Senglot na kelot, dinampot sa pananaksak sa kainuman sa Malabon
- Published on October 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISINELDA ang 47-anyos na senglot na kelot nang undayan ng sunod-sunod na saksak ang isa sa mga kainumang kapitbahay matapos mapikon sa kanilang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa imbestigasyon nina PMSg Michael Oben at P/SSg Bengie Nalogoc ng Investigation Section ng Malabon police, nangyari ang insidente sa Talabahan St. Brgy Baritan alas-11:40 ng gabi habang nag-iinuman ang magkakapitbahay.
Nagatalo umano ang biktimang si alyas Rommel, 43, at alyas Bayot nang hindi magkaintindihan na dahilan upang mapikon ang suspek at inundayan ng magkakasunod na saksak ang biktima na nagawa namang makailag.
Nagsumbong ang biktima sa mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission na nagresulta sa pagkakadakip kay “Bayot” at pagkakakumpiska sa kalawanging patalim na ginamit sa pananaksak sa kapitbahay.
Mahaharap sa reklamong attempted homicide ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)