LTO magkakasa ng random drug test sa mga bus driver sa Undas
- Published on October 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAGSASAGAWA ang Land Transportation Office (LTO) ng random drug testing sa mga driver ng pampasaherong sasakyan sa mga bus terminal sa Metro Manila bilang bahagi ng Oplan Ayos Undas upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa Nobyembre 1 at 2.
Ayon kay BGen. Allan Cruz Nobleza, direktor ng LTO Law Enforcement Service, sisimulan sa Oktubre 23 hanggang 27 ang inspeksiyon sa mga terminal upang matiyak na roadworthy ang mga sasakyan at walang overloading. Mananatili namang naka-heightened alert ang ahensiya hanggang Nobyembre 3, partikular sa mga entry at exit point ng Metro Manila.
Hindi na papayagang magmaneho ang mga driver na magpositibo sa paunang drug test at ire-refer ang mga ito sa Philippine National Police (PNP) para sa confirmatory drug test.
Tututukan din ng LTO ang mga colorum na sasakyang ilegal na nagsasakay ng mga pasahero papasok at palabas ng Metro Manila. Ayon kay Nobleza, huhulihin ang mga lalabag at kukumpiskahin ang kanilang mga sasakyan dahil wala ang mga itong kaukulang prangkisa at insurance, na maaaring mag-iwan sa mga pasahero na walang sapat na proteksiyon sakaling maaksidente.
Magde-deploy rin ang LTO ng Mobile Command Center sa Kilometer 44 sa North Luzon upang umalalay sa mga motorista at pasahero. Layunin ng operasyon na matiyak ang ligtas na biyahe at maayos na daloy ng trapiko sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.