BINIGYAN ng deadline ni Transportation Secretary Banoy Lopez ang mga bus operator para ipatupad ang matagal ng direktiba ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ay ang “EDSA Busway Left-Side Door Policy” kung saan lahat ng bus na bumabaybay sa EDSA Busway ay dapat nasa kaliwang side ng bus ang pintuan para kumbinyente at ligtas na makababa ang mga pasahero.
Sa ngayon ay meron pa ring mga bus na nasa kanan ang pintuan kung kaya’t kailangan pang umiikot ng mga pasahero para sumakay o bumaba ng bus.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas at komportable ang mga pasaherong araw-araw na nagko-komyut. Halimbawa na lamang ang mga gumagamit ng EDSA Busway.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, kailangang sumunod ng mga EDSA Busway operators at consortium sa loob ng anim buwan dahil hindi na palalawigin pa ito ng DOTr.
“Inutusan ko na rin po sina [LTFRB] Acting Chair Greg Pua at si Undersecretary Pastor—magbibigay na lang po ako ng six months sa ating mga bus operators, ‘yung consortium natin dito [sa EDSA Busway], within six months kailangan gumagana na ‘yung left side door [ng mga buses],” sinabi ni Secretary Lopez matapos inspeksyunin ang rehabilitated na EDSA Busway Monumento Station kagabi, kasama sina Senior Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Acting Chairman Greg Pua.
“Hindi na po tayo magbibigay ng palugid d’yan at saka extension. Matagal na po tayo nagbigay ng moratorium d’yan, this time in six months lahat po sana ng ating mga buses na bumabaybay sa busway station dapat may left side door,” ani Secretary Lopez.
Dagdag pa ng transport chief, sa kabuuang mahigit 500 na bus na bumabiyahe sa EDSA Busway, 181 na bus ang mayroong pinto sa kaliwang bahagi ng kanilang sasakyan.
“Ang importante po kasi dun para sa kaligtasan po ng ating mga mananakay. Para hindi na [ng mga pasahero] na umikot pa. Sa left side po ng driver, pag dito mismo sa istasyon, didiretso na lang po [sa pagbaba sa platform]. Usually, po kasi kapag walang left side door, iikot pa sila [ang mga pasahero], at napakadelikado nun kahit may barrier,” sabi ng Kalihim.
Paalala ni Secretary Lopez, ang mga bus operator na hindi makakapag-comply sa loob ng anim na buwang deadline ng DOTr at LTFRB, pagmumultahin masususpinde o di na papayagan ang mga bus na ito na dumaan sa EDSA Busway.
“Ngayon po kami naman po, hindi lang po pakiusap na, we’re going to mandate the operators, the consortium, within six months, ‘yun na lang po. No more, no more extensions—kailangan ng left side door,” giit Secretary Lopez. (PAUL JOHN REYES)