3-araw na pig holiday, ilulunsad; 800 hog raisers magra-rally
- Published on October 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINATAYANG 800 magbababoy mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang magra-rally sa harap ng Department of Agriculture (DA) sa Biyernes, Oktubre 23, upang igiit ang agarang aksyon ng pamahalaan laban sa pagkalugi ng lokal na industriya.
Kasabay nito, magsasagawa ang mga hog raiser ng tatlong araw na “Pig Holiday” mula Oktubre 22 hanggang 24, kung saan pansamantala silang hindi magbebenta ng mga baboy upang ipanawagan ang pagtugon sa kanilang mga hinaing.
Ayon kay AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, umaabot sa P350 milyon kada araw ang pagkalugi ng mga lokal na magbababoy, na umabot umano sa P4.75 bilyon mula Oktubre 2 hanggang 21.
Kabilang sa kanilang panawagan ang pagtataas ng taripa sa imported na baboy sa 30 porsiyento para sa in-quota imports at 40 porsiyento para sa out-quota imports, pansamantalang paghinto sa pag-isyu ng import permits at mas mahigpit na pagbabantay laban sa smuggling.
Nais din ng grupo ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at makatarungang sistema ng pagpepresyo upang maprotektahan ang lokal na produksyon at kabuhayan ng mga magbababoy.
(DARIS JOSE)