MAHAHARAP si Vice President Sara Duterte sa habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak at pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno kapag napatunayang guilty sa impeachment case sa Senado.
Ito ang binigyang-diin nitong Sabado ni House impeachment trial adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, na nagsabing malinaw na nakasaad sa Saligang Batas ang kaparusahan sa sinumang opisyal na mahatulang guilty sa isang impeachment proceeding.
Ayon kay Barbers, hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang pangunahing parusa sa impeachment conviction, ang pagtanggal sa puwesto at ang habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno. Dahil dito, hindi rin umano maaaring tumakbo si Duterte sa mga susunod na halalan, kabilang ang 2028 presidential election.
“Hindi po. Hindi po puwede ‘yun. Eh ‘yan po ay nakasaad din sa ating Saligang Batas,” pahayag ni Barbers.
“So hindi po puwedeng paghiwalayin ‘yan. ‘Yan po ang consequence ng isang proseso ng impeachment na kung saan ang respondent ay mape-penalize ng removal from office at saka perpetual disqualification from holding public office,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Barbers ang paglilinaw kasunod ng mga kumakalat na usap-usapan sa social media na maaari umanong magkaroon ng kompromiso upang payagan pa ring tumakbo si Duterte sa 2028 presidential race kahit mahatulan ng guilty sa impeachment court.
Ayon kay Barbers, malinaw sa Article XI, Section 3(7) ng 1987 Constitution na ang hatol sa impeachment ay maaaring magresulta sa pagtanggal sa puwesto at diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong tanggapan sa hinaharap. ( DARIS JOSE)