Publiko pinag-iingat laban sa pekeng pari ngayong Undas
- Published on October 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINAG- IINGAT ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap umanong mga pari upang makakolekta ng pera kapalit ng mga panalangin, basbas, at iba pang serbisyong panrelihiyon ngayong Undas.
Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Christopher Abrahano, hindi dapat agad-agad na magtiwala ang publiko sa mga nag-aalok ng ganitong serbisyo, lalo na sa mga sementeryo.
Aniya, posibleng samantalahin ng mga ito ang pananampalataya at pangungulila ng mga pamilyang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga sementeryo, memorial park, at columbarium sa Metro Manila para sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa.
Pinayuhan ni Abrahano ang publiko na tiyakin muna ang pagkakakilanlan ng mga nagpapakilalang pari bago tumanggap ng kanilang serbisyo o magbigay ng anumang halaga. Kung may pagdududa, maaaring direktang makipag-ugnayan sa pamunuan ng sementeryo, kinauukulang parokya o diyosesis upang matiyak kung lehitimo ang kanilang pagkakakilanlan at awtoridad.
Partikular na pinagbabantay ang publiko sa mga indibidwal na namimilit na magbayad agad, nagtatakda ng sapilitang halaga, o nagiging agresibo kapag kinukuwestiyon ang kanilang pagkakakilanlan. Hinikayat din ang mga mamamayan na agad ireport sa pinakamalapit na police station, Police Assistance Desk, o security personnel ng sementeryo ang anumang kahina-hinalang gawain upang maagapan ang posibleng panloloko.