• October 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 21st, 2026

Ads October 21, 2026

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Mga ebidensiya sa iniatras na kaso laban kay VP Sara, dadalhin sa Ombudsman

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINGURO ni House lead prosecutor Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa publiko na hindi masasayang ang mga ebidensiya sa ini-atras na tatlong impeachment charges laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Ayon sa mambabatas, inihahanda na ng prosekusyon ang pagsusumite ng mga naturang records sa Office of the Ombudsman para sa posibleng kasong kriminal.

Sinabi pa nito na patuloy ang prosekusyon sa pagsusulong sa kaso ng unexplained wealth sa Senate impeachment court habang ang ibang government agencies ang siyang hahawak sa alegasyon na kinasasangkutan ng confidential funds, bribery at grave threats.

“To address the concern of the public, wala pong nasasayang. Tuloy po ang Article II on unexplained wealth sa impeachment court at tuloy din po ang pagpapanagot kaugnay ng grave threat, ng confidential fund at ng bribery sa iba’t ibang ahensya naman ng ating pamahalaan,” ani Luistro sa isang press briefing.

Hinikayat naman ni Luistro ang publiko na huwag mag-alala sa pag-atras sa tatlong articles of impeachment, na inaprubahan ng Senate impeachment court nitong Oct. 13.

“As part of our appeal to the public, huwag po tayong manghinayang because these articles are not gone into waste sapagkat tuloy-tuloy po ang ibang ahensya ng ating pamahalaan to pursue criminal action with respect to these articles of impeachment,” giit nito.

Welcome naman sa prosekusyon ang plano ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na pag-aralan ang mga ebidensiyang iprinisinta sa impeachment trial, partikular na ang records kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at bribery.

“Tatalima po ang prosecution sa kahilingan ng ating Ombudsman na magkaroon ng kopya nitong mga ebidensya na inilatag natin sa impeachment court,” aniya.

Handa rin ang prosekusyon na maglaan ng hininging ebidensiya kapag nag-isyu ang Ombudsman ng formal subpoena.

Pinag-aaralan na ng Ombudsman ang alegasyon kaugnay sa P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at Department of Education noong panahon ni Duterte.

(VINA de GUZMAN)

China, binabaluktot ang katotohanan sa ating soberanya sa West Philippine Sea

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGALING magsinungaling ang China at binabaluktot niya ang katotohanan sa ating soberanya sa West Philippine Sea.

Ito ang sinabi ni House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers na aniya’y pinapalabas ng China na sila ang biktima ng agresibong hakbang ng Pilipinas sa karapatan at soberanya sa nasabing rehiyon.

Ayon kay Barbers, naging dalubhasa ang China sa pagbaligtad ng istorya upang maangkop sa kanilang bersyon at naratibo.

“China cannot manufacture sovereignty by repeating lies, nor can it turn an unlawful claim into a legitimate one simply by spreading its version of the story,” ani Barbers. 

Iginiit ni Barbers na ang isyu sa West Philippine Sea ay saklaw ng international law matapos katigan ng Arbitral Tribunal noong 2016 ang Pilipinas at ibasura ang pag-angkin ng China sa halos lahat ng South China, kabilang ang West Philippine Sea.

“Every time China twists the facts, the Philippines must answer with evidence. We cannot allow disinformation to drown out the truth or intimidation to weaken our resolve to defend our maritime rights,” ani Barbers.

Nanawagan si Barbers sa ating mga kababayan na maging mapanuri sa bawat pahayag ng Beijing hinggil sa mga isyu na kinasasangkutan ng China at Pilipinas, partikular sa West Philippine Sea.

 “China may have the resources to amplify its propaganda, but it does not have the power to erase the truth. The West Philippine Sea belongs in the realm of international law—not in the manufactured narratives of Beijing,” ani Barbers.

 (VINA DE GUZMAN)

OMBUDSMAN, PUWEDENG MAG-IMBESTIGA KAHIT HINDI PA TAPOS ANG COA AUDIT

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAY sarili at independiyenteng kapangyarihan ang Office of the Ombudsman na mag-imbestiga sa mga iregularidad ng mga opisyal ng gobyerno, kahit hindi pa tapos ang audit ng Commission on Audit (COA), ayon sa Korte Suprema.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, binigyang-diin ng SC na magkaiba ang mandato ng dalawang ahensya — ang COA ay nag-a-audit ng pondo at transaksyon ng gobyerno, habang ang Ombudsman ay nag-iimbestiga sa mga maling gawain ng mga pampublikong opisyal.

Bagama’t nakatutulong ang ulat ng COA, hindi ito binding at hindi obligadong sundin ng Ombudsman.

Dahil dito, pinagtibay ng SC ang parusang dismissal from service, permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, at pagbawi sa retirement benefits laban sa ilang dating opisyal ng Palawan, kabilang si Ronelo Del Socorro, na sangkot sa iregularidad sa paggamit ng Malampaya Fund.

Napatunayang guilty ang mga dating opisyal sa grave misconduct, serious dishonesty, at gross neglect of duty bunsod ng anomalya sa paggamit ng bahagi ng P2.572 bilyong Malampaya Fund.

Binigyang-diin ng SC na sa ilalim ng Article 11, Section 13(1) ng Konstitusyon at ng Ombudsman Act of 1989, may kapangyarihan ang Ombudsman na magsagawa ng sariling imbestigasyon batay sa reklamo. (Gene Adsuara)

HALOS 300K SAKO NG BIGAS IPINAMAHAGI SA MGA PAMILYA SA CALOOCAN 

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa halos 300,000 sako ng bigas ang naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pangunguna ng Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD) katuwang ang pamahalaang nasyonal mula buwan ng Mayo hanggang Oktubre.

Sa distribusyon ngayong araw, Oktubre 20, 2026, nakasama ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kanyang ama na si Congressman Oscar “Oca” Malapitan at Unang Ginang ng Republika ng Pilipinas Louise Araneta- Marcos.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang higit na nangangailangan, nasa vulnerable sector tulad ng Person With Disability (PWD), senior citizens na hindi pensyonado, mga minimum wage earner, seasonal ang kita, mga guro, mag-aaral, walang buwanang subsidiya at iba pang benepisyo mula sa lokal na pamahalaan. 

Sa ilalim ng Assistance to Indigent Individuals or Families – Food Assistance Rice Distribution Program (AIIF-FA-RDP) na pinopondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), layuning matiyak ang seguridad sa pagkain ng mga pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin. 

Tiniyak din ni Mayor Malapitan ang patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga mamamayan sa mga hamong pang-ekonomiya. 

“Sisiguraduhin po natin na ang bawat tulong na ipinagkakatiwala sa ating ng pamahalaang nasyonal ay makakarating sa ating mga kababayan. Bukod sa mga ipinatupad nating programa sa gitna ng krisis sa enerhiya at krudo, patuloy po nating tinitignan kung ano pa ang mga maaari nating gawin para maibsan ang epekto ng krisis sa ating mga mamamayan,” ani Mayor Along. 

Samantala, nag-abot din ng mensahe ang unang ginang upang magbigay ng pag-asa at suporta sa mga mamamayan. 

“Alam po natin na mataas ang presyo ng mga bilihin ngayon at marami sa kababayan natin ang nahihirapan. Ang mga bigas na ito po ay tulong natin sa inyo para makausad po tayo nang sama-sama,” pahayag ni First Lady Marcos. (Richard Mesa)

Negosyante, itinumba sa harap ng kanyang motor shop sa Malabon

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DUGUANG bumulagta ang katawan ng 32-anyos na negosyante matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek sa harap mismo ng kanyang motor shop na kanya ring tirahan sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si alyas “Mark Anthony”, residente ng Blk 8H, Lot 7, Teachers Village, Brgy., Longos.

Batay sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-11:05 ng gabi nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng biktima.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Michael Oben at P/SSg. Bengie Nalogoc, lumabas ng kanyang bahay ang biktima nang dumating ang delivery rider na may dala sa kanyang biniling produkto.

Habang tinatanggap nito ang pakete, biglang dumating ang dalawang magka-angkas sa motorsiklo at nang bumaba ang isa, bumunot agad ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang beses sa ulo ang biktima sa harap mismo ng nahintakutang delivery rider.

Isang testigo naman ang nakakita sa gunman na sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabuwat bago tumakas ang mga ito patungong Langaray St., sa Caloocan City.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa biktima habang nagsasagawa na rin ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar na maaring makakatulong upang makilala at madakip ang mga salarin. (Richard Mesa)

E-trike driver, binoga sa mukha ng riding-in-tandem, tigok

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TUMIMBUWANG ang duguang katawan ng 34-anyos na e-trike driver matapos barilin sa mukha ng hindi pa kilalang riding-in tendem sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Dead-on-the-spot sanhi ng isang tama ng bala sa mukha ang biktimang si Christian Lorenzo, residente ng Sitio 6, Brgy. Catmon.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa kanto ng M.H. Del Pilar St. at Basilio St. Brgy. Tugatog.

Lumabas sa imbestigasyon na habang namamasada ang biktima para umano sa pambili ng gatas ng bagong panganak niyang live-in partner nang barilin sa mukha ng mga suspek bago mabilis na tumakas patungo sa Brgy. Acacia.

Sa ginawa namang beripikasyon ng mga imbestigador, napagalaman na nakulong na ang biktima dahil sa paglabag sa pag-iingat ng pampasabog noong Pebrero 19, 2024.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pagpaslang, pati na ang kanyang pamilya, dahil sa ginawang pahayag ng ina ng biktima na si Aling Marife na wala silang alam na kaaway ang anak na nagsisikap aniyang buhayin ang pamilya sa pamamasada.

Patuloy ang isinagawang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga suspek at sa agarang pagdakip sa mga ito.

 (Richard Mesa)

LTFRB, INAPRUBAHAN ANG MAHIGIT 1,100 SPECIAL PERMITS NG MGA BUS PARA SA ‘UNDAS’

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang special permit para sa mahigit 1,100 bus ng pampasaherong transportasyon.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., umabot na sa 384 aplikasyon ang naaprubahan, na sumasaklaw sa 1,131 bus, upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero sa paggunita ng Undas.

Aniya, 28 pang aplikasyon na sumasaklaw sa humigit-kumulang 90 bus ang kasalukuyang sinusuri.

“Mahigpit nating sinusuri ang mga unit na bibigyan ng special permit upang matiyak na ligtas ang mga ito sa malalayong biyahe. Hindi dapat maisakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada,” ani Pua.

Nauna nang inanunsiyo ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na inaasahan nito ang mahigit 1.9 milyong pasahero ngayong Undas, kabilang ang mga bibiyahe patungo sa Luzon, Visayas, at Mindanao at pabalik.

Ayon kay Acting Chairman Pua, mahalagang madagdagan ang mga bus na bibiyahe upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero.

Ayon kay LTFRB Executive Director Atty. John Paul Allen M. Victa, 1,080 sa mga naaprubahang bus ang magmumula sa Metro Manila. Kabilang dito ang 402 unit para sa Northern Luzon, 290 para sa Central Luzon, 185 para sa Southern Luzon, 61 para sa Bicol Region, 19 para sa Eastern Visayas, 13 para sa Western Visayas, at 10 para sa Mindanao.

Ang iba pang bus ay bibiyahe sa mga ruta sa Northern Luzon, Central Luzon, at Bicol Region na hindi dadaan sa Metro Manila.

Inatasan na rin ni Acting Chairman Pua ang lahat ng Regional Franchising and Regulatory Office na subaybayan ang sitwasyon ng mga pasahero sa kani-kanilang nasasakupan upang maiwasang may mga commuter na ma-stranded.

“Layunin nating matiyak ang ligtas at komportableng biyahe ng ating mga kababayan papunta at pabalik sa kanilang mga probinsya upang gunitain ang ating mga yumaong mahal sa buhay,” ani Pua. (PAUL JOHN REYES)

Dengue cases sa Maynila, pumalo na sa higit 4K

Posted on: October 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PUMALO na sa mahigit 4,000 ang mga kaso ng dengue na naitatala sa lungsod ng Maynila batay sa Daily W.I.L.D. Disease Update ng Manila Health Department (MHD).

Nabatid na hanggang nitong Oktubre 19, Lunes, nakapagtala pa ang lungsod ng 31 bagong kaso ng dengue. Dahil dito, umakyat na sa 4,048 ang dengue cases sa lungsod ngayong taon o mula Enero 1 hanggang Oktubre 19. Nakapagtala rin naman ang MHD ng 28 bagong kaso ng Influenza-Like Illness (ILI), sanhi upang umabot na sa 2,508 ang total case nito.

Nasa dalawa naman ang bagong kaso ng Severe Acute Respiratory Infection (SARI), na may 525 total cases na ngayong taon at isa ang naitalang bagong kaso ng leptospirosis na may 1,648 total cases na.

Wala namang naitalang bagong kaso ng COVID-19 na may 106 total cases, typhoid fever na may 85 total cases na at cholera na nananatili pa rin sa apat ang naitalang kabuuang kaso ngayong taon.