• October 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 13th, 2026

EJ Obiena balik na sa world top 10 ang ranking

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKABALIK na sa top 10 sa world ranking si Pinoy pole vaulter EJ Obiena.Suriin ang Iskor

Nasa pang-10 puwesto na si Obiena ilang araw matapos ang ginanap na Asian Games sa Japan.

Pinakamataas na ranking na nakuha nito ay ranked number 2 at ito ay natanggal sa top 10 matapos magtamo ng injury.

Labis itong natutuwa dahil sa pagkakabalik niya sa top 10 pole vaulter sa buong mundo.

Magugunitang nagkamit si Obiena ng gintong medalya sa katatapos lamang ng Asian Games na ginanap sa Aichi-Nagoya Japan.

Paul Lee hindi makakapaglaro ng ilang linggo dahil sa calf injury

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI makakapaglaro ng ilang linggo sa PBA Governor’s Cup si Paul Lee dahil sa injury.

Ayon kay coach LA Tenorio na nagtamo ng calf injury ang veteran guard ng Magnolia Hotshots.

Dagdag pa nito na maaring aabot sa mahigit tatlong linggo bago makabalik sa paglalaro si Lee.

Maaaring sa playoffs na aniya makapaglaro si Lee subalit depende pa rin aniya ito sa kondisyon ng kanyang injury.

Mayroong average si Lee na 4.8 points, 1.5 rebounds at 2.5 assists bago ang 58 araw na break.

Alex Eala, bumaba sa No. 19 sa WTA Rankings

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUMABA nang isang pwesto ang Filipino tennis star na si Alexandra “Alex” Eala tungo sa No. 19 sa pinakabagong Women’s Tennis Association (WTA) official rankings na inilabas ngayong Lunes.

Mula sa kaniyang career-high ranking na No. 18 noong nakaraang Agosto, mayroon na ngayong 2,241 puntos ang 21-anyos na pambato ng Pilipinas.

Ang bahagyang pagbaba ni Eala sa ranking ay kasunod ng pag-akyat ng Belgian tennis player na si Elise Mertens mula No. 19 tungong No. 14 matapos makalikom ng 2,540 puntos.

Sa kabila nito, si Eala pa rin ang may pinakamataas na naabot na ranggo sa kasaysayan ng South-East Asia sa WTA Tour, matapos nitong lagpasan ang dating tala nina Yayuk Basuki ng Indonesia at Tamarine Tanasugarn ng Thailand na parehong nagtapos sa No. 19.

Samantala, nakatakda namang simulan ni Eala ang kaniyang kampanya sa 1000 Wuhan Open ngayong Lunes ng gabi laban sa Chinese qualifier na si Han Shi, habang makakapareha naman niya ang Turkish player na si Zeynep Sönmez sa doubles event laban sa tambalan ng Ukraine.

APELA NI GUO NA MAKALAYA IBINASURA NG CA

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINASURA ng Court of Appeals (CA) ang apela ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na palayain siya mula sa kulungan.

Nahatulang guilty si Guo sa kasong qualified human trafficking na iginiit na iligal siyang inaresto ng Bureau of Immigration (BI).

Sa desisyon ng CA nitong Oktubre 5 muling iginiit ng appellate court ng dating First Division ang “simple and inescapable fact” na hindi under detention ng BI si Guo.

Giit ng CA , si Guo ay nakadetine hindi dahil sa anumang warrant o kautusan ng BI kundi dahil sa joint decision ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167.

Dagdag pa ng CA , walang alegasyon o pagpapakita na ang nasabing detensyon ay lumabas sa constitutional rights ng petitioner sa mabilis na paglilinis at sa kalayaan.

Si Guo na pinaghinalaang Chinese spy ay kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong . (Gene Adsuara)

Halos 100 Malabuenos, nakinabang sa Red Cross Health Caravan

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa halos 100 residente ng Lungsod ng Malabon ang nabigyan ng libreng serbisyo sa Health Caravan na hatid ng Philippine Red Cross-Malabon City Chapter, na ginanap sa Tinajeros National High School sa Barangay Tinajeros ng lungsod.

Nagbigay ang Philippine Red Cross ng iba’t ibang serbisyo tulad ng libreng konsultasyong medikal at check-up, libreng gamot, at libreng maiinit na pagkain gaya ng taho, pandesal, pansit, kape, at ice cream.

Personal namang dumalo sa nasabing aktibidad si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at nagpahayag ng pasasalamat para sa mga serbisyong ipinagkaloob sa mga mamamayan ng Malabon. 

(Richard Mesa)

P319 million na Chinese remittances sa isang kumpanya na may kaugnayan kay VP Sara, ikinaalarma ng Pangulo

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

May dahilan para maalarma si Presidente Ferdinand Marcos Jr., sa P319 million na Chinese remittances sa isang kumpanyang may ugnayan umano sa asawa ni Vice President Sara Z. Duterte lalo na sa isyu ng national security.

Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers na nangangailangan ng masusing imbestigasyon ang naturang transaksyon partikular na sa posibleng foreign influence sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Talagang very alarming kasi dahil merong national security implications ’yan,” pahayag ni Barbers sa isang press briefing sa ika-38 araw ng Senate impeachment trial.

Reaksyon ito ng dating mambabatas sa naging pahayag ng pangulo sa pagbibigay nito ng alalahanin ukol sa alegasyon na may pondo na mula China ang nakaabot umano sa VP sa pamamagitan ng kumpanyang may kaugnayan umano sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio.

Nagbabala ang pangulo na ang ganitong alegasyon, kung napatunayan, ay may seryosong pagbabanta sa national security sa pinakamataas na lebelo.

Sinabi ni Barbers na dapat mapatunayan na ang remittances na natanggap ng Cale88 Foods Corp. ayginamit para suportahan ang political activities umano ni Duterte.

“Kung ito’y mapapatunayan sa isang malalimang imbestigasyon, therefore, napaka-alarming at nakakatakot ito. At ito ay may serious national security implication,” pahayag ni Barbers.

Lumitaw sa iprinisintang records ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa impeachment trial na tumanggap ang Cale88 ng P319.326 million na inward remittances mula mainland China at Hong Kong. (VINA de GUZMAN)

PBBM, pinag-aaralang mabuti ang panukalang ‘blanket social media ban’ sa mga menor de edad

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralang mabuti ng gobyerno ang panuklang batas na maghihigpit sa paggamit ng social media sa mga menor de edad, tinukoy ang mga potensiyal na epekto.

“The blanket ban, that’s also something that we’re still studying really hard,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Winika ng Pangulo na nais niyang makita kung maa-adopt din ng ng bansa ang polisiya na magbabawal sa mga menor de edad na may edad na 16 at pababa, kahalintulad na batas sa ibang bansa gaya ng Australia at Indonesia.

“Tinitingnan namin kung tama ba, baka bagay din sa atin ‘yun. And it has its advantages but there’s also one thing that comes out of it na kapag binan (ban) mo, itatago nung bata. So, hindi mo na ngayon alam na that kid is going on to that site, reading all of this, is getting groomed,” ang tinuran ng Pangulo.

Nauna rito, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa nitong Oktubre 8 ang Senate Bill No. 2424 o “SMART KIDS Act,” na naglalayong limitahan ang pag-access ng mga menor de edad sa mga digital platform na itinuturing na mataas ang panganib sa mga bata.

Labing-anim na senador ang bumoto pabor sa panukala, isa ang tumutol at walang nag-abstain. Inakda at ini-sponsor ito ni Sen. Robinhood Padilla.

Sa ilalim ng panukala, maaaring obligahin ang mga high-risk platform na suspindihin o alisin ang mga account ng mga wala pang 18 taong gulang at magpatupad ng mekanismo para beripikahin ang edad ng mga gumagamit. Kabilang sa mga posibleng saklaw ang Meta Platforms, Roblox at Gorebox.

Hindi saklaw ng panukala ang email, pribadong mensahe, online games na hindi pangunahing social networking service, educational platforms, news services at professional collaboration services.

Binigyang diin naman ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na suriing mabuti ang ugat ng karahasan sa mga menor de edad, inilarawan ang usapin bilang kapuwa “psychological” and a “generational problem.”

“Thank God, my generation, we didn’t have to worry about this, but this generation does. And we, who are supposed to be taking care of them and looking after them, we have to get something done,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“For now, social media platforms that were previously flagged have been cooperating with the government,” aniya pa rin sabay sabing “Now, in fairness, the providers now, because we brought the problem to them, are – they tend to cooperate. And sinasabi nila basta maipakita ninyo na ito talaga, unang-una, fake news, o ito, ‘yun na nga, grooming, et cetera, et cetera, isasara namin ‘yan.”

“It’s a work in progress. It’s a hard question,” dagdag na pahayag ng Chief Executive , sabay binigyang diin ang pangangailangan para sa whole-of-nation approach.

“Don’t get me wrong. Having the metal detectors in the school, that helps. You know, the teachers and the parents being more attentive and listening to their children, of course, that helps,” anito.

“So, all of these things. There’s no silver bullet to this. You have to bring many, many things together,” ang winika ng Pangulo. 

( DARIS JOSE)

Maraming nakuhang investors…PBBM, balik Pinas kasunod ng working visit sa Singapore

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALIK-PILIPINAS na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang kanyang working visit sa Singapore, kung saan pinag-usapan ang cargo at energy expansion at investment opportunities kasama ang mga business leaders.

Sa kanyang arrival statement, sinabi ng Pangulo na nakapulong niya ang mga business leaders, kabilang na ang FedEx, Mitsubishi Corporation, at Vena Energy.

Sa miting ng Pangulo kasama ang FedEx, winika ni Pangulong Marcos na plano ng kumpanya ang pagpapalawak sa Clark Gateway Hub nito sa Pampanga, na nakatakdang buksan sa fourth quarter ng 2028.

“The expanded hub will significantly increase capacity for international air freight and specialized cargo, helping our micro, small and medium enterprises reach global markets,” ayon kay Pangulong Marcos.

Inanunsyo ng Pangulo na mamumuhunan ang Mitsubishi Corporation ng $700 milyon sa Ayala Corporation, na aniya ay “expected to be among the largest foreign equity investments in the Philippines in recent years.”

Sa kabilang dako, plano naman ng Vena Energy na magdagdag ng 1.29 gigawatts na kapasidad, suportado ng P52-billion equity investment sa susunod na dalawang taon.

“This is on top of an existing 887 megawatt operational capacity and about 1.26 gigawatts under construction,” aniya pa rin.

“These developments directly align with our goal of achieving a 35% renewable energy share in power generation by 2030 and 50% by the year 2040,” ang winika ng Pangulo.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na ang kanyang working visit sa Singapore mula October 7 hanggang 11 ay makatutulong sa paghahanda ng Pilipinas para sa industriya sa hinaharap.

Nagpartisipa rin ang Pangulo sa 24th Forbes Global CEO Conference, kung saan nakaugnay nito ang gobyerno at business leaders mula sa ibang bansa kabilang na si Singapore Prime Minister Lawrence Wong.

Ipinresenta naman ng Pangulo ang economic priorities ng Pilipinas, ibinahagi ng Pangulo ang lumalagong exports ng bansa, pagsisikap na mapagaan at gawing simple ang pagnenegosyo at planong palakasin ang technological capabilities sa pamamagitan ng ‘research and development.’

Binigyang diin din ng Pangulo ang paglutas ng bansa laban sa korapsyon, pinalakas ang digital safeguards, nagtatag ng malakas na international economic ties, protektahan ang soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon sa West Philippine Sea, at mag-ambag sa regional peace and stability.

“Our objective is not simply to attract investments today. We must also prepare the energy supply, the infrastructure, technology, and human capital necessary to sustain the industries of tomorrow,” ayon kay Pangulong Marcos.

“To power our growth, we will keep studying all viable options for our long-term energy security and build the technical capability to make informed decisions for our future,” aniya pa rin.

Binisita rin ng Pangulo ang Singapore Nuclear Research and Safety Institute, kung saan sinabi niya na natutunan niya ang trabaho ng Singapore sa ‘nuclear research, technology, at safety.’

“We returned home having strengthened an important partnership, opened new opportunities for investment and cooperation, and advanced our preparations for the economy that we want to build for the Filipino people,” anito. ( DARIS JOSE)

Pagtataguyod ng rooftop solar energy system sa lahat ng government housing projects, panukala ng mambabatas

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANUKALA ng isang mambabatas ang pagtataguyod ng rooftop solar energy system sa lahat ng government housing projects sa buong bansa bilang pagtitipid sa singil ng kuryente sa mga low income households at mga informal settlers.

Inihain ni Quezon City Rep. Michael Ray Vargas ang House Bill No. 10478, o “Power sa Mamamayan Act,” sa nais nitong magtatag ng national framework na isama ang rooftop solar equipment sa mga long-term housing loans.

“Ang layunin natin sa pag-relocate ng informal settlers ay matulungan silang maiahon sa kahirapan. Dahil itinataguyod pa lang nila muli ang kanilang mga buhay, kailangan bawasan natin ang kanilang pasanin sa pagbibigay ng murang kuryente,” Vargas said. 

Ayon kay Vargas, maaring maibalik ang naitipid na gastos sa kuryente sa pamamagitan ng monthly billing credits sa mga local power distributors. 

Inihalimbawa ni Vargas ang grid-connected rooftop solar installation sa Pasinaya Homes sa Naic, Cavite. 

“Napatunayan sa Pasinaya Homes na kayang magkaroon ng mura at malinis na kuryente sa socialized housing communities. Pagkakataon na nating palawakin at gawing pamantayan ito sa lahat ng relocation site ng gobyerno sa buong bansa,” dagdag ni Vargas. 

Aniya, sa paglalagay ng solar power sa mga relocation sites, binibigyan ng agarang bawas-gastos ang mga pamilya, ibinabalik ang kanilang dignidad, at sinisiguro kasama ang low-income communities sa paglipat ng bansa sa clean and renewable energy. (VINA de GUZMAN)

Import ban sa karneng baboy at mataas na taripa upang maprotektahan ang lokal na industriya, panawagan ng mambabatas 

Posted on: October 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan ng import ban sa karneng baboy at mataas na taripa upang maprotektahan ang lokal na industriya.

“Ang pagbagsak ng industriya ng baboy ay bunga ng dekadang import liberalization, smuggling, at pagpapabaya ng gobyerno sa lokal na agrikultura,” pahayag ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago. 

Kinuwestiyon ni Elago ang ginagawang tugon ng gobyerno ng importasyon tuwing humihina ang lokal na produksiyon.

“Sa ganitong sistema, ang mga importer at cartel ang kumikita habang ang mga lokal na magbababoy ang nalulugi,” ayon kay Elago.

Aniya, ginagamit na dahilan ang kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo para patuloy na magpasok ng imported na karne. Habang lumalaki ang pagdepende sa importasyon, lalong nahihirapan ang mga magbababoy na makipagsabayan dahil pinapaboran ang mga importer habang unti-unting pinahihina ang lokal na industriya. 

“Hindi sapat ang pagtaas ng taripa kung mananatili ang mga patakarang nagpapahina sa ating agrikultura. Kailangan ang tunay na repormang agraryo at sapat na suporta sa mga lokal na magbababoy. Dapat palakasin ang sariling produksiyon at wakasan ang mga patakarang inuuna ang kita ng malalaking importer kaysa sa kabuhayan ng mga magsasaka at pangangailangan ng mamamayan,” sinabi ni Elago. (VINA de GUZMAN)