LTFRB, INAPRUBAHAN ANG MAHIGIT 1,100 SPECIAL PERMITS NG MGA BUS PARA SA ‘UNDAS’
- Published on October 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang special permit para sa mahigit 1,100 bus ng pampasaherong transportasyon.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., umabot na sa 384 aplikasyon ang naaprubahan, na sumasaklaw sa 1,131 bus, upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero sa paggunita ng Undas.
Aniya, 28 pang aplikasyon na sumasaklaw sa humigit-kumulang 90 bus ang kasalukuyang sinusuri.
“Mahigpit nating sinusuri ang mga unit na bibigyan ng special permit upang matiyak na ligtas ang mga ito sa malalayong biyahe. Hindi dapat maisakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada,” ani Pua.
Nauna nang inanunsiyo ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na inaasahan nito ang mahigit 1.9 milyong pasahero ngayong Undas, kabilang ang mga bibiyahe patungo sa Luzon, Visayas, at Mindanao at pabalik.
Ayon kay Acting Chairman Pua, mahalagang madagdagan ang mga bus na bibiyahe upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Executive Director Atty. John Paul Allen M. Victa, 1,080 sa mga naaprubahang bus ang magmumula sa Metro Manila. Kabilang dito ang 402 unit para sa Northern Luzon, 290 para sa Central Luzon, 185 para sa Southern Luzon, 61 para sa Bicol Region, 19 para sa Eastern Visayas, 13 para sa Western Visayas, at 10 para sa Mindanao.
Ang iba pang bus ay bibiyahe sa mga ruta sa Northern Luzon, Central Luzon, at Bicol Region na hindi dadaan sa Metro Manila.
Inatasan na rin ni Acting Chairman Pua ang lahat ng Regional Franchising and Regulatory Office na subaybayan ang sitwasyon ng mga pasahero sa kani-kanilang nasasakupan upang maiwasang may mga commuter na ma-stranded.
“Layunin nating matiyak ang ligtas at komportableng biyahe ng ating mga kababayan papunta at pabalik sa kanilang mga probinsya upang gunitain ang ating mga yumaong mahal sa buhay,” ani Pua. (PAUL JOHN REYES)