• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, MMDA, PDEA, AT PNP-HPG NAGTULUNGAN PARA SA LIGTAS NA BIYAHE NGAYONG UNDAS

PINANGUNAHAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang inspeksyon at drug testing sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Isinagawa ang joint operation bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos – Undas 2026 upang matiyak ang kahandaan ng mga pampublikong bus at kanilang mga drayber sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas. Sa pamamagitan ng inspeksyon at drug testing, layunin ng mga ahensya na matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan at ang mga drayber ay nasa angkop na kondisyon upang ligtas na makapagdala ng mga pasahero sa kanilang mga destinasyon.

“Kaligtasan ng ating mga pasahero ang pangunahing layunin natin ngayong Undas. Kaya sinisiguro nating hindi lamang maayos ang kondisyon ng mga sasakyan kundi nasa maayos ding kondisyon ang mga drayber upang ligtas na maihatid ang ating mga kababayan. Patuloy tayong makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya upang maging ligtas at maayos ang kanilang biyahe,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Patuloy ang koordinasyon ng LTO sa MMDA, PDEA, PNP-HPG at iba pang katuwang na ahensya sa pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa mga terminal at pangunahing ruta ngayong Undas. 

(PAUL JOHN REYES)