PINANGUNAHAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang Send-Off Ceremony para sa mahigit 100 personnel ng Law Enforcement Service (LES) na itatalaga sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos – UNDAS 2026. Ito ay bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong nalalapit na Undas para sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada, partikular sa Metro Manila at mga pangunahing ruta ng mga biyahero.
Dumalo rin sa aktibidad si LES Director General Allan C. Nobleza, LTO National Capital Region (NCR) Regional Director Atty. Richard V. Perez, at mga kinatawan mula sa Tollways at Philippine Coast Guard (PCG).
Sa ilalim ng operasyon, itatalaga ang 18 tauhan ng PCG, 70 LES enforcers, at 50 Information, Education, and Communication (IEC) Team members, katuwang ang mga deputized personnel ng mga tollway, sa mga pangunahing transport corridor, entry at exit points ng mga expressway, at iba pang mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga biyahero. Saklaw ng deployment ang Manila-Cavite Expressway, South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, STAR Tollway, North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), Cavite-Laguna Expressway (CALAX), at Philippine Economic Zone Authority–Tollway (PEATC).
Kasabay nito, magsasagawa rin ng drug testing sa mga drayber at magpapatupad ng real-time enforcement operations ang mga LTO personnel upang matukoy ang mga posibleng paglabag at agad na maaksyunan ang mga insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan at daloy ng trapiko.
Magsisimula ang unang bahagi ng deployment ngayong Oktubre 23 hanggang Oktubre 27, 2026, habang magpapatuloy ang ikalawang bahagi mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4, 2026. Layunin ng operasyon na matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at mapalakas ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa panahon ng Undas, upang maging mas ligtas at maayos ang paglalakbay ng publiko.
“Nais nating matiyak na ligtas at maayos ang biyahe ng bawat motorista ngayong Undas. Nakaantabay ang ating mga tauhan upang mapanatili ang kaayusan sa kalsada at agad na umaksyon sa mga posibleng aberya. Hinihikayat din natin ang publiko na sumunod sa batas-trapiko at maging responsable sa pagmamaneho sa anumang oras,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Bilang bahagi ng paghahanda sa Undas 2026, tiniyak ng LTO ang kahandaan ng mga tauhan nito sa pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko sa mga pangunahing ruta. Patuloy na palalakasin ng ahensya ang koordinasyon sa mga katuwang na tanggapan upang maging maayos ang operasyon at mabigyan ng agarang aksyon ang mga insidenteng maaaring makaapekto sa daloy ng trapiko. (PAUL JOHN REYES)