• November 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 9th, 2026

Taduran handang idepensa ang titulo laban sa Spanish boxer na si Moreno

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Handang-handa na si Pinoy boxer Pedro Taduran sa laban niya kay Brandon Moreno ng Spain.

Gaganapin ang IBF minimumweight title defense ni Taduran sa sa Kiva Stadium sa Albuquerque, New Mexico ngayong araw ng Linggo.

Tumimban si Taduran ng 104 pounds habang ang 33-anyos na si Moreno ay eksaktaong 105 lbs na minimum limit.

Kapalit nito ngayon ay ang beteranong trainer na si Joven Jimenez na siyang nagsanay kay dating IBF super-flyweight champion Jerwin Ancajas.

Ito na ang pang-apat na beses na idedepensa ni Taduran ang titulo na kaniyang nakamit ng talunin si Ginijiro Shigeoka ng Japan noong 2024.

Naging hamon ngayon kay Taduran ang laban dahil hindi niya nakasama ang trainer nito na si Carl Penalosa matapos na magkaproblema ang kaniyang visa.

Mayroong 20 panalo na may apat na talo at 14 knockouts si Taduran habang si Moreno ay mayroong 16 na panalo at walang talo na may limang KO.

Eala, nabigo sa Hong Kong Open final matapos talunin ni Liu

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Nabigo si Alex Eala na masungkit ang sana’y ikalawa niyang WTA title matapos matalo kay American player Claire Liu, sa iskor na 3-6, 0-6, sa final ng Hong Kong Open. 

Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling magalang at positibo si Eala, at binati nito binati si Liu sa pagkapanalo ng kaniyang kauna-unahang tour title.

Naging dikdikan ang unang set hanggang tabla sa 3-3, bago nakalamang si Liu sa pamamagitan ng isang malakas na service game.

Bago paman makaabot si Eala sa finals ay dumaan muna ito sa mahihirap na laban kabilang ang matagal na semifinal match kontra sa dating world number three na si Maria Sakkari.  

Posibleng nakaapekto rin sa kondisyon ng pinay tennis star ang sunod-sunod na mahihirap na laban. Sa ikalawang set ng laro sa finals, humingi siya ng medical timeout habang nahuhuli sa iskor na 3-4 at nilagyan ng benda ang kaniyang kanang hita. Paminsan-minsan din siyang nakikitang nahihirapan sa paggalaw, ngunit ipinagpatuloy pa rin ang laban.

Nagkaroon pa si Eala ng pitong pagkakataong makuha ang lamang sa unang game ng ikalawang set kung saan tumagal ito ng mahigit 26 na minuto. Nailigtas niya ang apat na break point, ngunit tuluyang nakalamang si Liu matapos na tumama sa net ang backhand shot ni Eala. 

Sa kabila ng pagkatalo, nagpasalamat si Eala sa mga tagahanga na patuloy na sumusuporta sa kaniya at sinabing malaki ang kahulugan ng kanilang suporta sa kaniyang karera.

Mga libraries, buksan sa publiko

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAPELA si Solid North Party-list Rep. Ching Bernos sa mga state universities and colleges na buksan sa publiko ang kanilang mga library kasabay na rin sa komemorasyon ng Library and Information Services Month ngayong November.

“Libraries are a key partner in helping us overcome our current learning crisis. In this regard, I hope that our SUCs will extend a helping hand to our communities to promote a culture of lifelong learning among our people,” ani Bernos, miyembro ng House committee on higher and technical education.

Sinabi ng mambabatas na malaki ang papel ng mga libraries sa paglalaan ng libreng access sa learning resources at technology.

Idinagdag nito na nakakatulong din ito bilang physical at digital repositories sa pagpreserba sa cultural heritage ng bansa.

“Our libraries hold vital assets not only for technical knowledge, but also for learning about our local history, collective memory, and identity as a community. These can be valuable and beneficial to every Filipino, and emphasizes why we must have more libraries that everyone can access.” ani Bernos.

Isinuwestiyon ni Bernos na magsagawa ang SUCs library-centered activities sa mga komunidad upang ma-engganhyo ang publiko na magbasa at gumamit ng library materials.

“Halimbawa, baka maaaring magsagawa ang mga estudyanteng may on-the-job training ng mga reading clinics, library tours, at iba pang makabuluhang gawain para sa mga nakababatang myembro ng komunidad at sa iba pang interesadong magbasa,” pagtatapos ni Bernos. (VINA de GUZMAN)

Depensa ni Sara sasagutin na P818 milyong yaman issue, mga mansion

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SISIMULAN ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Lunes ang pagharap sa mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon ng Kamara kaugnay ng umano’y P818 milyong hindi maipaliwanag na yaman at mga kuwestiyonableng ari-arian na iniuugnay sa kanya at sa kanyang pamilya.

Tinapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensiya, kabilang ang mga titulo ng lupa, rekord sa bangko, dokumento sa buwis at forensic report. Ayon kay forensic accounting expert Alexander Cabrera, umaabot sa P817.87 milyon ang umano’y hindi ­naideklarang yaman mula 2022 hanggang 2025, at maaari pa umanong lumampas sa P1.5 bilyon bago ibawas ang mga pananagutan.

Kabilang sa mga isyung inaasahang sasagutin ng depensa ang mga ari-ariang nakapa­ngalan umano sa asawa ni Duterte na si Manases Carpio na hindi umano naisama sa SALN, gayundin ang mga mansiyong may swimming pool, helipad at pribadong kalsada na natukoy ng National Bureau of Investigation (NBI).

Iginiit naman ni Duterte na hindi niya pag-aari ang ilan sa mga ari-ariang tinukoy ng NBI, habang sinabi ng kanyang mga abogado na naideklara sa kanyang SALN ang mga ari-ariang may kaukulang titulo.

Bukod dito, inilahad din ng prosekusyon ang umano’y mahigit P424 milyong transaksiyong pinansiyal, kabilang ang isang P41 milyong cash withdrawal sa loob ng 73 minuto noong Agosto 2024, na isa rin sa mga inaasahang tutugunan ng depensa.

Ayon kay Ridon, nararapat na magharap ang depensa ng mga testigong may kakayahang sumagot at magpabulaan sa mga ebidensiya ng prosekusyon sa halip na basta kuwestiyunin lamang ang paraan ng paglalahad ng mga ito.

“Kaya nga ang sinasabi natin, kailangan ho witnesses, hindi weaknesses ’yung pong isasalang po ng depensa sa darating pong mga araw,” ani Ridon.

Tanging ang Article II na may kinalaman sa umano’y unexplained wealth ang natitirang batayan ng impeachment case laban kay Duterte matapos bawiin ng prosekusyon ang iba pang mga artikulo. Nakatakdang magsimula ang presentasyon ng depensa alas-10 ng umaga ngayong Lunes. Nakatakda ring magpatuloy ang mga pagdinig hanggang Nobyembre 23. 

( VINA de GUZMAN)

PNP pinag-iingat publiko sa mga pekeng social media acct ng PNP officials

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG-IINGAT ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa mga pekeng social media account na ginagamit ang mga opisyal ng ahensiya kabilang si PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa pangalang “Jose Melencio Corpus.”

Ayon sa PNP, maaaring gamitin ang mga naturang account upang manghingi ng pera, manghikayat ng paglilipat ng salapi, o kumuha ng sensitibong personal na impormasyon.

Binigyang-diin ni Nartatez na hindi kukunsintihin ng PNP ang paggamit sa pangalan at pagkakakilanlan ng mga opisyal nito sa anumang uri ng panloloko o pananamantala.

Iniutos na ng PNP Chief sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng pekeng account.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa Meta upang makuha ang kaukulang impormasyon, mapangalagaan ang mga digital na ebidensya, at maisagawa ang nararapat na hakbang laban sa naturang pekeng profile.

Pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang account na nagpapakilalang mga opisyal ng pulisya at iwasang magbigay ng pera o personal na impormasyon. Hinihikayat din ang sinumang makakatuklas ng ganitong account na kumuha ng screenshots at itala ang mahahalagang detalye upang maiulat ito sa Facebook at PNP Anti-Cybercrime Group. ( DARIS JOSE)

Year-end bonus, cash gift ng government workers ibibigay ngayong Nobyembre

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLAAN ang pamahalaan ng P82.9 bilyon para sa year-end bonus at cash gift ng mga empleyado ng gobyerno, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Sa naturang halaga, P73.4 bilyon ang inilaan para sa year-end bonus at P9.5 bilyon naman para sa P5,000 cash gift ng bawat kwalipikadong kawani.

Ayon kay DBM Secretary Kim Robert De Leon, dapat matanggap ng mga empleyado ang kanilang bonus na katumbas ng isang buwang basic sala­ry, kasama ang cash gift, kasabay ng unang suweldo sa Nobyembre.

Upang maging kuwalipikado, kailangang nakapaglingkod ang kawani ng hindi bababa sa apat na buwan o kabuuang 120 araw mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2026. ( DARIS JOSE)

2,000 ‘ISKOLAR NI RIZAL’ NG BATCH 1-3, TUMANGGAP NG SCHOLARSHIP ASSISTANCE SA CALAMBA

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LUNGSOD NG CALAMBA — Paunang 2,000 mag-aaral na Calambeño mula sa Batch 1, 2, at 3 ang nakatanggap ng scholarship assistance sa ilalim ng programang “Iskolar ni Rizal” sa ginanap na pamamahagi kahapon, Nobyembre 5, 2026, sa Calamba Coliseum.

Ang naturang kaganapan ay pinangunahan ni Mayor Roseller “Ross” Rizal bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya at prayoridad ng lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng edukasyon para sa mga kabataan sa lungsod.

Ayon kay Mayor Rizal, ang pamumuhunan sa edukasyon ng mga kabataan ay itinuturing na pinakamahalagang hakbang upang matiyak ang mas maliwanag at maunlad na kinabukasan ng buong Lungsod ng Calamba.

Nakatulong ang ibinigay na tulong-pinansyal upang maibsan ang mga gastusin sa pag-aaral ng mga benepisyaryo ng unang tatlong batch at ng kanilang mga pamilya.

Inaasahan naman na mas marami pang kwalipikadong estudyante sa Calamba ang makatatanggap ng kaparehong suporta sa mga susunod na batch ng pamamahagi sa ilalim ng nasabing programa.

(Yvonne Bagang/ Kim Bornella/ Jeremiah Solomon/ Photos Boy Morales)

Wanted na lolo sa Valenzuela, nasakote sa Sorsogon

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang lolo na most wanted sa Valenzuela City nang matunton ng sa pinagtataguang lugar sa isang bayan sa Sorsogon noong Sabado ng umaga.

Sumugod sa lalawigan ng Sorsogon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili nang makatanggap ng impormasyon na doon nagkakanlong ang 62-anyos na lolo na nahatulan na sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa Valenzuela City.

Katuwang ang mga tauhan ng Barcelona Municipal Police Station at San Manuel Municipal Police Station sa Sorsogon, inaresto ang akusado dakong alas-10:10 ng umaga sa Brgy. Poblacion Sur, sa Bayan ng Barcolona.

Bitbit ng mga operatiba ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police Station ang arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 284 ng Valenzuela laban sa akusado para sa kasong paglabag sa Section 12 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kalakip na service of sentence.

Nagpaabot naman ng papuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano sa NPD at Valenzuela police sa masigasig na pagtugis sa akusado na pansamantalang nakadetine sa Barcelona Municipal Police Station habang pinoproseso pa ang pagbiyahe sa kanya sa Valenzuela City. (Richard Mesa)

2 drug suspects, timbog sa higit P.4M shabu sa Caloocan

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit P.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang tulak ng droga kabilang ang 43-anyos na housewife nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City.

Ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang buy bust operation laban sa 47-anyos na delivery worker at 43-anyos na housewife kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga ito.

Dakong alas-12:10 ng hating gabi nang maaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng NPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa Brgy., 188 nang bintahan umano ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 62.4 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P424,320 at buy bust money.

Sinampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s office. (Richard Mesa)

Pag-aantala sa VP Sara trial, hahadlangan ng prosekusyon

Posted on: November 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAPOS tanggapin ng Senate impeachment court sa mga pangunahing ebidensiya, walang nakikita ang House prosecution na dahilan para ma-delay ang pagdinig at nangakong hahadlangan ang anumang hakbang para mapahaba ang trial ni Vice President Sara Z. Duterte.

Sinabi ni House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hahadlangan ng prosecutors ang mga hindi kinakailangang delay sa pagsisimula ng depensa sa presentasyon ng ebidensiya sa Lunes, Nov. 9.

Nagbabala si Tolosa na sa posibleng pagkakaantala sa kung igigiit ng depensa na magpresenta ng ebidensiya sa tatlong iniatras na impeachment charges o iginiit ang pagkakaroon ng buong 30 trial days na orihinal na nakalaan sa apat na articles.

“Dahil napakaliwanag naman, kung magpe-presenta pa sila ng ebidensya para doon, it will not serve any legitimate purpose. So kung magpe-presenta pa sila ng ebidensya paukol doon sa articles that were already dropped, malinaw ang magiging effect lang niyan is to cause delay in this case,” aniya.

Una nang binawi ng House prosecution ang tatlong impeachment articles na kinabibilangan ng confidential funds, grave threats at bribery itong Oktubre, kung saan tanging Article II, ukol sa alegasyon ng unexplained wealth ang naiwan.

Sinabi pa ni Tolosa na hindi na kailangan ng depensa ang 30 trial days na orihinal na inilaan para sa apat na alegasyon.

“So kami ho, inaasahan namin reasonable na kung binigyan sila ng 30 days to present evidence for four articles, reasonable that this should be accordingly decreased now, considering isa na lang,” ani Tolosa.

Tinukoy na ng depensa ang initial batch ng 24 prospective witnesses at inaasahan na magsusumite pa ito ng karagdagang pangalan. (VINA de GUZMAN)