PINALAWIG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng karagdagang 30 araw ang deadline ng aplikasyon para sa regularisasyon ng mga TNVS partner na nasa “tempo” status.
Nagsimula noong Oktubre 8 ang online application na orihinal na nakatakdang tumagal nang 30 working days. Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., layunin ng pagpapalawig na matiyak na mabibigyan ng pagkakataong maging bahagi ng regular na sistema ang mas maraming TNVS partner at walang maiiwan sa pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang kanilang kabuhayan.
Natuklasan ng LTFRB na may ilang Transport Network Company (TNC) na nagpasok ng mga TNVS unit sa kanilang digital platforms kahit wala pang kaukulang awtorisasyon mula sa ahensya.
Ang ganitong gawain, na kilala bilang “tempo” modus, ay paglabag sa mga umiiral na patakaran dahil pinahihintulutan nitong makapagsakay ng pasahero ang mga unit na walang balidong awtorisasyon.
“Layunin ng ating hakbang na regularisasyon na matulungan ang libu-libong TNVS driver na ang tanging pagkakamali ay ang buong tiwalang umasa sa proseso ng onboarding ng mga platform at gumastos nang malaki dahil dito,” pahayag ni Acting Chairman Pua.
Dagdag niya, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang patas na pagpapatupad ng mga patakaran at pangangalaga sa kapakanan ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon.
Batay sa pinakahuling datos, nakatanggap na ang LTFRB ng 13,216 aplikasyon, kung saan 5,091 na ang nabigyan ng Provisional Authority (PA). Pinabibilis na rin ng ahensya ang pagproseso sa mga natitirang aplikasyon.
Gayunman, hinikayat ni Acting Chairman Pua ang mga aplikante na tiyaking kumpleto at maayos ang pagkaka-upload ng lahat ng kinakailangang dokumento upang makatulong sa pagpapabilis ng proseso ng regularisasyon.
“Hinihikayat namin ang ating mga partner sa TNVS community na nag-aaplay para sa regularisasyon na sundin ang itinakdang proseso. Mahalaga ang mga kinakailangang dokumento upang maiwasan ang pagkakakansela ng aplikasyon dahil sa ilang suliranin, kabilang ang mga usapin sa pagmamay-ari ng sasakyan,” aniya.
Nauna nang nagpatupad ang LTFRB ng karagdagang hakbang upang matugunan ang mga hamon sa online franchise application system at mapadali ang proseso para sa mga aplikante.
Tiniyak ni Acting Chairman Pua na patuloy na susubaybayan ng ahensya ang mga aplikasyon upang maisailalim sa regularisasyon ang pinakamaraming “tempo” TNVS. Hinikayat din niya ang mga nahihirapang kumumpleto ng mga kinakailangan na magtungo sa LTFRB upang makahingi ng kaukulang tulong.
(PAUL JOHN REYES)