• October 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gatchalian nanawagan ng maayos na pag-aresto kay Bato

NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga awtoridad na tiyaking ligtas at maayos ang pagsasagawa ng pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang maiwasan ang karahasan at posibleng pagkasawi ng mga sibilyan at operatiba.

Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na mahalagang matiyak ang kaligtasan kapwa ni Dela Rosa at ng mga law enforcer na magsasagawa ng operasyon, dahil mapanganib ang ganitong uri ng pagpapatupad ng batas.

Binigyang-diin niya na dapat maging maayos ang pag-aresto, lalo na matapos ang mga pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng humantong sa karahasan ang operasyon.

Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring umabot sa 10,000 ang mamatay kung sapilitang aarestuhin si Dela Rosa. Dahil dito, ayon kay Remulla, nakikipagnegosasyon ang pamahalaan upang mahikayat ang senador na sumuko.

Gayunman, iginiit ni Gatchalian na dapat panindigan ng gobyerno ang awtoridad nito sa harap ng ulat na may armadong grupong umano’y kumakalinga kay Dela Rosa.

Nauna nang sinabi ng Senate President na hindi dapat nakikipagnegosasyon ang pamahalaan sa mga armadong grupong walang awtorisasyong humawak ng armas, lalo na kung kabilang ang mga ito sa mga grupong kriminal o terorista.

Aniya, maaaring magmukhang mahina ang gobyerno kung makikipagnegosasyon ito sa mga grupong dapat sana ay nasa ilalim ng batas. ( DARIS JOSE)