• October 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga ebidensiya sa iniatras na kaso laban kay VP Sara, dadalhin sa Ombudsman

SINGURO ni House lead prosecutor Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa publiko na hindi masasayang ang mga ebidensiya sa ini-atras na tatlong impeachment charges laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Ayon sa mambabatas, inihahanda na ng prosekusyon ang pagsusumite ng mga naturang records sa Office of the Ombudsman para sa posibleng kasong kriminal.

Sinabi pa nito na patuloy ang prosekusyon sa pagsusulong sa kaso ng unexplained wealth sa Senate impeachment court habang ang ibang government agencies ang siyang hahawak sa alegasyon na kinasasangkutan ng confidential funds, bribery at grave threats.

“To address the concern of the public, wala pong nasasayang. Tuloy po ang Article II on unexplained wealth sa impeachment court at tuloy din po ang pagpapanagot kaugnay ng grave threat, ng confidential fund at ng bribery sa iba’t ibang ahensya naman ng ating pamahalaan,” ani Luistro sa isang press briefing.

Hinikayat naman ni Luistro ang publiko na huwag mag-alala sa pag-atras sa tatlong articles of impeachment, na inaprubahan ng Senate impeachment court nitong Oct. 13.

“As part of our appeal to the public, huwag po tayong manghinayang because these articles are not gone into waste sapagkat tuloy-tuloy po ang ibang ahensya ng ating pamahalaan to pursue criminal action with respect to these articles of impeachment,” giit nito.

Welcome naman sa prosekusyon ang plano ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na pag-aralan ang mga ebidensiyang iprinisinta sa impeachment trial, partikular na ang records kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at bribery.

“Tatalima po ang prosecution sa kahilingan ng ating Ombudsman na magkaroon ng kopya nitong mga ebidensya na inilatag natin sa impeachment court,” aniya.

Handa rin ang prosekusyon na maglaan ng hininging ebidensiya kapag nag-isyu ang Ombudsman ng formal subpoena.

Pinag-aaralan na ng Ombudsman ang alegasyon kaugnay sa P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at Department of Education noong panahon ni Duterte.

(VINA de GUZMAN)