Dengue cases sa Maynila, pumalo na sa higit 4K
- Published on October 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
PUMALO na sa mahigit 4,000 ang mga kaso ng dengue na naitatala sa lungsod ng Maynila batay sa Daily W.I.L.D. Disease Update ng Manila Health Department (MHD).
Nabatid na hanggang nitong Oktubre 19, Lunes, nakapagtala pa ang lungsod ng 31 bagong kaso ng dengue. Dahil dito, umakyat na sa 4,048 ang dengue cases sa lungsod ngayong taon o mula Enero 1 hanggang Oktubre 19. Nakapagtala rin naman ang MHD ng 28 bagong kaso ng Influenza-Like Illness (ILI), sanhi upang umabot na sa 2,508 ang total case nito.
Nasa dalawa naman ang bagong kaso ng Severe Acute Respiratory Infection (SARI), na may 525 total cases na ngayong taon at isa ang naitalang bagong kaso ng leptospirosis na may 1,648 total cases na.
Wala namang naitalang bagong kaso ng COVID-19 na may 106 total cases, typhoid fever na may 85 total cases na at cholera na nananatili pa rin sa apat ang naitalang kabuuang kaso ngayong taon.