAN Summit 2026 matapos manatiling mapayapa at maayos ang sitwasyon sa Quezon City.

Sa ilalim ng pamumuno ni QCPD Director PBGen. Christopher Olazo, nagtalaga ang QCPD ng mga pulis sa mahahalagang lugar gaya ng Welcome Rotonda, EDSA People Power Monument at University of the Philippines-Diliman upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mga dele­gado.

Nasa Full Alert Status ang QCPD mula Nob­yembre 10 at nagsagawa ng 24-oras na pagpapatrolya, checkpoint, route security, inspeksyon, pamamahala sa trapiko, at crowd control.

Nakatulong din sa pagpapatupad ng seguridad ang mga tauhan ng Police Regional Office-Cordillera Administrative Region (PROCAR) na ipinadala bilang karagdagang puwersa.

Pinasalamatan ni Olazo ang mga pulis sa kanilang disiplina at propesyonalismo, gayundin ang mga residente ng Quezon City sa pakikiisa at pagsunod sa mga panuntunan sa seguridad at trapiko na nakatulong sa maayos na operasyon sa panahon ng summit.