• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 30th, 2026

CALOOCAN, MAGBIBIGAY NG LIBRENG SAKAY NGAYONG UNDAS

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UPANG maibsan ang gastusin at mapadali ang pagbiyahe ng mga mamamayan sa paggunita ng Undas 2026, maghahatid ng libreng sakay ang Caloocan City Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) sa mga ruta na malapit sa mga sementeryo sa North at South Caloocan. 

Sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Gilberto Bernardo, hepe ng PSTMD, layunin ng serbisyo na umagapay sa mga bibisita sa sementeryo para bisitahin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay.

Bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, naglabas din ang PSTMD ng abiso sa trapiko. 

Bukod sa PSTMD, katuwang din ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), City Health Department (CHD), City Environmental Management Department (CEMD), Caloocan City Police Station (CCPS), Bureau of Fire Protection (BFP) – Caloocan, at iba pang mga tanggapan at ahensiya, sa pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan, at kalinisan sa mga sementeryo.

Nagpasalamat naman si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga kawani ng PSTMD at iba pang tanggapan sa kanilang pakikiisa sa paghahanda para sa Undas.

“Hangad nating maging ligtas at maginhawa ang paggunita ng Undas para sa ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng libreng sakay at iba pang serbisyo, layunin nating matiyak ang maayos na kapakanan ng bawat Batang Kankaloo,” pahayag ni Mayor Along.

Hinihikayat din niya ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at sumunod sa mga mahalagang paalala ng mga awtoridad upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at maiwasan na maabala. (Richard Mesa)

Pagdinig sa impeachment trial ni VP Sara itutuloy sa Nov. 9

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAHIT pa hindi na isama ang sinasabing corporate assets ni Vice President Sara Duterte, mayroon pa siyang P463 million na hindi maipaliwanag na yaman, ayon kay House impeachment team spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Ayon kay Adiong, ang kaso ng prosecution laban kay Duterte ay hindi nakadepende sa financial records ng mga nasabing kumpanya, kabilang ang kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio.

“Just to be fair, tanggalin na po natin ’yung corporate veil theory. Wala na ’yung corporation, corporate income. Meron pang 463 million pesos,” sinabi ni Adiong. 

Sinabi ni Adiong na ang P463,046,459 ay kabilang sa P817.87 million na umano’y undeclared assets at unexplained wealth na natukoy ni forensic accounting expert Alexander Cabrera mula 2022 hanggang 2025. 

Tinukoy din ng prosecution na si Duterte ay nagdeklara ng zero cash on hand at sa bangko sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) mula 2019 hanggang 2025. 

Subalit tinukoy ni Cabrera na may mga balanse sa bangko si Duterte na P60.21 million sa taong 2022, P80.70 million noong 2023, P23.17 million noong 2024 at P43.61 million noong 2025 na sinabi ng prosecution na hindi deklarado.

Ayon kay Adiong, maaaring makasuhan si Duterte ng tax evasion dahil sa P111.85 million na difference sa kanyang sahod bilang bise presidente na P63.11 million at bank inflows na P174.96 million mula 2022 hanggang 2025. 

“Hindi lang ho ito issue ng non-disclosure or unexplained wealth. This is also an issue of tax evasion,” ani Adiong.

“Madam Vice President, saan po nanggaling itong mga income na ito na hindi niyo po naideklara sa inyong SALN? Saan po nanggaling ito? At paano po kayo naka-accumulate ng ganitong kahalagang pera?” dagdag ng kongresista.

Pinasinungalingan ni Duterte ang mga paratang samantalang ang kanyang mga abugado ay kinukwestyon ang ebidensiya ng prosecution.

Nakatakdang ituloy ang pagdinig sa impeachment trial nitong Nov. 9 kung saan ang defense ang maglalatag ng kanilang ebidensya kontra sa Article II ng Articles of Impeachment sa hindi maipaliwanag na yaman. (VINA de GUZMAN)v

4 drug personalities, huli sa sugal, pot session sa Valenzuela

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng apat na hinihinalang drug personalities matapos maaresto ng pulisya sa Anti-Criminality Operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni PSSg Janine Buenaventura, alas-9 ng gabi nang maaktuhan nina Pat Calagui at Pat Quiaño ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa loob ng Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal St., Brgy., Karuhatan.

Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Bert”, 26.

Nauna rito, huli din sa akto nina PCpl Bacuran at Pat Regalado, kapwa ng Police Sub-Station 3 si alyas “Mar”, 30, na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang abandonadong bahay sa Mayo Compound F. Bautista St., Brgy., Marulas ala-1:50 ng hapon.

Naaktuhan naman nina PCpl Montana at Pat Bulahao, kapwa ng Police Sub-Station 1 si alyas “Enrique”, 50, habang gumagamit umano ng droga sa E. Francisco St., Brgy. Parada dakong alas-12:30 ng hating gabi.

Habang natimbog naman nina PCpl Olieca at Pat Caampued, kapwa ng Police Sub-Station 2 si alyas “Juluis”, 43, nang mahuli sa aktong bumabatak umano ng shabu sa loob ng isang bahay sa San Gregorio St., Brgy., Gen T De Leon pasado alas-2:30 ng madaling araw.

Patuloy na hinihikayat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa mga taong gumagawa ng mga ilegal na gawain. (Richard Mesa)

Grade 12 student, 1 pa laglag sa selda sa statutory rape sa Valenzuela 

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang dalawang indibidwal kabilang ang 19-anyos na grade 12 student matapos arestuhin ng pulisya dahil sa kasong panggagahasa sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang operation laban sa akusado na residente ng Brgy., Malinta at nakatala bilang No. 3 Top Most Wanted sa NPD.

Alas-4 ng hapon nang tuluyang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS), Regional Intelligence Unit–National Capital Region (RIU-NCR) at iba pang Intelligence units ang akusado sa Brgy. Malinta.

Inaresto siya sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270, noong October 15, 2026 para sa kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa.

Pasado alas-5:10 ng hapon nang makorner naman ng isa pang team ng WSS ng Valenzuela Police, katuwang ang RIU-NCR ang 20-anyos na akusado sa apat na bilang ng kasong Statutory Rape sa Brgy., Coloong.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest para sa apat na bilang ng kasong Statutory Rape na inisyu ng RTC Branch 16, Valenzuela City, noong September 25, 2026, na walang inilaang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Kapwa pansamantalang nakapiit ang mga akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanila sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)

LTO, MMDA, PDEA, AT PNP-HPG NAGTULUNGAN PARA SA LIGTAS NA BIYAHE NGAYONG UNDAS

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang inspeksyon at drug testing sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Isinagawa ang joint operation bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos – Undas 2026 upang matiyak ang kahandaan ng mga pampublikong bus at kanilang mga drayber sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas. Sa pamamagitan ng inspeksyon at drug testing, layunin ng mga ahensya na matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan at ang mga drayber ay nasa angkop na kondisyon upang ligtas na makapagdala ng mga pasahero sa kanilang mga destinasyon.

“Kaligtasan ng ating mga pasahero ang pangunahing layunin natin ngayong Undas. Kaya sinisiguro nating hindi lamang maayos ang kondisyon ng mga sasakyan kundi nasa maayos ding kondisyon ang mga drayber upang ligtas na maihatid ang ating mga kababayan. Patuloy tayong makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya upang maging ligtas at maayos ang kanilang biyahe,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Patuloy ang koordinasyon ng LTO sa MMDA, PDEA, PNP-HPG at iba pang katuwang na ahensya sa pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa mga terminal at pangunahing ruta ngayong Undas. 

(PAUL JOHN REYES)

Publiko pinag-iingat laban sa pekeng pari ngayong Undas

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG- IINGAT ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap umanong mga pari upang makakolekta ng pera kapalit ng mga panalangin, basbas, at iba pang serbisyong panrelihiyon ngayong Undas.

Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Christopher Abrahano, hindi dapat agad-agad na magtiwala ang publiko sa mga nag-aalok ng ganitong serbisyo, lalo na sa mga sementeryo.

Aniya, posibleng samantalahin ng mga ito ang pananampalataya at pangungulila ng mga pamilyang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga sementeryo, memorial park, at columbarium sa Metro Manila para sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa.

Pinayuhan ni Abrahano ang publiko na tiyakin muna ang pagkakakilanlan ng mga nagpapakilalang pari bago tumanggap ng kanilang serbisyo o magbigay ng anumang halaga. Kung may pagdududa, maaaring direktang makipag-ugnayan sa pamunuan ng sementeryo, kinauukulang parokya o diyosesis upang matiyak kung lehitimo ang kanilang pagkakakilanlan at awtoridad.

Partikular na pinagbabantay ang publiko sa mga indibidwal na namimilit na magbayad agad, nagtatakda ng sapilitang halaga, o nagiging agresibo kapag kinukuwestiyon ang kanilang pagkakakilanlan. Hinikayat din ang mga mamamayan na agad ireport sa pinakamalapit na police station, Police Assistance Desk, o security personnel ng sementeryo ang anumang kahina-hinalang gawain upang maagapan ang posibleng panloloko.

Ads October 30, 2026

Posted on: October 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments