Depensa ni Sara sasagutin na P818 milyong yaman issue, mga mansion
- Published on November 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
SISIMULAN ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Lunes ang pagharap sa mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon ng Kamara kaugnay ng umano’y P818 milyong hindi maipaliwanag na yaman at mga kuwestiyonableng ari-arian na iniuugnay sa kanya at sa kanyang pamilya.
Tinapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensiya, kabilang ang mga titulo ng lupa, rekord sa bangko, dokumento sa buwis at forensic report. Ayon kay forensic accounting expert Alexander Cabrera, umaabot sa P817.87 milyon ang umano’y hindi naideklarang yaman mula 2022 hanggang 2025, at maaari pa umanong lumampas sa P1.5 bilyon bago ibawas ang mga pananagutan.
Kabilang sa mga isyung inaasahang sasagutin ng depensa ang mga ari-ariang nakapangalan umano sa asawa ni Duterte na si Manases Carpio na hindi umano naisama sa SALN, gayundin ang mga mansiyong may swimming pool, helipad at pribadong kalsada na natukoy ng National Bureau of Investigation (NBI).
Iginiit naman ni Duterte na hindi niya pag-aari ang ilan sa mga ari-ariang tinukoy ng NBI, habang sinabi ng kanyang mga abogado na naideklara sa kanyang SALN ang mga ari-ariang may kaukulang titulo.
Bukod dito, inilahad din ng prosekusyon ang umano’y mahigit P424 milyong transaksiyong pinansiyal, kabilang ang isang P41 milyong cash withdrawal sa loob ng 73 minuto noong Agosto 2024, na isa rin sa mga inaasahang tutugunan ng depensa.
Ayon kay Ridon, nararapat na magharap ang depensa ng mga testigong may kakayahang sumagot at magpabulaan sa mga ebidensiya ng prosekusyon sa halip na basta kuwestiyunin lamang ang paraan ng paglalahad ng mga ito.
“Kaya nga ang sinasabi natin, kailangan ho witnesses, hindi weaknesses ’yung pong isasalang po ng depensa sa darating pong mga araw,” ani Ridon.
Tanging ang Article II na may kinalaman sa umano’y unexplained wealth ang natitirang batayan ng impeachment case laban kay Duterte matapos bawiin ng prosekusyon ang iba pang mga artikulo. Nakatakdang magsimula ang presentasyon ng depensa alas-10 ng umaga ngayong Lunes. Nakatakda ring magpatuloy ang mga pagdinig hanggang Nobyembre 23.
( VINA de GUZMAN)