Pag-aantala sa VP Sara trial, hahadlangan ng prosekusyon
- Published on November 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
MATAPOS tanggapin ng Senate impeachment court sa mga pangunahing ebidensiya, walang nakikita ang House prosecution na dahilan para ma-delay ang pagdinig at nangakong hahadlangan ang anumang hakbang para mapahaba ang trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Sinabi ni House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hahadlangan ng prosecutors ang mga hindi kinakailangang delay sa pagsisimula ng depensa sa presentasyon ng ebidensiya sa Lunes, Nov. 9.
Nagbabala si Tolosa na sa posibleng pagkakaantala sa kung igigiit ng depensa na magpresenta ng ebidensiya sa tatlong iniatras na impeachment charges o iginiit ang pagkakaroon ng buong 30 trial days na orihinal na nakalaan sa apat na articles.
“Dahil napakaliwanag naman, kung magpe-presenta pa sila ng ebidensya para doon, it will not serve any legitimate purpose. So kung magpe-presenta pa sila ng ebidensya paukol doon sa articles that were already dropped, malinaw ang magiging effect lang niyan is to cause delay in this case,” aniya.
Una nang binawi ng House prosecution ang tatlong impeachment articles na kinabibilangan ng confidential funds, grave threats at bribery itong Oktubre, kung saan tanging Article II, ukol sa alegasyon ng unexplained wealth ang naiwan.
Sinabi pa ni Tolosa na hindi na kailangan ng depensa ang 30 trial days na orihinal na inilaan para sa apat na alegasyon.
“So kami ho, inaasahan namin reasonable na kung binigyan sila ng 30 days to present evidence for four articles, reasonable that this should be accordingly decreased now, considering isa na lang,” ani Tolosa.
Tinukoy na ng depensa ang initial batch ng 24 prospective witnesses at inaasahan na magsusumite pa ito ng karagdagang pangalan. (VINA de GUZMAN)